
Hindi na Alam ng Lalaki Kung Makikita pa Niya ang Kaniyang Aso; Ano nga ba ang Nangyari Rito?
“Kumusta na kaya iyon si Dilaw? Nakakain kaya iyon nang maayos? Sana buhay pa ang aso kong iyon. Sana hindi siya nasagasaan at nam*atay. Mas nakakalungkot isipin kapag gano’n ang nangyari sa kaniya,” mangiyak-iyak na wika ni Clarence, habang kausap ang kaniyang inang si Melba.
Isang buwan na rin ang lumipas mula noong nawala ang aso niyang si Dilaw, isa itong Pomeranian dog. Namamasyal sila noon sa isang mall. Puwede kasi ang mga pets sa loob, basta nakasuot lamang ito ng diaper.
Pinahawak niya ito noon sa kaniyang pamangkin na si Lenny, dahil may nais siyang tingnan. Ngunit matapos niyang mabili ang dapat bilhin ay lumapit si Lenny sa kaniya. Umiiyak at panay ang hingi ng sorry.
Naiwala nito ang kaniyang pinakamamahal na alaga. Nagpatulong na siya sa management ng mall ngunit hindi rin nahanap ng mga ito ang kaniyang aso.
Kaya ngayon ay isang buwan na itong nawalay sa kaniya at miss na miss na niya ang kaniyang alagang si Dilaw.
“Sana nga, anak. Sana kung may nakapulot man kay Dilaw, sana’y mababait rin at aalagaan siya ng mabuti gaya ng pag-aalaga natin,” wika ng kaniyang ina.
Iyon din ang hinihiling ni Clarence. Kahit sabihing aso lamang si Dilaw, ay napamahal na ito sa kanila.
Nag-groceries si Clarence dahil marami nang kulang na supplies sa bahay nila. Siya mismo ang nagbu-budget sa pamilya nila mula noong nagkaroon siya ng trabaho. Mas gusto kasi niyang siya mismo ang bumibili ng pangangailangan nila dahil alam naman niya kung ano-ano talaga ang kailangan nilang lahat.
Ipa-park na sana niya ang kaniyang sasakyan nang biglang may mahagip ang kaniyang mga mata sa ‘di kalayuan ng parking. Isang asong pamilyar sa kaniya.
“D-dilaw?” Mahinang tawag ni Clarence sa pangalan ng alaga.
Nagbabakasakali siyang baka ito na nga ang kaniyang alagang asong isang buwan nang nawawala.
Kamukhang-kamukha ni Dilaw ang asong nakita niya. Lumingon ang aso sa gawi niya at gaya ng isang kaibigan na matagal mo nang hindi nakita ay agad na umikot-ikot ang buntot nito na tila kilalang-kilala siya ng aso.
Tumakbo ito papalapit sa kaniya at muntik na siyang maiyak sa galak habang papalapit ang aso sa pwesto niya.
Muli niya itong tinawag at agad namang tumahol ang aso na tila ba sinasabi nitong siya na nga ang kaniyang hinahanap. Sa galak ay napaluhod si Clarence habang hinihintay ang paglapit ng aso.
Nang makalapit ito ng tuluyan ay nakumpirma niya agad na ito na nga ang kaniyang asong si Dilaw. Mangiyak-ngiyak na niyakap niya agad ang alagang matagal na nawalay sa kaniya.
“Saan ka ba kasi nagpupupunta?” Umiiyak na tanong niya rito.
Hindi man sumasagot ang alagang aso ay ramdam ni Clarence ang galak nito nang sa wakas ay nagkita silang muli. Hindi na humiwalay pa ang aso sa kaniya.
“Tingnan mo oh! Ang dugyot-dugyot mo na at ang baho pa. Ikaw kasi kung saan-saan ka nagpupupunta. Uwi na tayo ah… uuwi na tayo, Dilaw,” tumatangis na wika ni Clarence na animo’y isang tao ang kaniyang kausap.
Tahol lamang ng tahol si Dilaw na tila ba umiiyak ito at nagsusumbong ng hirap na dinanas.
“Oh, tahan na. Nandito na ako. Sorry ah, sorry kasi kasalanan ko kaya nawala ka,” patuloy niya sa pakikipag-usap sa aso.
Imbes na bumili pa ng mga kakailanganin sa bahay nila ay napagpasyahan ni Clarence na umuwi na lamang upang mapaliguan si Dilaw at para na rin madala ito sa vet.
May mga sugat si Dilaw sa katawan at may kuto na rin siyang nakikita. Medyo namamaga rin nang kaunti ang nguso nito sa kung anong dahilan ay hindi niya mabigyang sagot hanggang hindi niya ito nadadala sa vet.
May mga tao talagang ang turing na sa alaga nilang hayop ay kapamilya. Marami ang kagaya ni Clarence na dog lover at totoong hindi madali ang mawalan ng alagang hayop.
Madalas iniisip ng ibang tao na masyado lang nag-iinarte iyong ibang napapamahal sa alaga nilang hayop. Hindi nila alam kung ano ang totoong nararamdaman ng ibang tao hangga’t hindi ikaw ang nakakaranas.
Hayop lang sila pero mayroon din silang pakiramdam na kagaya nating mga tao. Nasasaktan din sila kapag pinagmamalupitan ng mga tao. Mahalin natin ang mga alaga nating hayop, tandaan nating ginawa rin sila ng Diyos upang mamalagi sa mundo kasama nating mga tao.