Hiling ng Kaniyang Anak na Makatikim ng Tsokolate sa Pasko; Maibili Niya Kaya Ito Katulad ng Pangako Niya?

Hiling ng Kaniyang Anak na Makatikim ng Tsokolate sa Pasko; Maibili Niya Kaya Ito Katulad ng Pangako Niya?

FamilyInspiringStories

Sa tanang buhay ng walong taong gulang na anak ni Mang Francis, hindi pa ito nakakatikim ng totoong tsokolateng nabibili sa mga mamahaling tindahan sa mall. Tagpipisong tsokolate lang ang nabibili niya rito simula nang mahilig ito sa matatamis noong kaliitan nito.

Kaya naman ngayon malapit na ang Pasko, isa lang ang hiling nito sa kaniya, ang makatikim ng totoong tsokolate. 

“Kahit kaunti lang o kapirasong totoong tsokolate, tatay, ayos na po sa akin! Sabi po ng kaklase ko, mayroon daw pong tag-sisingkwenta pesos na tsokolate sa mall, iyon na lang po ang ibili niyo sa akin! Kahit maliit lang daw po ‘yon, malinamnam na rin!” nasasabik nitong sabi sa kaniya.  

“Naku, iyon lang? Kahit ‘yong tag-dadalawang daang pisong tsokolate pa ang gusto mo, bibilhin ko para sa’yo!” pagyayabang niya rito dahilan para bahagyang lumiwanag ang mukha nito. 

“Huwag na po, tatay! Kahit ‘yong tag-sisingkwenta pesos lang po, masaya na po ako! Mahirap din po ang kitaan ngayon sa pamamasada, eh,” tanggi nito na labis niyang ikinangiti. 

“Iba talaga ang pag-unawa mo sa sitwasyon natin, anak,” tangi niyang sabi saka ito mariing niyakap. 

Pagtapos ng pag-uusap nilang iyon, agad na siyang naghanda ng makakain ng kaniyang anak saka dali-dali na ring namasada. 

Habang namamasada, nakarinig na siya ng mga kantang pamasko mula sa mga establisyementong nadadaanan niya. 

“Malapit na pala talaga ang Pasko, ‘no?” tanong niya sa kaniyang pasahero. 

“Aba, opo, manong! Isang buwan na lang yata Pasko na! Kailangan niyo na pong magdoble kayod para maibili ng regalo ang anak niyo,” sambit nito dahilan para siya’y mapaisip kung paano mabibilhan ang anak ng regalo. 

Kung tutuusin, kaya niya naman talagang mabili ng tsokolate ang kaniyang anak. Kaya lang, dahil nirerentahan niya lang naman ang pinapasada niyang pedicab at marami siyang binabayarang utang na naiwan ng yumao niyang asawa, kulang na kulang ang bente kwarto oras sa isang araw para kumita siya ng perang sasakto sa lahat ng gastusin niya. 

Ngunit dahil nga desidido siyang mabilhan ng tsokolate sa unang pagkakataon ang kaniyang anak, siya nga ay nagdoble kayod. Habang namamasada ng pedicab, siya rin ay nagbenta ng balot at ng kung anu-ano pang kutkutin sa loob nito. Inaalok niya ito sa kaniyang mga pasahero na hindi naman nakakatanggi kapag binibida na niya ang sarap ng kaniyang mga paninda. 

Hindi pa siya rito nakuntento, pumasok pa siya isang lugawan tuwing gabi dahilan para ganoon na lang siya magkaroon ng sapat na pera para mabayaran ang ilang utang ng kaniyang asawa at mabilhan ng tsokolate ang kaniyang anak. 

Kaya lang, nang araw na bibili na siya ng tsokolate sa mall, bigla namang nawala ang perang inipon niya. Halos itaob na niya ang buong bahay nila para lamang makita ang limang daang pisong inipon niya na pambili sana ng tsokolate ng kaniyang anak at pagkain nilang mag-ama para sa Noche Buena. 

Habang siya’y namomoblema, kamot-ulong lumapit sa kaniya ang anak niyang kakarating lamang mula sa labas. “Tatay, hinahanap niyo po ba ang perang inipon niyo?” kabado nitong tanong. 

“Oo, anak, bakit? Nakita mo ba?” tanong niya rito.

“Ang totoo po niyan, tatay, kinuha ko po ‘yong pera niyo. Ginamit ko po para makalaro po ako ng bingo roon sa palengke,” pagtatapat nito na agad niyang ikinapanghina. 

“Ano? Hindi mo ba alam na pangbili ko ‘yon ng tsokolate mo, anak? Paano na ‘yan? Saan ako hahagilap ng pera para matupad ko ang pangako ko sa’yo?” nawiwindang niyang sabi rito saka naupo sa sahig ng kanilang bahay. 

“Hindi niyo na po kailangang maghanap ng pera, tatay. Nanalo po ako sa bingo sa unang laro ko palang doon. Ito po ang sukli niyo, apatnaraang piso at singkwenta pesos. Ito naman po ang napalanunan ko,” sabi nito saka iniabot sa kaniya ang isang tsekeng naglalaman ng kalahating milyong piso!

“Pa-paano ka nakapasok at nakalaro sa binguhang iyon? Ang bata-bata mo pa!” pagtataka niya. 

“Nakiusap po ako sa isang ginang na samahan ako sa loob. Mabuti na lang po, sobrang bait noon. Kahit alam niyang nanalo ako, hindi siya humingi kahit na piso, hinatid niya pa ako rito sa bahay!” kwento nito dahilan para ganoon na lang siya maiyak sa sobrang pasasalamat. 

Kagaya ng balak niya, binilhan niya nga ng tsokolate ang anak bago magpasko. Ginamit din nila ang pera upang tuluyang mabayaran ang utang ng kaniyang asawa. Nagpasiya na rin siyang tumigil sa pamamasada at nagtayo na lang ng sariling tindahan sa harap ng eskwelahan. 

Dahil doon, unti-unti silang nakausad sa buhay ng kaniyang anak at hindi lang sila sa araw ng Pasko masaya kung hindi pati na rin sa mga sumunod na buwan dahil sa gaan ng kanilang buhay. 

Pero dahil mali ang ginawa ng kaniyang anak sa pagkuha ng kaniyang pera at pagsusugal, kaniya pa rin itong pinangaralan na buong puso naman nitong tinanggap. Pinangako nito sa kaniyang hinding-hindi na iyon muli pang mauulit. 

Simula noon, agad na niyang nabibili ng tsokolate ang kaniyang anak sa tuwing hihiling ito sa kaniya na ganoon na lang ikinataba ng puso niya. 

“Sa wakas, dumating na rin ang araw na maibibigay ko ang mga kagustuhan ng anak ko,” sabi niya sa sarili habang silang mag-ama ay namimili ng mga tsokolateng gusto nito.

More Stories