Hinusgahan ang Isang Babaeng Laki sa Hirap dahil Iba-iba ang Lahi ng Kaniyang Anak; Napahiya Sila nang Malaman ang Katotohanan

Hinusgahan ang Isang Babaeng Laki sa Hirap dahil Iba-iba ang Lahi ng Kaniyang Anak; Napahiya Sila nang Malaman ang Katotohanan

KarmaStoriesSuccess

“Hirap na nga sa buhay ay gusto pang mag-aral ng kolehiyo. Hindi na lang tulungan ang magulang,” pagpaparinig ni Aling Nora sa dalagang si Juliet habang dumaraan ito sa eskinita kung saan nakatambay ang mga tsismosa. 

“Naku, kunwari lang ‘yang nag-aaral. Tingnan mo, bukas-makalawa ay buntis na rin ‘yan,” sambit pa ng isang ginang. 

Laki sa hirap si Juliet. Ang tanging nagtataguyod na lamang sa kaniya ay ang kaniyang inang si Aling Nena na nagbabantay ng dumpsite malapit sa kanilang lugar. Kahit na matanda na at may iniinda ng karamdaman ay hindi nito inaalintana para lamang matustusan ang pangangailangan nilang mag-ina lalo na ni Juliet sa kaniyang pag-aaral. 

Nais mang tumigil na lamang ni Juliet sa pag-aaral at tulungan ang ina ay mariin nitong tinututulan ni Aling Nena. Para sa kaniya ay hindi ito responsibilidad ng dalaga. At nais ni Aling Nena na mabago ang buhay at ang tanging paraan lamang na kaniyang alam ay kung makakatapos ito ng pag-aaral. 

“Bakit nakasimangot ka na naman, anak?” sambit ni Aling Nena kay Juliet na kakauwi lamang ng bahay. 

“Nagtumpukan na naman po kasi ang mga tsismosa at alam kong pinaparinggan nila ako, ‘nay. Sumasama ang loob ko po sa mga sinasabi nila,” saad ng dalaga.

“Pabayaan mo ang mga iyon, anak. Wala namang silang naiaambag sa buhay mo. Kaya bakit mo sila pag-aaksayahan ng atensyon? Ituon mo na lang ang isip mo sa pag-aaral. Pabayaan mo na lang sila at wala lang magawa sa buhay nila ang mga tsismosang iyon!” pahayag ni Aling Nena. 

Sinunod na lamang ni Juliet ang ina at hindi na nagpaapekto sa mga ito kahit na palala na nang palala ang kanilang mga sinasabi. Mas kailangan niyang pagtuunan ng pansin ang lumalalang kondisyon ng kaniyang ina. 

“‘Nay, pasensiya na po pero kailangan ko na pong tumigil talaga sa pag-aaral. Kailangan ko pong magtrabaho para matustusan ang mga pagpapagamot ninyo,” wika ni Juliet. 

“Matanda na ako, Juliet. Hindi na ako magtatagal. Ang kailangan mong paglaanan ay ang iyong pag-aaral. Ipangako mo sa akin na kahit anong mangyari ay makakapagtapos ka at iibahin mo ang buhay mo,” sambit ng ina. 

“Hindi ako papayag, ‘nay. Kailangan ay naroon kayo kapag nagtapos ako,” naiiyak na sambit ng dalaga. 

Hindi nagtagal ay binawian na ng buhay ang kaniyang ina.

Ginawa ni Juliet ang lahat upang mabuhay. Kinailangan niyang huminto muna sa pag-aaral sa kolehiyo upang maghanap ng trabaho. Pumasok siya bilang isang tindera, kasambahay at taga-bantay ng isang kompyuteran. Hanggang sa isang oportunidad ang nagbukas sa kaniya upang makapagtrabaho sa ibang bansa bilang isang kasambahay.

Makalipas ang isang dekada ay kailangan ni Juliet na bumalik sa kanilang lugar upang asikasuhin ang lupang tinitirikan ng kanilang bahay. 

Nagulat ang lahat nang makita nila si Juliet na bumaba galing sa isang magarang sasakyan. Halos hindi mo na makikilala na ito ang dating dalaga na laki sa hirap. 

Mangiyak-ngiyak ang dalaga habang pinagmamasdan ang tapat ng kanilang lumang bahay. 

“Hindi ko akalain na babalik ako sa lugar na ito at hindi ko makikita ang aking ina. Walang araw na nagdaan na hindi kita inisip, ‘nay,” sambit niya sa sarili. 

Lalong ikinagulat ng lahat nang bumaba isa-isa ang apat na batang iba-iba ang itsura at lahi. Lalo na nang tawagin si Juliet ng mga ito na “mommy”. 

“Ibinenta ang katawan sa iba’t ibang lahi para maanakan at makakuha ng sustento. May mga tao talagang gagawin ang lahat para makaangat sa buhay,” sambit ni Aling Nora habang nakatanghod kay Juliet at mga anak nito. 

“Mas gugustuhin ko nang manatiling mahirap kaysa manlamang ng tao. Paano niya naatim kaya na makisama sa iba’t ibang lalaki?” susog pa ng isang ginang. 

“Nawala lang ang ina ay kung anu-ano na ang ginawa sa buhay. Noong buhay pa ay hindi na lang nagtrabaho kasi para naipagamot ang ina tapos ay iiyak-iyak ngayon sa tapat ng bahay. Anong klaseng anak siya,” sambit muli ni Aling Nora. 

Narinig ni Juliet ang usapan ng mga tsimosa. Sa pagkakataong ito ay hindi na niya sila inurungan kahit pa naaalala niya ang bilin sa kaniya ng kaniyang ina. 

“Mga wala talaga kayong magawa sa buhay ninyo, ano? Hindi ako nagtataka na ganiyan pa rin ang katayuan niyo sa buhay!” wika ni Juliet. 

“Bakit? Masakit bang marinig ang katotohanan, Juliet? Porket nakakariwasa ka na ngayon sa buhay ay ganyan ka nang magsasalita. Ilang lalaki ba ang ginamit mo para mapunta ka sa kinalalagyan mo ngayon?” sambit ni Aling Nora sabay tingin sa mga bata.

“Ma’am, ayos lang po ba kayo? Ano po ang nangyayari dito?” sambit ng body guard ni Juliet. 

“Mawalang galang na po sa inyo, mga ginang. Para malaman po niyong lahat, walang asawa ang boss namin. Hindi siya kagaya ng inaakala niyo,” dagdag pa ng lalaki. 

Nagulat ang lahat sa tinuran ng lalaki.

“Ang lahat ng mayroon ang boss ko ay dahil sa sarili niyang pagsisikap. Isang tanyag na fashion designer siya sa ibang bansa. At ang mga batang kasama niya ay hindi niya mga tunay na anak. Sa tuwing nakakakita siya ng batang walang magulang ay hindi niya maiwasan ang tumulong kaya inampon niya ang mga ito. Kayo, ano ang nagawa ninyong mabuti para sa inyong kapwa?” dagdag pa nito. 

Lalo itong ikinagulat ng mga matatandang tsismosa. 

“Tama ang narinig n’yong lahat. Nagbanat ako ng buto sa ibang bansa at nang makaipon ay nagpatuloy ako sa pag-aaral. Tinupad ko ang pangako ko sa aking ina. Sayang lang at hindi niya lahat ito mararanasan. Ngunit masaya ako na sa isang banda ay nakaalis na rin ako sa lugar na ito kung saan pugad ng mga taong wala namang binatbat kung hindi humusga sa kanilang kapwa,” wika ni Juliet. 

Napahiya ang mga tsismosa sa kaniyang sinabi. Lahat sila ay hindi makatitig sa dalaga. Nanliliit sila sa kanilang mga sarili. Hindi nila akalain na ang dating si Juliet na mahirap ang buhay ay nakakaangat na ngayon at marami pa ang natulungan. 

More Stories