Inday TrendingInday Trending
Nagulat ang Babae na Matapobre Pala ang Pamilya ng Kaniyang Nobyo; Ipagpatuloy Pa Kaya Niya ang Pakikipagrelasyon Dito?

Nagulat ang Babae na Matapobre Pala ang Pamilya ng Kaniyang Nobyo; Ipagpatuloy Pa Kaya Niya ang Pakikipagrelasyon Dito?

Nais lumubog sa kinatatayuan niya si Clarisse nang suyurin ni Donya Lerma ang kaniyang anyo, mula ulo hanggang paa. Si Donya Lerma ang ina ng kaniyang nobyong si Tristan.

“Iho, hindi natin kailangan ng muchacha sa ngayon. Ayos na sina Aling Lugring at iba pa,” saad ni Donya Lerma. Nakabadha sa mukha nito ang sarkastikong ngiti.

“Ma…” saway ni Tristan sa kaniyang matapobreng ina. Kaarawan nito kaya isinama niya si Clarisse upang pormal na ipakilala sa kaniya, at sa kaniyang pamilya.

Alam ni Clarisse na may kaya ang kaniyang nobyo na nakilala niya sa isang dating app, ngunit hindi niya akalaing saksakan pala ito ng yaman, at may hindi magandang pag-uugali ang nanay nito. Kahit na pakiramdam ni Clarisse ay tinutusta at binabaon na siya nang buhay sa lupa ng mga mapanghusgang tingin nito at ng mga kapamilya nito, pinanatili pa rin Clarisse ang kaniyang poise at breeding.

“Sorry Ma’am, you are mistaken. I’m not applying for a job po as your household helper. I’m Clarisse po. Your son’s girlfriend. Nice to meet you po,” at inilahad ni Clarisse ang kaniyang kamay.

Tinitigan lamang ni Donya Lerma ang kamay ni Clarisse. Tumaas ang kaliwang kilay nito at sumulyap kay Tristan.

“Well, it’s not nice to meet you lalo na sa birthday ko…” saad ng ginang sabay talikod. May mga dumating pang mga panauhin, na mainit na inestima nito, na may kasamang beso-beso. Kung gaano katapang ang mukha nito sa kaniya, ubod-luwang naman ang ngiti nito sa mga panauhing halatang may sinasabi sa lipunan.

Pakiramdam ni Clarisse, isa siyang malaking basura.

“I hate this feeling, Tristan. Alis na kaya ako?” tanong niya sa kaniyang nobyo.

“No. You’ll stay. Ipakita natin sa kanilang lahat na mali ang judgment nila sa iyo. You are not leaving,” matigas na saad ni Tristan.

Ngunit hindi makakain nang maayos si Clarisse. Nanginginig ang kaniyang mga kamay. Hindi dahil sa hindi siya magaling gumamit ng mga kubyertos, kundi alam niyang pailalim na nakatingin sa kaniya ang mga mata ng kapamilya at panauhin. Mataman naman siyang inaasikaso ni Tristan sa kaniyang tabi. Pinaghihiwa siya ng steak.

Maya-maya, may kumalansing sa sahig. Napahinto ang lahat. Nabitiwan ni Clarisse ang kutsara niya. Hindi niya alam kung pupulutin ba niya o hahayaan niya na lamang sa lapag.

Gusto niyang kunin ang nahulog na kutsara sa lapag dahil naalala niya ang laging bilin ng kaniyang lolo: anumang bagay na nahulog, lalo na ang mga kagamitan sa bahay, kailangang kunin mula sa lapag, linisin, at ibalik sa dapat nitong kalagyan.

“Tristan, advise your girlfriend na magkaroon naman ng manners pagdating sa hapag-kainan. Kung hindi niya kayang gumamit ng kubyertos, well, she is allowed to eat with her bare hands. Ganiyan naman ang mga iskwater hindi ba?” saad ng ate ni Tristan.

Hindi na napigilan ni Clarisse. Hindi na niya kaya ang ganitong klaseng pangmamaliit. Mahirap lamang sila, oo, subalit pinalaki naman siyang edukada at may breeding ng kaniyang mga magulang. Hindi niya hahayaan ang sinuman na tapak-tapakan siya.

“Excuse me, miss… don’t worry, I know how to properly use utensils naman. I have table manners naman po. Naituturo naman po ito sa mga is-ku-wa-ter na gaya ko. At hindi lang iyan ang naituro sa akin. They even taught me to respect people, no matter what. Anuman ang hitsura nila, kasarian nila, o estado nila sa buhay.”

Natahimik ang lahat. Pulang-pula ang mukha ng ate ni Tristan.

“If you’ll excuse me, I’m going na po. It was nice meeting you all.”

Inilapag na ni Clarisse ang table napkin sa mesa. Tumayo siya’t binitbit ang kaniyang bag. Walang lingon-likod na humakbang na palabas ng bahay. Tumayo naman si Tristan upang pigilan siya.

“Tristan!” saway ni Donya Lerma.

“Babe… don’t leave…”

“No babe, sorry. Hindi ko kayang pakisamahan ang pamilya mo kung una pa lang ganiyan na ang ugali nila. Kaya mamili ka sa amin. Kung magiging mag-asawa tayo, wala akong magagawa kundi pakisamahan sila, at magiging miserable lang ang pamumuhay natin. Kaya mamili ka, ako o sila? Malaki ka na,” tanong ni Clarisse.

Hindi nakasagot si Tristan.

“Tristan, hayaan mo na siya. Hindi siya nababagay sa pamilyang ito,” saad ni Donya Lerma.

Namumutla si Tristan. Halatang naiipit sa nag-uumpugang bato.

“Babe, hindi ko puwedeng talikuran ang pamilya ko. Mawawalan ako ng mana kapag ginawa ko iyon,” pabulong na sabi ni Tristan.

Ngumiti si Clarisse.

“Tapos na Tristan, nakapili ka na. Maraming salamat sa lahat,” mapait at naluluhang sabi ni Clarisse. Kapagkuwan, bumaling siya ulit sa Mama ni Tristan.

“Tama po kayo, hindi po bagay sumama ang mainam na kamatis sa mga nabubulok na kamatis. Hindi po talaga tayo bagay, Ma’am. Salamat din po sa advice kanina na magkamay na lang ako sa pagkain, pero actually, ginagawa ko po talaga iyon, dahil mas masarap kumain nang nakakamay, nang walang itinatagong pagpapanggap.”

“Isa pa po, mas gusto kong nakakamay at walang hawak na kubyertos, ginagamit ko ang bare hands ko kapag gusto kong manapak o manampal ng taong matapobre at matabil ang dila,” pagkatapos niyon, dumiretso na palabas si Clarisse, at hindi na niya inalintana ang galit na ina ni Tristan.

Walang nagawa si Tristan kundi tanawin na lamang ang papaalis na kasintahan. Takot na takot siya sa kaniyang Mama. Wala pa siyang lakas ng loob na suwayin ito.

Simula noon ay hindi na nga nagkita sina Tristan at Clarisse. Napagtanto ni Clarisse na “Mama’s Boy” si Tristan, at ayaw niya nang ganoong klase ng mapapangasawa. Isa pa, hindi niya gugustuhing magkaroon ng biyenang mala-“bakulaw” ang pag-uugali.

Advertisement