
Sobrang Matipid at Mapag-Impok ang Matandang Babae; May Paggagamitan Pala Siya ng mga Naipon Niya
“Huwag niyo akong alalahanin. Tipirin niyo ang pera at huwag gastos nang gastos!” wika ni Lola Rosing sa kaniyang anak na si Marita at apong si Christopher.
Iyon ang palaging sinasabi ng matanda kapag may gustong bilhin ang mga ito sa kaniya. Ayaw na ayaw ni Lola Rosing na ginagastusan siya. Sobrang matipid kasi siya at nanghihinayang sa pera na ipinambibili ng kung ano sa kaniya.
“Ano ka ba naman, inay, bihira ka na nga makabili ng bagong damit eh, ayaw mo pa? Palagi na lang ‘yang luma mong damit na pang-alis ang ginagamit mo. Kaya nga ibibili kita ng bagong bestida para may bago kang isusuot,” sabi ni Marita sa ina.
“Hay naku, Marita imbes na ibili mo ako ng bagong damit ay ipunin mo na lang ang pera. May mas mahalaga pang pwedeng paglaanan iyan,” sagot ng matanda.
“Lola naman, pumayag ka na! Paulit-ulit na lang ‘yung mga isinusuot mong damit. Heto, oh, bagay na bagay ito sa iyo, lola, bulaklaking bestida. Kasyang-kasya ito sa iyo. Mas lalo kang gaganda, lola,” sabad naman ni Christopher.
“Naku, apo, ipunin niyo na lang iyang pera niyo. Maayos pa naman ang mga damit na isinusuot ko.”
Bukod sa pagiging matipid ay sobrang mapag-impok din si Lola Rosing. Malapit na ngang mapuno nang pinaghalong perang papel at barya ang kaniyang garapong alkansya. Tuwang-tuwa siya nang silipin iyon sa loob ng aparador.
“Marami-rami na pala ang naiipon ko,” sambit niya sa isip.
Isang araw, namamasyal si Lola Rosing kasama ang apong si Christopher sa mall. Napansin ng matanda ang bilihan ng mga salamin sa mata.
“O, lola, ‘di ba kailangan mo nang magpalit ng salamit sa mata?” tanong ng binatilyo.
“Oo nga eh, minsan sumasakit ang ulo ko at nahihilo ako. Baka dapat ay palitan ko na ng bago itong salamin ko sa mata. Halika nga apo, samahan mo ako at magtatanong ako kung magkano,” sagot ng matanda.
Nilapitan nila ang babaeng staff at nagtanong kung magkano ang ibinebentang salamin sa mata.
“Miss, magkano itong salamin sa mata?” tanong ni Lola Rosing saka isinuot ang salamin.
“Tatlong libo po,” tugon ng babae.
Napasimangot ang matanda nang malaman ang presyo.
“Ang mahal naman, kulang ang pera ko!”
“Lola, bilhin mo na’ yan. May dala akong pera rito,” sabad ni Christopher.
“Hayaan mo na, apo. Ipunin mo na lang ‘yang pera mo. Nagagamit ko pa naman itong salamin ko sa mata,” sagot ni Lola Rosing.
Napakamot na lang sa ulo si Christopher sa inasta ng kaniyang lola.
Pauwi na sila nang mapansin ng binatilyo ang isang bagay na itinitinda sa mall. Nang tingnan niya ang laman ng kaniyang wallet ay laking panghihinayang niya dahil kulang ang dala niyang pera na pambili. Naisip din niya na kahit nagdala siya ng sobrang pera ay kulang pa rin iyon na pambili ng bagay na iyon.
“Kailan ko kaya mabibili ‘yon?” malungkot niyang bulong sa sarili.
Tatlong araw ang lumipas at dalawang araw bago sumapit ang kaarawan ni Christopher. Niyaya siya ng kaniyang Lola Rosing sa kuwarto nito.
“Halika, apo at may ibibigay ako sa iyo,” sambit nito.
“Ano po ‘yon, lola?”
“Basta, sumama ka sa akin.”
Nasa kuwarto na sila ng matanda nang may iniabot itong regalo sa kaniya.
“Yan ang regalo ko sa birthday mo, apo. Sana ay magustuhan mo,” wika ni Lola Rosing.
“Lola, dalawang araw pa po bago sumapit ang birthday ko!” gulat na sabi ng binatilyo.
“Gusto kong ako ang unang magbigay sa iyo ng regalo. Ano pang hinihintay mo? Buksan mo na ‘yan!”
Nang alisin niya ang balot ng kahon at binuksan iyon ay mas lalo siyang nagulat. Ang laman pala niyon ay ang cell phone na gustung-gusto niyang bilhin sa mall. Nasira kasi ang cell phone niya at gusto niyang bumili ng bago para gamitin sa kaniyang online classes. Nakikihiram lang siya ng cell phone sa pinsan niya. Hindi naman siya mabilhan ng bagong cell phone ng nanay at tatay niya dahil maliit lamang ang kinikita ng mga ito. Saka na lang daw kapag nakaipon na. Balak naman niyang bumili sa sarili niyang pera ngunit kulang pa ang naipon niya. ‘Di naman niya sukat akalain na iyon ang bibilhin ng lola niya at ireregalo pa sa kaniya.
“Ang mahal nito, lola! Saan ka po nakakuha ng malaking perang pambili nito?” tanong ni Christopher.
Binuksan ni Lola Rosing ang kaniyang aparador at ipinakita sa apo ang alkansyang garapon.
“Kaya hindi ako mahilig bumili ng kung anu-ano ay dahil nag-iipon ako ng pera sa aking alkansyang garapon para sa gusto mong cell phone. Alam kong matagal mo nang gustong bumili ng bagong cell phone na magagamit mo sa online classes mo kaya ginamit ko ang ipon kong pera para mabilhan ka niyan. Advance happy birthday, apo ko!” bunyag ng matanda.
Masayang-masaya si Christopher sa regalong ibinigay sa kaniya ng lola niya. Kaya pala napakatipid nito, iyon pala ay dahil gusto siyang bilhan nito ng bagay na pinakaaasam niya.
“Thank you, lola. ‘Di ko po inasahan ang regalong ito,” sagot ng binatilyo sabay yakap nang mahigpit sa Lola Rosing niya.
Nang sumunod na linggo ay muling pumunta sa mall ang mag-lola. Nagulat si Lola Rosing nang isinama siya ng apo sa bilihan ng mga salamin sa mata.
“O, bakit tayo narito, apo?”
“Ako naman po ang magbibigay sa inyo ng regalo. Alam kong matagal niyo na rin pong gustong magkaroon ng bagong salamin sa mata. Hindi niyo na nga po nagamit ang ipon niyo dahil mas inuna niyo akong bilhan ng bagong cell phone, kaya ito po, isuot niyo na ang bago niyong salamin,” wika ni Christopher saka isinuot sa mga mata ng matanda ang biniling salamin sa mata. “Sukat na sukat ‘yan sa iyo, lola. Hindi na sasakit ang ulo mo at hindi ka na rin mahihilo sa luma mong salamin.”
Halos mapaluha si Lola Rosing sa sorpresang ibinigay ng apo.
“Noong pumunta tayo rito ay batid kong gustung-gusto niyo na ‘yang bilhin kaso ay mas inuuna niyo ang pag-iipon ng pera kaysa ipambili ng bagong salamin sa mata. O, ayan, bagay na bagay sa iyo, lola!”
Hinagkan at niyakap ni Lola Rosing ang binatilyong apo.
“Salamat, apo. ‘Di ko inasahan na pati ako’y reregaluhan mo rin.”
“Dahil isa kang dakilang lola, Lola Rosing,” sambit ni Christopher saka hinagkan din sa noo ang matanda.

Mataas ang Tingin ng Babae sa Kaniyang Sarili Kaya Naman Mataas ang Posisyong Hinangad Niya sa Pinasukang Kompanya Kahit Bago Pa Lamang Siya; Isang Aral ang Matututunan Niya
