
Hindi Tanggap ng Kaniyang Tatay ang Tunay Niyang Kasarian Kaya Naglayas Siya at Naging Magaling na Make-up Artist; Isang Espesyal na Kliyente ang Makikilala Niya sa Kaniyang Pagbabalik
Bata pa lamang si Morgan, alam na niyang isa siyang “sirena.” Ilang lipstick na rin ni Aling Sonia ang nabali niya. Ilang mga bestida at daster ang nawala dahil tinatago’t palihim na sinusuot, habang nakalagay ang tuwalya sa kaniyang ulo na tila mahabang bulak, at kakanta-kanta sa harapan ng salamin.
“Ikaw na bata ka talaga! Tigilan mo ‘yan!” sasabihin sa kaniya ng kaniyang amang si Mang Nardo kasabay ang akmang pagsuntok sa kaniya. Ngunit nariyan si Aling Sonia upang awatin ang mister.
“Hayaan mo na ang anak mo, Nardo. Wala namang ginagawang masama.”
“Ikaw may kasalanan nito eh. Kinukunsinti mo ‘yan!” padabog na sasabihin ng kaniyang ama.
Kapag humupa na ang sitwasyon, yayakapin siya ni Aling Sonia.
“Anak… pagpasensiyahan mo na ang Tatay mo. Ganoon lang talaga siya. Mahal ka niya, tatandaan mo ‘yan.”
Ang pahayag na iyan ang pinanghawakan ni Morgan habang siya ay lumalaki, at habang lalo niyang natitiyak sa kaniyang sarili kung sino at ano ba talaga siya. Matuling lumipas ang panahon. Naging binatilyo na siya. Nasa Senior High School siya, at alam na alam na niya na isa siyang babaeng nasa katawan ng lalaki. Gayon ang kaniyang pakiramdam.
Minsan, narinig ni Morgan ang pag-uusap ng kaniyang mga magulang.
“Iyang anak mo, kailangang magpakalalaki. Paano na ang salin-lahi ko? Ikaw, hindi ka na magkaka-anak. Kapag ipinagpatuloy pa niya ang kalokohan niyan, wala na… hindi na mag-aasawa ‘yan,” saad ng kaniyang ama.
“Huwag namang ganiyan, Nardo. Dapat iparamdam natin sa bata na tanggap natin siya, hindi yung tayo pa mismo ang nagpaparamdam sa kaniya na hindi natin siya tanggap.”
“Puwes hindi ko maibibigay sa iyo iyan, Sonia. Kung kinakailangang kamay na bakal ang gawin ko paa maituwid ang batang iyan, gagawin ko.
Simula noon, naging mahigpit na si Mang Nardo sa pagtatangkang ‘maituwid’ ang landas ng unico hijo. Tuwang umaga, pinagsisibak niya ito ng mga panggatong na kahoy. Pinag-iigib ng tubig sa kanilang poso at pinapupuno ng tubig ang dalawang dram ng tubig. At kung ano-ano pang mga gawaing panlalaki na sa tingin niya ay makapagpapabago sa kasarian ng anak.
Hanggang sa hindi na kinaya ni Morgan ang lahat.
“‘Nay, hindi ko na kaya ang mga ginagawa ni Tatay. Kailangan ba talagang gawin ang mga bagay na ito? Nahihirapan na ako…” naluluhang sabi ni Morgan kay Aling Sonia.
“Anak, ito ang tatandaan mo: kahit na ano ka pa, mahal na mahal kita!” naiiyak na sabi ni Aling Sonia kay Morgan.
Isang pagpapasiya ang ginawa ni Morgan. Naglayas siya. Kailangan na niyang magpakalayo-layo. Mahal na mahal niya ang kaniyang Nanay, subalit alam niyang habang nasa bahay siya, tiyak niyang hindi siya magiging maligaya. Nag-iwan siya ng liham para sa kanila. Tiniis niya ang realidad na hindi niya makakasama ang kaniyang Nanay na siyang tanging tagapagtanggol niya, kapag lumayo na siya at namuhay nang mag-isa.
Tiniyak ni Morgan na hindi siya masusunda ng kahit sino. Nagtungo siya sa isang malayong lalawigan sa pamamagitan lamang ng pagsakay sa unang provincial bus na nasakyan niya. Napakatapang na hakbang. Ngunit walang ibang paraan para gawin ito.
Sinimulan niyang maglakad-lakad pagkababa sa terminal ng bus upang makahanap ng trabaho. Masuwerte namang naraanan niya ang isang salon na naghahanap ng beautician. Agad naman siyang namasukan at tinanggap naman ng mabait na beki na may-ari nito, si Mamu Maruja, na siyang naging nanay-nanayan niya.
Sa loob ng limang mahahabang taon, naging isang make-up artist si Morgan sa naturang salon. Pinag-aral siya ni Mamu Maruja ng technical course sa hairstyling para matutuhan na rin niya ang paggugupit at pag-aayos ng buhok. Nagpalit na rin siya ng kaniyang pangalan: siya na si Morgana, at unti-unti, nagpahaba na siya ng buhok, nagdamit-pambabae, at tuluyang niyakap ang kaniyang sarili bilang isang babae. Pinag-iipunan niya ang operasyong kailangan niyang pagdaanan upang mas maramdaman pa ito.
Nakilala si Morgana bilang pinakamahusay na make-up artist hindi lamang sa salon na iyon, kundi maging sa buong lalawigan ng Cabanatuan. Dumating sa puntong siya ang kinokontratang maging make-up artist ng mga kilalang tao sa bayan na iyon.
“Malaki-laki na ang ipon mo, anak… itutuloy mo pa ba ang balak mo na magpalagay ng dibdib?” tanong sa kaniya ni Mamu Maruja.
“Yes na yes naman, Mamu. Para kapag nagbalik na ako sa amin, ipapakita ko sa kanilang magandang-maganda na ako,” saad ni Morgana.
“Tama ba ang narinig ko? Babalik ka na sa inyo?”
“Oo Mamu. Bigla kong na-miss ang nanay ko. Kagabi, nanaginip ako. Alam ko, buong pangyayari sa panaginip ko, kasama ko siya. Gusto ko siyang dalawin.”
Kaya naman, nang umuwi na siya sa kanila, hindi niya inaasahan ang tagpong madaratnan. Maraming tao sa labas ng kanilang bahay. May mga tolda. May mga mesa. Sa mga mesa, may mga taong naglalaro ng baraha. Napatigil at napamaang sila nang makita nila si Morgana.
Dali-daling pumasok ng bahay si Morgana. Iisa lamang ang ibig sabihin ng lahat: may lamay. May pinaglalamayan. Sino? Kaninong b@ngkay ang nakahimlay sa puting ataul?
Pagpasok sa bahay, nakita niya ang kaniyang Tatay. Kinakain na ng mga uban ang itim na buhok. Kulubot na ang balat at mukhang pumayat. Nabigla ito nang makita siya subalit hindi nagbitiw ng kahit na anumang salita. Binitiwan ni Morgana ang kaniyang bag. Dahan-dahan, lumapit siya sa ataul…
“Nanay! Nanay koooo!!!!”
Niyakap ni Morgana ang ataul. Iniiyak niya ang lahat. Nagbalik sa kaniyang gunita kung paano siya ipagtanggol ng kaniyang mahal na ina laban sa kaniyang amang hindi siya matanggap. Naging maligaya nga siya sa buhay niya, sa pinili niyang buhay, ngunit nasayang ang mga sandaling nakasama sana niya ang pinakamamahal na ina. Dahil sa kaniyang pagiging makasarili. Dahil sa kaniyang pagnanais na may mapatunayan at mahanap ang tunay na ikaliligaya ng kaniyang pagkatao. Ipinagkait niya sa kaniyang ina ang mga oras at panahong makasama siya nito.
Nilapitan siya ng kaniyang ama.
“Mabuti naman at dumating ka. Hindi namin alam kung paano ka mako-contact. Paano mo nalaman?”
Ang totoo, hindi niya alam ang nangyari sa kaniyang ina. Naisipan lamang niyang dumalaw dahil nga napanaginipan niya ito. Isinalaysay ng kaniyang ama ang dahilan kung bakit ito namayapa: isang malubhang sakit. Hanggang huli raw, siya raw ang nais na makita nito.
Habang tinitingnan ang mukha ng kaniyang ina sa ataul, may napansin siya.
“Bakit maputla ang pagkaka-make up sa kaniya?”
Kaya naman, pinaalis niya ang takip ng ataul. Kinuha niya ang kaniyang mga personal make-up kit. Nirepaso niya ang make-up ng kaniyang ina, ang kaniyang pinakamahalagang kliyente.
Habang pinapasadahan ng foundation at blush on ang humpak na pisngi nito, habang pinapahiran ng pulang lipstick ang mga yayat na labi, ay umaagos ang luha sa mga mata ni Morgana.
Gusto niya, magandang-maganda ang kaniyang nanay, hanggang sa huling sandali nito. Araw-araw, lagi itong nireretouch ni Morgana, hanggang sa sumapit ang araw ng libing.
Hanggang sa huling pagkakataon, mapaganda man lamang niya ang sariling ina. Kahit sa ganoong pagkakataon man lamang, makabawi siya sa ginawa niyang paglalayas at paglayo rito.
Pagkatapos ng libing, nagpaiwan si Morgana. Habang tinititigan ang malamlam na pagsayaw ng apoy sa nakatulos na kandila, bigla niyang naalala ang isang tagpo sa panaginip niya. Naalala niya, naglalakad umano sila ni Aling Sonia sa tabing-dagat, at nakasuot siya ng magandang-magandang bestida. Ipinakikita raw niya rito kung gaano siya kaganda.
“Masayang-masaya ako para sa iyo, anak. Tanggap kita at mahal na mahal kita,” naaalala niyang sabi nito sa kaniya sa panaginip.
At muling bumalong ang luha ng panaghoy mula sa mga mata ni Morgana.
Ipinangako ni Morgana sa kaniyang ina na unti-unti, susubukin niyang makipag-ayos kay Mang Nardo, na mahal naman niya bilang ama kahit hindi siya tanggap noon, dahil ayaw na niyang magsisi. Ayaw na niyang manghinayang sa mga oras at panahong masasayang.

Tingin ng Mister, Makasarili at Manipulative ang Kaniyang Misis, Lalo Na Nang Magpasya Itong Mangibang-Bansa para sa Trabaho; Ito nga Ba ang Magiging Dahilan Upang Relasyon Nila Ay Lumabo?
