
Masama ang Kutob ng Isang Matanda sa Karpinterong Nagtatrabaho sa Kabilang Bahay; Hindi Niya Akalain na Ito pala ang Kayang Gawin ng Lalaki
Pauwi galing simbahan ang matandang si Aling Rosing. Sa kaniyang pag-uwi ay napatanaw siya sa kabilang bahay sapagkat inuumpisahan na pala ng nakabili ng lupa ang pagpapaayos dito. Habang nakatanaw ay nakita niya ang lalaking isa sa mga karpintero na nakatingala at tinititigan ang bahay nilang tatlong palapag.
Dali-daling pumasok si Aling Rosing sa kanilang bahay.
“Angelica, apo, lagi ninyong isasara ang bahay, a. H’wag na h’wag kayong makikipag-usap kahit kanino lalo na sa mga karpintero d’yan sa ginagawang bahay,” mahigpit na bilin ng matanda.
“Opo, lola,” tugon naman ng apo.
Hindi maialis sa isip ni Aling Rosing ang tindig ng lalaki at pagkakatitig nito sa kanilang bahay. Lalo siyang kinabahan sapagkat sa laki ng bahay nila ay siya lamang at ang tatlo niyang mga apo ang naroon dahil nasa ibang bansa ang kaniyang anak at asawa nito na mga magulang naman ng kaniyang mga apo.
Minsan nang manggaling si Aling Rosing sa palengke ay halos humaba na ang leeg ng matanda sa paghanap sa lalaking karpintero. Nang makita niyang napatingin sa kaniya ang lalaki ay dali-dali siyang pumasok sa kanilang tahanan.
“Masama ang kutob ko sa isang trabahador d’yan sa kabilang bahay. Parang walang matinong gagawin,” saad ni Aling Rosing sa kaniyang apo.
“Sobra naman kayo, lola. Hindi naman natin lubusang kilala ‘yung tao. Kaya h’wag natin siyang husgahan. Pero makakaasa kayo na mag-iingat po kami rito sa bahay palagi,” saad ng dalaga.
Sa tuwing nakikita ni Aling Rosing ang lalaki ay sobra ang kaniyang paghihinala. Nariyang isara niya nang matindi ang kanilang gate at pintuan pati mga bintana.
“Lola, bakit po saradong-sarado ang bahay natin? Napakainit!” reklamo ni Angelica.
“Mas mainam nang nag-iingat tayo. Hindi talaga panatag ang kalooban ko sa isang karpintero diyan sa kabila. Baka mamaya ay tinatanaw niya ang bahay at pinag-aaralan na pala. Mainam na ang sigurado,” saad ng matanda.
Sinilip ni Angelica ang tinutukoy na lalaki na nasa labas.
“Lola, abala po sa pagtatrabaho ang lalaking sinasabi niyo. Saka parang mukhang wala naman sa kanila ang nagbabalak ng masama sa atin,” saad ng dalaga.
“E, siyempre wala namang masamang loob ang magpapahalata. Basta, tumapat ka na lang sa bentilador pero hindi ko bubuksan ang bahay natin,” wika ni Aling Rosing.
Wala nang nagawa pa si Angelica sa nais ng kaniyang lola. Sigurado siya na hanggang hindi natatapos ang bahay na ginagawa ay hindi matitigil ang paghihinala ng kaniyang lola.
Nang isang araw ay nakita ni Aling Rosing na nakaupo lamang sa tapat ng bahay ang nasabing lalaki. Iginiit niya rito na umalis at h’wag na h’wag nang makakatambay doon. Sa tuwing dumadaan ang lalaki ay halos ipasok na ng matanda pati mga halamang tanim na nasa tapat ng kanilang bahay
“Lola, nakakahiya na po ang ginagawa ninyo. Alam ko napapansin na rin ng lalaking iyon ang ginagawa ninyo,” wika ni Angelica habang walang habas sa pagsasara ng kanilang kahabayan ang matanda.
“Kayo lamang ang iniingatan ko. Sa susunod na makita ko ang lalaking iyan na nasa tapat ng bahay natin o hindi kaya ay nakatingin sa bahay natin ay isusumbong ko na siya sa baranggay. Madalas ko siyang matanaw na nakatingin sa ikatlong palapag natin. Sa tingin ko ay pinagbabalakan niya tayong pasukin dito dahil alam niyang tayong apat lamang ang narito,” sambit pa ni Aling Rosing.
Napailing na lamang si Angelica sapagkat alam niya na kahit pa ano ang sabihin niya sa kaniyang lola ay hindi ito makikinig.
Kinagabihan ay sinisilip ni Aling Rosing ang paligid sa labas. Muli ay natanaw niya ang lalaki kasama ang kasamahan nito sa trabaho. Nakita ng matanda na tila paing-uusapan ng mga ito ang ikatlong palapag nila. Lalo siyang kinabahan nang biglang itinuro ng lalaki ang kanilang ikatlong palapag.
“Tama nga ang aking hinala,” kinakabahang saad nito sa sarili.
Maya-maya ay kinatok ng mga lalaki ang bahay nila Aling Rosing. Sa takot ng matanda ay agad siyang tumawag sa baranggay at isinumbong na ginagawan sila ng masama ng naturang lalaki at kasabwat ang isa pang kasamahan.
Takot na takot ang matanda nang magising si Angelica.
“Ano ang ingay na iyon, lola?” hindi na nakatiis pa ang dalaga.
“‘Tama ang kutob ko, Gagawan talaga tayo ng masama ng lalaking iyon. H’wag na h’wag mong bubuksan ang pinto. Tumawag na ako ng baranggay,” sambit ni Aling Rosing.
“Pero, lola, parang may sinasabi po sila!” saad ng dalaga na dali-daling nagtungo sa bintana upang tanawin ang mga lalaki.
“H’wag kang dumungaw baka mamaya ay kung ano ang gawin sa’yo,” galit na sita ng matanda.
“Lola, may sinasabi po sila!” hindi na nagpapigil si Angelica sa kaniyang lola.
Binuksan niya ang bintana at agad niyang tinanong ang pakay ng mga lalaki.
“Lumabas na kayo riyan! Nasusunog ang itaas ng bahay niyo!” sigaw ng lalaki.
“Pare, tumawag ka ng bumbero saka tawagin mo ang ibang kasamahan natin upang matulungan natin sila!” wika pa ng ginoo.
Nang tingnan ni Angelica ang sinasabi ng mga lalaki ay nakita niya na lumalaki na nga ang apoy.
“Lola, lumabas na po kayo, gigisingin ko lang ang mga kapatid ko! Lumabas na po kayo!” natatarantang sabit ng dalaga.
Lumabas si Aling Rosing, maya-maya ay kasunod na niya ang kaniyang mga apo. Ilang sandali pa ay nariyan na rin ang mga bumbero na agad rumesponde at saka dumating ang mga baranggay.
“Ito po ba ang lalaking sinasabi niyong may kagagawan ng lahat ng ito?” saad ng isang tauhan ng baranggay habang hinuhuli niya ang lalaking karpintero.
“S-sandali lang po! Wala po akong ginagawang masama sa kanila,” giit ng lalaki.
“Pero tumawag si Aling Rosing sa amin. Isinusumbong na lagi ka raw nakatingin ng masama sa bahay nila. Ito pala ang nais mong gawin sa kanila, a! Tara, sumama ka sa amin!” sambit pa ng taga-baranggay.
“Naku, mali po ang sinasabi niyo,” wika ni Angelica. “Sa katunayan po ay sila ang tumulong sa amin. Sila po ang nagsabi sa amin na nagsusunog na po ang ikatlong palapag ng bahay namin. Sila rin po ang tumawag ng bumbero,” pahayag pa ng dalaga.
“Kaya po ako laging nakatingin sa itaas ng bahay niyo ay nakikita ko po kasi ang linya ng inyong kuryente. Madalas po ay nag-iispark ito. Delikado po dahil baka magkasunog. Ngunit sa tuwing susubukan ko pong sabihin sa inyo ay tila ilag na ilag kayo sa akin. Kaya akala ko ay alam niyo na ang nangyayaring ito,” wika ng lalaki.
“Kahit po karpintero lamang po ako ay hindi ko po naisip kailanman na gawan ng masama ang kapwa ko,” dagdag pa nito.
Napayuko si Aling Rosing sa kahihiyan.
“Patawarin mo ako kung nahusgahan kita. Ang akala ko kasi talaga ay nagbabalak ka ng masama sa amin. Natatakot lamang ako sapagkat kami lamang ng mga apo ko ang narito. Sana ay mapatawad mo ako sa ginawa ko,” paghingi ng matanda ng paumanhin.
Hindi naman nagtanim ng sama ng loob ang lalaki at agad siya nitong pinatawad. Simula noon ay nagsilbing aral ito kay Aling Rosing na huwag basta-bastang humuhusga ng ibang tao batay sa itsura o katayuan nito sa buhay.