Inday TrendingInday Trending
Mataas ang Tingin ng Babae sa Kaniyang Sarili Kaya Naman Mataas ang Posisyong Hinangad Niya sa Pinasukang Kompanya Kahit Bago Pa Lamang Siya; Isang Aral ang Matututunan Niya

Mataas ang Tingin ng Babae sa Kaniyang Sarili Kaya Naman Mataas ang Posisyong Hinangad Niya sa Pinasukang Kompanya Kahit Bago Pa Lamang Siya; Isang Aral ang Matututunan Niya

Strong independent woman.

Iyan ang tingin ni Myra sa kaniyang sarili. Hindi siya papagapi at hindi niya hahayaang may yumurak sa kaniyang pagkatao. Kahit sino pa ‘yan.

Matapos magpahid ng kaniyang lipstick at tingnan ang repleksyon sa sarili, agad na siyang nagpaalam sa kaniyang Lola Sabel, ang nag-aruga sa kaniya simula nang mawala ang kaniyang mga magulang dahil sa isang aksidente noong bata pa lamang siya. Siya lamang ang nakaligtas.

“La, alis na ‘ko. Wish me luck. Mamaya may trabaho na ako,” sabi ni Myra sa kaniyang lola.

“Naku, ikaw pa ba apo? Ang galing-galing mo. Tiyak na hahanga sila kapag sumagot ka na sa panayam, at kapag nakita na nila ang track record mo,” pagpapalakas-loob naman ni Lola Sabel.

“Salamat po, lola! Harinawa po…”

Consistent honor student si Myra. Mula elementarya hanggang kolehiyo. Dahil nga nasanay siyang mag-isa lamang, ipinangako niya sa kaniyang sariling kailangan niyang maging malakas para sa kaniyang lola, at para na rin sa kaniyang sarili.

Pinangilagan siyang ligawan ng mga lalaki dahil nga sa kaniyang katalinuhan. Intimidated sa kaniya. Nagsilbi naman siyang modelo para sa mga babae. Mataas ang paggalang na ibinibigay sa kaniya.

At ngayong nakatapos na siya ng kolehiyo, may diploma, Magna Cum Laude pa at consistent dean’s lister, alam niyang magiging bala niya ito para matanggap sa trabaho. Hindi lamang matanggap sa trabaho ang goal niya: target niya, magkaroon na kaagad siya ng mataas na posisyon.

At hindi naman nagkamali si Myra. Agad nga siyang natanggap sa advertising and marketing company na kaniyang pinag-aplayan. Laking tuwa niya nang matanggap ang text mula sa HR Department, na nagsasabing tanggap na siya at maaari na siyang magsimula. Ang unang assignment niya ay maging production assistant muna. Malugod itong tinanggap ni Myra.

Sa unang araw ng kaniyang trabaho, inutusan siya ng kaniyang boss, si Alice, ang marketing director na isa ring strong independent woman, na ipagtimpla siya ng kape, at bumili ng pagkain para sa isang pagpupulong.

Mataman namang sumunod si Myra, kahit sa isip niya, hindi niya naisip na gagawin niya ang mga ganoong bagay. PA o production assistant ang kaniyang job description pero bakit pang PA o personal alalay ang ginagawa niya?

Hindi rin akalain ni Myra na siya rin pala ang magliligpit at maghuhugas ng pinagkainan ng mga taong dumalo sa pagpupulong. Habang ginagawa niya ito, nilapitan siya ng kaniyang boss na si Alice.

“Have you taken down the minutes of the meeting?”

Napamaang si Myra. Napatitig lamang siya sa kaniyang boss. Matipid na ngumiti.

“Sorry Ma’am. I wasn’t able to take down notes, kasi I’m doing errands na supposedly hindi ko naman po ginagawa. I’m sorry po,” paghingi ng dispensa ni Myra. Tila lumalabas ang kaniyang pangil pero inawat niya ang sarili. Not now, Myra. Not now. Kailangan mong makisayaw sa tugtugin, kapapasok mo pa lang.

Tumaas ang kilay ni Alice.

“Ganoon ba? Okay. But next time, you should.”

Kaya naman sa mga sumunod na pagpupulong ng kaniyang boss, tiniyak na ni Myra na laging nakabukas ang kaniyang pandinig at kamalayan, anuman ang ginagawa niya.

Ngunit dahil sanay nga siyang maging lider, pakiramdam niya hindi siya nababagay na maging production assistant lamang. Pakiramdam niya mas deserve niya na maging boss na kaagad. Kahit maging Marketing Supervisor na siya. Alam niyang kaya niya.

“Hindi ko deserve na ganito lang ang gagawin ko. I can be more.”

Sinabi niya ito kay Alice na kaniyang boss.

“Ganun ba? Okay. Sige. Let us give it a try. Tamang-tama, may nag-resign na Marketing Supervisor. Ikaw ang ipo-promote ko, kahit na dalawang linggo ka pa lang dito,” saad ni Alice.

Walang mapagsidlan ang kasiyahan ni Myra. Iyan talaga ang pinangarap niya. “Thank you Ms. Alice. I’m so sure hindi po kayo magsisisi.”

“Yeah. With your academic records at pinanggalingang prestigious university, let us try kung ano ang mai-ooffer mo sa kompanya.”

Makalipas ang isang linggo ay ipinakilala na nga si Myra bilang bagong Marketing Supervisor. Nasa ilalim ng kaniyang pamamahala ang mga staff na karamihan ay limang taon pataas na sa naturang kompanya.

Sa umpisa, naramdaman ni Myra na sinusuri at sina-size up siya ng kaniyang staff. Hindi siya susuko. Kukunin niya ang tiwala ng mga tao. Ngunit habang tumatagal ang mga araw at buwan, naramdaman ni Myra na madalas, hindi siya pinakikinggan at sinusunod ng kaniyang mga staff, dahil totoo naman. Mas alam pa nila ang kanilang ginagawa kaysa sa kaniya na kung tutuusin, baguhan pa lamang.

Isang araw, isang desisyon ang napagpasiyahan ni Myra. Nagsadya siya sa opisina ni Alice.

“Ma’am, gusto ko pong bumalik na lamang sa pagiging Production Assistant.”

“Why?”

At sinabi na nga ni Myra ang kaniyang mga napapansin.

“Thank you Lord at nakita mo ang mga bagay na ito, Myra. Alam mo ba kung bakit kita inilagay sa posisyon na iyan? Nakita ko kasi ang passion mo at ang ambisyon mong magka-posisyon na kaagad kahit bago ka pa lamang. Undeniably, magaling ka talaga, batay sa credentials mo,” paliwanag ni Alice.

“Pero may nakakaligtaan ka. Minsan, mas nalalaman ng taong maraming karanasan at karunungan sa isang craft na ginagawa ang isang taong ang tanging bala pa lamang ay diploma at academic records, na minsan, hindi lahat ay aplikable lalo na kapag nasa actual work na. Maraming nasisira sa ganiyan—masyadong bilib sa sarili. Myra, kailangan mo pang mahulma. Take it easy. Slowly.”

Tumango naman si Myra. Nauunawaan niya ang sinasabi ng kaniyang boss. Hindi siya dadalhin ng kaniyang katalinuhan at academic record sa trabaho niya: kailangan niya munang matutuhan ang pakikisama at hayaan ang sariling hulmahin ng iba’t ibang mga karanasan.

Bumalik sa pagiging Production Assistant si Myra at ipinangako sa kaniyang sarili na magiging mapagkumbaba upang unti-unti, matamo ang karunungan at karanasang dadalhin niya sa kahit saan pa man.

Advertisement