
Tingin ng Mister, Makasarili at Manipulative ang Kaniyang Misis, Lalo Na Nang Magpasya Itong Mangibang-Bansa para sa Trabaho; Ito nga Ba ang Magiging Dahilan Upang Relasyon Nila Ay Lumabo?
Para kay Ralph, makasarili, dominante at nangmamanipulang babae ang pinakasalan niya.
Mahal na mahal ni Ralph ang kaniyang misis na si Geneva, ngunit habang tumatagal ang kanilang pagsasama, habang lumilipas ang mga araw, buwan at taon na sila ay nasa iisang bubong, mas lalong napatutunayan ni Ralph na makasarili at materyalistiko nga ito.
Sa tuwing grocery, napapansin niyang mas marami pa itong nabibiling items para sa kaniyang sarili kaysa para sa kanilang dalawa.
Sa tuwing lumalabas sila upang kumain sa labas, ito ang laging nagdedesisyon kung saan sila kakain.
Sa tuwing may ideya siya hinggil sa balak na pagtatayo ng negosyo, lagi nitong kinokontra at iginigiit ang sarili niyang ideya.
Lagi itong may komento sa mga niluluto niyang ulam, sa tuwing uuwi ito mula sa trabaho. Kung hindi matabang, maalat. Hindi na niya alam kung paano lulugar. Hindi ba nito nakikitang mahirap mag-adjust bilang isang house husband?
Nakakasawa rin palang maging asawa ng isang strong, independent woman.
Hanggang sa isang gabi, habang kumakain sila sa, sinabi ng kaniyang misis ang balak nito.
“Mangingibang-bansa ka? Bakit?” tanong ni Ralph.
“Dalawang taon lang naman, hon. Mas malaki ang sahod, lalo’t magiging Senior Supervisor ako sa Singapore branch namin. Mas makakaipon tayo para mapa-renovate itong bahay.”
“Iiwanan mo ako?”
Napatigil sa pagsubo ng pagkain si Geneva.
“Hindi naman kita hihiwalayan, ano ka ba? Magtatrabaho ako para sa pamilya natin, kailangang samantalahin ang mga oportunidad na dumarating.”
Wala nang nagawa si Ralph. Sa kabila ng malaking pagtutol niya, ang mga kagustuhan pa rin ni Geneva ang nasunod. Mahirap nga namang banggain ang isang strong independent woman na gaya ng kaniyang misis.
Sa totoo lang, nasasaktan na ang kaniyang ego. Nasasaktan na ang kaniyang pagkalalaki. Pakiramdam niya kasi, siya ang padre de pamilya kaya dapat siya ang nagdedesisyon sa kanilang dalawa.
Pero hindi iyon ang nangyayari.
Mabilis na naiayos ang mga papeles ni Geneva. Nakita na lamang ni Ralph na inihahatid niya sa airport ang misis. Bitbit niya ang tatlong maleta nito. Mabibigat. Singbigat ng kaniyang damdamin sa isiping nagawa siyang iwan ni Geneva, kahit na ba para sa trabaho. Hindi lamang siya inisip. Hindi inisip ang mararamdaman niya.
“Ingat ka roon…” bilin ni Ralph.
“Ikaw ang mag-ingat. Huwag kang papahuli sa akin…” sabay kindat ni Geneva sa mister. Alam niyang biro lamang ito ng asawa.
“Alam mo namang hindi kita ipagpapalit na kahit kanino hindi ba? Baka nga ikaw ang makahanap ng ipapalit sa akin,” saad naman ni Ralph.
Hinawakan ni Geneva ang kaniyang mga pisngi.
“Daming drama ng Mamang ito! Malapit lang naman ang Singapore, saka may internet naman. Video call tayo lagi.”
Tinanaw na lamang ni Ralph ang kumakaway at papalayong misis.
Dalawang araw pa lamang wala si Geneva ngunit pakiramdam ni Ralph, dalawang taon, dalawang dekada nang wala ito. Nakakabaliw. Hindi siya sanay. Malungkot na mawalay ang misis sa kaniyang tabi. Paano na ang kaniyang mga pangangailangan?
Mabuti na lamang, nariyan si Olga, ang kaniyang matalik na kaibigan.
“Babalik din si Geneva, huwag kang mag-alala. Kaunting tiis,” lagi nitong payo sa kaniya.
Mabuti na lamang nariyan lamang si Olga, sa tuwing kailangan niya ng kausap. Napapawi ang kaniyang kalungkutan.
Habang dumaraan ang mga araw, malayo man si Geneva, naipararamdam pa rin nito kay Ralph ang pagiging malakas, dominante, at manipulative nito.
“Hon, magpapadala ako ng 50,000 pesos. Ilagay mo ang 60% sa bangko, iyong 20% pambayad sa bills, yung 10% ay para sa iyo.”
“Hon, hinay-hinay naman sa paggastos ha?”
“Hon, pakidiligan naman ang mga halaman natin. Gusto ko pagbalik ko diyan sa Pilipinas, walang nalanta. Gusto ko buhay na buhay pa rin ang mga halaman.
“Hon, bakit parang hindi ka na naglilinis ng bahay? Nakita ko kanina sa video call natin, parang may mga agiw sa kisame. Iyan na nga lang gagawin mo eh, alagaan ang bahay…”
Araw-araw, naipararamdam sa kaniya ng misis na wala siyang kuwentang asawa. Wala siyang buto bilang haligi ng tahanan. Wala siyang boses bilang padre de pamilya.
Hanggang sa hindi na sinasagot ni Ralph ang anumang tawag, chat, at video calls ni Geneva. Ayaw na niyang makita ito.
Isang araw, nabulabog ang pagtulog ni Ralph sa sunod-sunod na doorbell sa tarangkahan. Hubad-baro pa, agad siyang bumaba upang pagbuksan kung sino ito.
“G-Geneva?!”
Gulat na gulat si Ralph dahil nasa harapan na niya ngayon ang misis: bitbit ang mga maleta nito. Mukhang umuwi na mula sa Singapore.
“Akala ko naman kung ano na ang nangyari sa iyo. Bakit hindi mo tinitingnan ang mga chat at message ko sa iyo? Bakit hindi mo sinasagot ang mga tawag ko sa iyo? What’s wrong?” untag ni Geneva.
Matagal bago nakasagot si Ralph.
“Sorry… sorry hon. Pero hindi ko na kaya. Lungkot na lungkot na ako. Hindi ko na kayang mahalin ang isang gaya mong dominante at manipulative. Hindi ko na kayang mahalin ang isang gaya mong selfish.”
Natigilan si Geneva. Tila pinroseso ang mga sinabi ng mister.
“Ako? Manipulative? Selfish? Paano mo nasabi?”
Bumuhos na si Ralph. Hindi na siya nagpapigil.
“Totoo naman. Lahat na lang ng mga desisyon ko pinakikialaman mo. Magmula pa noon. Kapag kakain tayo sa labas, ikaw ang nasusunod kung saan tayo kakain. Sa tuwing mag-grocery tayo, halos karamihan ng mga binibili mo, para sa iyo lang. Lagi mong nirereject ang mga business ideas ko at igigiit mo ang sa iyo. Lagi mong pinipintasan ang mga luto ko. At umalis ka ng bansa para lang sa ambisyon mo. Iniwan mo ‘ko! Iniwan mo akong parang basura,” sumbat ni Ralph.
Natahimik si Geneva. Napailing. Tinitigan niya ang asawa.
“Hindi ako makasarili, Ralph. Hindi. Kasalanan bang maghangad ng mga bagay na hindi mo kayang maibigay sa akin dahil narito ka lang sa bahay, imbes na ikaw ang nagtatrabaho? Kasalanan bang piliin ang kainang mas makatitipid tayo kaysa sa mamahaling restaurant na gusto mong kainan, kahit lagpas na sa budget natin?”
“Kasalanan bang ayusin ang ideya mong mukha namang hindi papatok at masasayang lamang ang mga perang naipon ko sa pagtatrabaho? Kasalanan bang sabihin sa iyo ang mga pagkukulang sa niluluto mo para mag-improve ka sa sarili mo, kahit man lamang sa pagluluto? Masama bang maghangad ng maganda para sa pamilyang ito, para sa magiging kinabukasan natin at ng mga magiging anak natin? Ralph, kung tumunganga lang ako rito kasama mo, walang mangyayari sa atin!” humahagulhol na paliwanag ni Geneva.
Natahimik si Ralph. May punto ang lahat ng mga sinabi ng asawa. Iginala naman ni Geneva ang paningin sa kabuuan ng kanilang bahay. Tila marumi at napabayaan.
Hindi pa rin naagiwan ang kisame. Marumi na ang mga dingding. At nalanta na ang ilan sa mga alaga niyang halaman, mukhang kulang sa dilig.
“Hindi ka nakarinig sa akin, Ralph, kahit kailan. Hindi ka nakarinig ng sumbat sa akin na ako ang kumakayod at ikaw ang nasa bahay. Inunawa kita. Kaya ko naman. Kasi mahal kita. Hindi ako makasarili, dahil ginawa ko ang lahat ng ito para sa ating dalawa. Naniwala akong magkasama tayo sa labang ito. Hindi kita sinukuan kahit ganiyan ka.”
“Patawarin mo ako, Geneva. Ako ang sumuko.”
Nangunot ang noo ni Geneva.
“B-Buntis na si Olga, ang kaibigan ko. Siya ang pumuno sa mga kalungkutan ko. Siya ang nagbigay ng mga pangangailangan ko.”
Tila binuhusan ng malamig na tubig si Olga.
Umakyat ito sa itaas, at pinaghahagis sa mukha ni Ralph ang mga damit nito.
“Sa ating dalawa, ikaw ang tunay na makasarili. Lumayas ka sa pamamahay ko. Lumayas ka sa buhay ko,” mahinahon ngunit matigas na utos ni Geneva.
Napagtanto ni Ralph na tama ang kaniyang asawa. Siya ang tunay na makasarili, at kahit nasa huli na ang pagsisisi, kailangan niyang panindigan ang mga pagpapasyang ginawa niya.

Nagulat ang Babae na Matapobre Pala ang Pamilya ng Kaniyang Nobyo; Ipagpatuloy Pa Kaya Niya ang Pakikipagrelasyon Dito?
