Inday TrendingInday Trending
Nakiusap ang Batang Lalaki na Gawin Siyang Bihag ng Binata at Manghingi Ito ng Malaking Pera sa Magulang Nito; May Malalim Pala Itong Dahilan

Nakiusap ang Batang Lalaki na Gawin Siyang Bihag ng Binata at Manghingi Ito ng Malaking Pera sa Magulang Nito; May Malalim Pala Itong Dahilan

Naglalakad na pauwi si Jose nang mapansin niya ang batang nangangalakal sa basurahan. Sa kaniyang tantiya’y nasa edad dose anyos ito pataas. No’ng una’y tiningnan niya muna kung ano ang gagawin nito sa mga basurang kinakalkal. Hindi kasi halata sa itsura nito ang kahirapan, sapagkat kung kaniyang titingnan ay ang ganda ng suot nitong damit at mukhang mamahalin pa kung ang brand na nabasa niya ang pagababasehan.

Nang makita niyang akmang isusubo nito sa bibig ang nakuhang sirang pagkain ay agad niyang pinigilan ang bata. Nabigla naman ito at akmang tatakbo papalayo nang agad niya ring mahuli.

“Bakit ka kumakain ng mga itinapon na pagkain?” takang tanong ni Jose sa bata.

Ngayong nakikita na niya ito sa malapitan ay masasabi niyang imposibleng anak mahirap ang bata. Makinis ang balat nito at malinis ang anyo, malayo sa mga batang nakikita niya palagi sa lansangan.

“Gutom na gutom na po kasi ako,” anito saka marahang himas sa sikmurang kumakalam.

Agad namang nakaramdam nang habag si Jose sa bata. Kaya hinila niya ito palapit at pinapag ang mga duming kumapit rito sa pagkalkal ng basura.

“Halika’t sumama ka sa’kin,” aniya.

“Saan tayo pupunta, kuya?”

“Huwag ka nang maraming tanong, baka magbago pa ang isip ko,” aniya.

Agad namang nanahimik ang bata. Nakahawak lang ang maliit nitong kamay sa kaniya habang tahimik na sumunod. Nang makarating sila sa pinakamalapit na karenderya ay agad siyang um-order ng makakain nilang dalawa.

“Kumain ka na para mawala na ang nararamdaman mong gutom,” aya niya.

Agad namang nilantakan ng bata ang pagkaing nasa harapan na animo’y ilang linggo itong hindi nakakakain. Kaninong anak ba ang batang ito at ano ba ang nangyari rito. Iniisip niyang pagtapos nilang kumain ay dadalhin niya ito sa presinto at doon na ipagkakatiwala, hanggang sa makita ito ng mga magulang.

Nang matapos silang kumain ay agad na nagpasalamat ang bata sa kaniya na nakilala niya sa pangalang Abner.

“Halika na’t dadalhin kita sa presinto upang doon ka na hanapin ng mga magulang mo,” aniya.

Akmang hihilain na niya ang braso nito nang agad nito iyong pinigilan.

“Kuya Jose, gusto mo bang magkapera ng malaki?” mahinang tanong nito.

Agad namang nagsalubong ang kilay ni Jose sa labis na pagtataka. Anong alam ng batang paslit na ito sa pera?

“Bayad ko sa kabaitan mo, kuya. Kidn@pin mo ako at humingi ka ng malaking pera sa mga magulang ko,” anito.

Kung nalalaglag lang ang panga… malamang kanina pa nasa sahig ang panga ni Jose. Hindi man naniniwala si Jose sa sinasabi ni Abner sa kaniya’y ginawa nga niya ang ipinakiusap nito.

Tinawagan niya ang selpon number na ibinigay nito na ayon sa bata ay numero iyon ng ama. Tinakot niya ito at nanghingi ng isang milyong peso bilang ransom, dahil iyon ang inutos ni Abner sa kaniya. Nang matapos makipag-negosasyon sa mga magulang ni Abner ay dinala niya muna ito sa kaniyang bahay upang kahit papaano’y makapagpahinga silang dalawa.

“Ilang beses mo na bang ginawa ang bagay na ito sa mga magulang mo?” tanong niya habang binibihisan ito dahil katatapos lamang nilang maligo.

“Hindi ko na mabilang,” anito.

“Hindi ka ba natatakot na maghirap ang mga magulang mo sa ginagawa mo?”

Matamis na ngumiti si Abner. “Sa labing limang taon kong pamumuhay sa mundong kasama sila’y hindi ko pa naman nakitang naghirap sila, kuya.”

“Kahit na!”

Malungkot na yumuko si Abner saka muling nagsalita. “Habang nagpapayaman sila, hindi nila napapansin ang mga anak nila. Ang tanging mahalaga lang sa kanila ay ang pera at negosyo nila. Pero kaming mga anak nila’y balewala lamang.

Nararamdaman ko lang na mahalaga ako sa mga magulang ko kapag inaakala nilanb na kidn@p ako. Kasi nagwawaldas sila ng pera para lamang iligtas ako. Kaya ko ito ginagawa,” malungkot na ngumiti si Abner. “Akala nang mga kaibigan at kaklase ko na ang saya-saya nang buhay ko kasi naibibigay ng mga magulang ko ang lahat ng gusto ko.

Akala nila masaya ako kasi mayaman ang pamilya namin. Hindi nila alam na isang sumpa ang magkaroon ng mayamang pamilya,” mangiyak-ngiyak na dugtong nito.Muling nakaramdam ng awa si Jose sa batang si Abner. Napaka-bata pa nito upang maramdaman ang gano’n sa sariling mga magulang. Dose anyos siya nang parehong namayapa ang kaniyang mga magulang sa isang aksidente. Hindi sila mayaman, pero ni minsan noong nabubuhay pa ang mga ito’y hindi nagkulang ang mga magulang niyang iparamdam sa kaniya kung gaano siya kamahal ng dalawa.

“A-anong gusto mong gawin kapag nakuha na natin ang pera bukas?” nauutal niyang tanong.

“Pwede bang bilhin mo na lang ako sa mga magulang ko, kapag nakuha mo na ang perang ibibigay nila sa’yo?” seryosong sambit ni Abner. “Mag-isa ka lang dito sa bahay mo, alam kong malungkot ka rin kagaya ko. Pero masaya ako ngayon kasi ikaw mismo ang nag-aalaga sa’kin, bagay na hindi man lang nagawa ng mama at papa ko.”

Paano niya bibilhin si Abner? Hindi naman ito laruan para gano’n lang kadaling gawin ang gusto nito.

“Hindi ko pwedeng gawin ang gusto mo, Abner,” mahina niyang sambit. “Pero sa susunod na gusto mong maglayas sa inyo’y pwede kang bumalik dito sa malungkot kong bahay. Iyon lamang ang kaya kong gawin,” dugtong niya.

Siguro sapat na iyon para kay Abner dahil agad itong ngumiti sa kaniya at niyakap siya nang mahigpit.

“Salamat Kuya Jose,” puno nang emosyong sambit nito.

Kinabukasan… gaya nang napag-usapan nila ng mga magulang ni Abner ay maayos namang sumunod ang mga ito sa mga naging kondisyon niya. Matapos nitong iabot ang isang milyong piso ay agad na sanang babalik ang mga ito sa kotse kasama ang anak nang pigilan niya ang mga ito.

“Ibinabalik ko po sa inyo ang perang ito,” aniya saka tumingin sa mga mata nito Abner na may pagtutol. “Hindi ko po kinidn@p ang anak niyo. Nakita ko siya kagabi na naghahanap nang makakain sa basurahan, saka dinala sa bahay ko upang doon magpalipas ng gabi.

Gusto ko lang pong sabihin na sana bago niyo isipin ang pagpaparami ng pera niyo, isipin niyo munang may mga anak kayong nangangailangan nang pagmamahal ninyo. Darating ang araw kapag nawala kayo sa mundo, ang perang mas minahal at inuna niyo hindi niyo ‘yan madadala sa hukay. Pero ang pagmamahal ng mga anak niyo sa inyo mananatili iyan, kahit wala na kayo sa mundo.

Kaya sana unahin niyong ipadama sa kanila na mahalaga sila at mahal niyo sila. Iyon lang po,” mahabang wika ni Jose. Saka yumuko upang kausapin si Abner. “Huwag ka nang lalayas ulit ah… kapag naisipan mong umalis sa bahay niyo alam mo na kung saan ako hahanapin, huwag ka na ulit maghahanap ng pagkain sa basurahan at huwag matutulog sa kung saan-saan baka mapahamak ka. Naiintindihan mo ba ako, Abner?”

Umiiyak na niyakap siya ni Abner. “Opo kuya,” anito.

Ayaw man niyang tanggapin ang isang milyon ay wala siyang magawa nang ipilit iyon ng mga magulang ni Abner sa kaniya. Ayon sa dalawa’y bilang pasasalamat sa ginawa niya sa anak nito.

Sana naging leksyon sa mga magulang ni Abner ang sinabi ni Jose. Aanhin mo ang kayamanan kung hindi mo naman kayang iparamdam sa mga anak mong mahal mo sila.

Sa tuwing namimiss siya ni Abner ay nagpapaalam ito na doon muna mananatili sa bahay ni Jose na agad namang pinapayagan ng kaniyang mga magulang. Simula noon ay naging mas close na ang dalawa na animo’y si Jose na ang magulang ni Abner.

Advertisement