Nais Bilhan ng Bata ng Keyk ang Ina para sa Kaarawan Nito; Dahil sa Kaniyang Kabutihan ay Higit pa rito ang Kaniyang Matatanggap
Hindi maiwasan ng batang si Carlito na maluha kapag naaalala niya ang kaniyang amang si Roger. Simple man kasi ang buhay ng kanilang mag-anak ay hindi mo ito mababanaag sa masaya nilang pamilya.
Isang pahinante itong si Roger habang ang asawa naman niyang si Mina ay katuwang ng ginoo sa pag-aalaga ng mga anak. Pilit na pinagkakasya ni Roger ang maliit niyang kinikita upang itaguyod ang apat niyang mga anak.
Tandang-tanda pa ni Carlito na sa tuwing kaarawan ng kaniyang ina ay paghahandaan talaga ito ng kaniyang ama. Nag-iipon si Roger upang makabili ng maliit na chocolate keyk para sa kaniyang mag-anak. Sa loob ng isang taon ay dito lamang sila nakakakain ng keyk.
“Hayaan n’yo nang sa kaarawan ng nanay n’yo magkaroon ng keyk. Kapag nakaluwag-luwag ay sa kaarawan n’yo naman. Nais ko kasing maipadama sa inyong ina na pinapahalagahan ko ang lahat ng kaniyang sakripisyo para mapanatiling maayos ang ating pamilya,” saad ni Roger sa mga anak.
Magkakantahan ang mag-anak at saka nila pagsasaluhan ang keyk na uwi ng ama.
Ngunit ngayong taon ang unang beses na magdiriwang sila ng kaarawan ng ina na wala ang kanilang ama. Inatake kasi ito sa puso sanhi ng kaniyang biglaang pagkawala. Dalawang buwan pa lang ang nakakaraan nang tuluyan nang sumakabilang buhay ang ginoo at sadyang masakit para sa kaniyang mga naulila ang kaniyang pagkawala.
Gabi-gabing nakikita ni Carlito ang kaniyang ina na palihim na lumuluha dahil sa kalungkutan. Dahil wala na nga si Roger ay napilitan si Mina na maghanap ng ikabubuhay nila. Naglalabandera at naglilinis ng ilang kabahayan para kahit paano ay may maipangtawid sa mga kumakalam na sikmura ng mga anak.
Naalala ni Carlito na malapit na ang kaarawan ng kaniyang ina. Batid niyang lalong malulungkot ang kaniyang ina dahil maaalala nito ang yumaong asawa. Lalo pa sa tuwing kaarawan niya ay hindi nagmintis si Roger na iparamdam kung gaano kaespesyal ang araw na ito.
Upang mapasaya ang ina ay umisip ng paraan itong si Carlito. Bago at pagkatapos ng kaniyang klase ay namumulot siya ng mga kalakal upang maibenta sa junkshop. Laking tuwa niya nang kumita siya ng bente pesos. Agad siyang nagtungo sa isang malapit na panaderya kung saan bumibili ang kaniyang ama ng keyk.
“Dalawang daan at limampung piso? Kulang na kulang pa ang pera ko para mabilhan ng keyk si nanay. Parang hindi aabot ang pag-iipon ko sa birthday niya,” saad ng bata sa kaniyang sarili.
Dahil dito ay lalong nagpursigi si Carlito na maghanap pa ng kalakal upang makaipon ng mas marami.
Makalipas ang tatlong araw ay nakaipon na siya ng isang daang piso. Muli siyang bumalik sa panaderya. Alam naman niyang kulang ang kaniyang pera ngunit nagbabakasakali siya na mayroong keyk doon na mas mura at kaya niyang bilhin sa halagang mayroon siya.
Dahil napansin na rin ng tindera na pabalik-balik itong si Carlito ay agad niya itong tinanong.
“Ano ba ang bibilhin mo, bata? Ilang araw ka nang pabalik-balik dito, a!” sita ng tindera kay Carlito.
“Nagbabakasakali lang po ako kung p’wede ba akong bumili ng keyk sa halagang isang daang piso,” wika pa ni Carlito.
“Naku, walang ganyang halaga dito. Mag-ipon ka muna ng pera para makabili ka! Saka umusod ka ng bahagya dahil umaalis ang mga mamimili dahil ang dumi-dumi mo!” muling sambit ng tindera.
Nawawalan na ng pag-asa itong si Carlito habang papalapit ang araw ng kaarawan ng kaniyang ina. Kinabukasan ay wala pang tigil ang pag-ulan kaya hindi na nakapagkalakal itong si Carlito.
Nabanaag ni Mina ang pag-aalala sa mukha ni Carlito.
“May problema ka ba, anak? Baka may maitulong ako,” saad ng ina.
“Wala naman po, ‘nay. Gusto ko lang po sanang lumabas para maglaro ngunit hindi ko magawa dahil malakas ang bugso ng ulan,” saad pa nI Carlito.
“Dito na lang muna kayo maglaro ng mga kapatid mo, anak. Pagtigil ng ulan ay saka na lang kayo lumabas,” nakangiting wika pa ng ina.
Pagtila ng ulan ay agad na lumabas si Carlito upang manguha ng kalakal. Alam kasi niyang maraming bote ang tinangay ng baha at hangin sa kalsada.
Nadagdagan ng limangpung piso ang kaniyang inipong pera. Masaya siya sapagkat mas posible na ang pagbili niya ng keyk.
Muli siyang bumalik sa panderya upang tingnan ang chocolate keyk na bibilhin niya para sa kaarawan ng ina.
“Kaunti na lang at mabibili na rin kita!” sambit ni Carlito.
Pauwi na nasa ang bata nang makakita siya ng matandang basang-basa at ginaw na ginaw. Nanghihingi ito ng pagkain ngunit wala man lamang pumapansin dito.
Awang-awa si Carlito. Agad siyang bumili ng mainit na kape sa malapit na tindahan at ng mainit na monay sa panaderya. Saka niya ito inabot sa kawawang matanda.
Ang hindi alam ni Carlito ay nakita mismo ng may-ari ang kabutihang kaniyang ginawa. Tinawag niya ang bata upang makausap.
“Hindi ba ikaw ‘yung batang balik ng balik dito sa panaderya ko? Nakaipon ka na ba ng pera pambili ng gusto mong keyk?” tanong ng may-ari.
“Hindi pa po. Kulang na kulang pa po ang pera ko,” tugon naman ni Carlito.
“Kung ganoon ay nabawasan na naman ang ipon mo nang bumili ka ng pagkain para sa matandang pulubi na iyon? Bakit mo naman iyon ginawa?” pagtataka pa ng ginang.
“Bata pa naman po ako at may kakayahang kumita ng pera. Saka kung hindi man po ako makabili ng keyk ay alam kong mauunawaan ng aking ina. Bibilhan ko na lang po siya ng iba. Sa katunayan ay hindi po alam ng nanay ko na nag-iipon po ako ng pera para sa paborito niyang keyk para sa kaarawan niya sa makalawa. Gusto ko lang po sana siyang pasayahin dahil kakawala lang po ng tatay ko at alam kong namimis niya ito,” hindi na napigilan ni Carlito na maiyak.
Labis na humanga ang may-ari ng panaderya sa kabutihan ng kalooban ni Carlito.
“Bumalik ka dito sa makalawa. Ako na ang bahala sa keyk ng nanay mo. Ako nga pala ang may-ari nitong panaderya. Masaya akong malaman na ang chocolate keyk pala dito ang paborito ng nanay mo,” saad pa ng may-ari.
Halos mapaluhod sa iyak si Carlito sa tinuran ng ginang. Napayakap ang bata sa may-ari dahil sa labis na kaligayahan.
“Tiyak ko pong matutuwa ang nanay ko nito sa kaniyang kaarawan. Alam kong hindi mapapalitan ng keyk na ito ang presensya ng aking ama ngunit panadalian kong maisasabuhay ang laging ginagawa ni tatay– ang ipadama sa aming nanay na mahalaga siya,” pagtangis pa ng bata.
Pagkalipas ng dalawang araw ay nagtungo si Carlito sa bakery upang kunin ang chocolate keyk. Ngunit laking gulat niya nang higit pa sa keyk ang ibinigay ng may-ari.
“Nilakihan ko na ang keyk nang sa gayon ay makakain kayong lahat. Narito rin ang ibang handa para may pagsaluhan kayo. Saka sinabi ko kasi sa ibang kaibigan ang kalagayan mo sa buhay at ang kabutihang nagawa mo. Ito ang pera, kaunting tulong nang makapagsimula kayong muli ng nanay mo. Magtayo kayo ng maliit na negosyo. Napakaswerte ng nanay mo dahil napakabait mong anak. Sigurado akong tuwang-tuwa ang iyong ama sa langit at labis ka niyang ipinagmamalaki,” sambit pa ng ginang.
Walang patid sa pagbuhos ang mga luha ni Carlito dahil sa labis na pasasalamat. Hindi na makapaghintay si Carlito na iuwi ang mga ito sa kaniyang ina.
Labis naman ang gulat ni Mina nang makita ang mga dala ng kaniyang anak. Sa mga sandaling iyon ay panandaliang nabuhay si Roger sa katayuan ni Carlito.
“Higit pa sa magandang regalo ang naiwan sa akin ng inyong ama. Walang iba kung hindi kayong magkakapatid,” saad ni Mina sa mga anak.
Masayang pinagsaluhan ng mag-iina ang mga pagkain. Baon nila sa kanilang puso ang pag-asa at pagmamahal na naiwan din sa kanila ng padre de pamilya.