Labis ang Inis ng Dalaga sa Isang Alaskador na Binata; Sa Huli ay Nagulat Siya sa Tunay Nitong Katauhan
“Isasama niyo na naman ako sa date niyo ni Ariel! Makikita ko na naman ‘yung asungot niyang bespren!” yamot na reklamo ni Misha habang papunta sila sa mall. Kasama niya ang matalik niyang kaibigan na si Aina.
“Bes, pagbigyan mo na ako. Alam mo naman na malaki ang tiwala nila Mama sa’yo, ‘di ba? Baka raw kasi magtanan kami ni Ariel,” humahagikhik na sagot naman nito.
Pabirong inirapan niya ang kaibigan. Alam niya naman iyon. Masaya naman siya para rito. Ang kaso, kung minsan ay hindi niya talaga kinakaya ang pambubwisit ng kaibigan ng boyfriend ni Aina na si Erwin. Makita niya pa lang ang lalaki ay talaga namang kumukulo ang dugo niya. Napaka-alaskador kasi ng lalaki!
“Ikaw bes ha, inis na inis ka kay Erwin. Mamaya niyan ma-fall ka,” nang-iinis pang buska ni Aina.
Isang matalim na inipukol niya sa kaibigan.
“Itigil mo ‘yang pang-aasar mo. Gusto mong maudlot ang date mo?” inis na pakli niya.
Agad naman itong nanahimik. Inignora niya na lang ang narinig niyang ibinulong nito.
“Sungit. Joke lang naman.”
Mas lalo siyang napasimangot nang makita mula sa malayo ang kinaiinisan niya lalaki. Pakaway-kaway pa kasi ito mula sa malayo, kasama nito si Ariel na nakangiti namang kinakawayan ang nobya niya.
“Malayo pa, nagsisimula nang mambwisit!” yamot na baling niya kay Aina, tila batang nagsusumbong.
“Kalma ka lang. ‘Wag kang pikon ha. Mamaya niyan sigawan mo na naman siya,” narinig niyang bulong ni Aina.
“Aba, kung hindi niya ako iinisin, wala naman kaming problema,” aniya.
Nang tuluyan na silang makalapit ay napairap na lang siya. Tila gusto niyang palisin ang malawak na ngisi ng mukha ni Erwin.
Tahimik siyang naupo sa isang tabi. Wala siya sa mood na pansinin ang mokong na alaskador.
Subalit walang plano ang lalaki na tantanan siya.
“Bespren. Bakit ang tahimik mo? Saka nakasimangot ka na naman? Lalo ka lang papangit niyan.”
Napakawalanghiya talaga nito!
“Hoy, ‘wag mong inisin ‘yan. Badtrip ‘yan,” narinig niyang saway rito ni Aina.
“Ano ba ‘yan! Ang boring kaya kapag tahimik si Sungit,” dismayadong saad naman nito.
Akala niya ay titigil na si Erwin, subalit maya-maya ay nakita niya na tila kinukuhanan siya nito ng larawan.
“Ano ‘yan? Pini-picturan mo ba ako?” mataas ang boses na sita niya sa lalaki.
Ngumisi ito.
“Sa wakas, nagsalita rin. Bakit ang tahimik mo? May nambasted na naman ba sa’yo?” anito.
“Bwisit ka talaga. Tigilan mo nga ako!” asik niya sa lalaki.
“Erwin. Mamaya magkapikunan na naman kayo ni Misha. Mapuputol na naman ang date namin ni Aina,” seryosong saway rito ni Ariel.
“Si Sungit kasi, eh. Ayoko lang naman na mapipi siya sa isang tabi. Sinasali ko lang naman siya sa usapan,” pilosopong tugon naman ni Erwin.
Sa huli ay tiniis niya na lang ang presensya ng lalaki.
Tila kay tagal ng oras. Gustong-gusto na niyang umuwi, kaya naman laking pasasalamat niya nang magyaya nang umuwi ang magkasintahan.
“Bes. Alam mo, kailangan mo ng pag-ibig. Tama naman si Erwin eh. Medyo masungit ka nga,” habang pauwi sila ay komento ni Aina.
Asar na sinulyapan niya ang kaibigan. Ngunit ngumiti lang ito, tila hindi alintana ang iritasyon niya. Kapagkuwan ay kinuha nito ang cellphone niya. May itinipa ito na kung ano. Nang ibalik nito ang cellphone niya ay mayroong numero roon ng isang nagngangalang “EJ.”
“Sino naman ‘to?” taas kilay na usisa niya sa kaibigan.
“Textmate. Malay mo mag-click kayo,” sagot nito.
“Mapapagkatiwalaan ba ‘to?” nagdududang muling tanong niya.
“Ipapahamak ba naman kita?” natatawang sagot nito.
Natahimik si Misha. Kilala niya si Aina. Hindi ito gagawa ng ikakapahamak niya.
Kaya naman nang makatanggap siya ng mensahe mula sa misteryosong si EJ ay walang pagdadalawang isip siyang nag-reply.
Hindi naman siya nagsisi. Magaan at nakakaaliw kausap ang lalaki. Marami rin silang pagkakatulad gaya ng mga paboritong pagkain, babasahin, at kung ano-ano pa. Minuto-minuto ay kausap niya ang lalaki. Gusto niya na mas makilala pa ito.
“Bes, may date ulit kami sa Sabado. Sama ka ulit, ha?” isang araw ay ungot ni Aina.
“Kaya n’yo na ‘yan… Pwede ba na hindi sumama?” tinatamad na tanong niya sa kaibigan.Naging mapanukso ang ngiti nito.
“Sus, pwede mo naman i-text si EJ kahit na nasa mall ka!” anang kaibigan niya.
Pinigil niya ang mapangiti. May punto naman ito. Siguro nga ay mas ok kung lalabas-labas siya. Maite-text niya pa rin naman si EJ.
“Bespren! Mukhang maganda ang gising natin, ha?” agad na puna ni Erwin nang magkaharap sila.
Isang tipid na tango ang isinukli niya sa lalaki.
“Masungit pa rin. Kaya hindi nagkaka-boyfriend, eh,” naiiling na komento pa ng dem*nyito.
Agad na umabot sa ulo ang inis niya.
“Excuse me! Para sabihin ko sa’yo, may nagugustuhan ako!” mayabang na saad niya.
Agad na nag-iba ang timpla ng lalaki. Mula sa ngisi ay napasimangot ito.
“Sino naman ‘yan?” usisa nito.
“Wala ka na d’un!”
Bumalik ang ngisi nito.
“Sabi na nga ba at nag-iimbento ka lang, eh! Aina, may imaginary boyfriend na si Misha!” baling pa nito sa kaibigan niya, tila nagsusumbong.
“Meron nga! May gusto akong lalaki. EJ ang pangalan niya!” aniya nang matigil na ang lalaki.
Natameme si Erwin. Maging ang magkasintahang Aina at Ariel ay napahinto sa pag-uusap.
“EJ kamo ang pangalan?” paniniguro pa nito.
Tumango siya, noon lang naramdaman ang pagkapahiya.
Nagulat siya nang magsalita si Ariel.
“Erwin, aminin mo na kay Misha habang may pagkakataon pa,” seryosong payo nito kay Erwin.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay may mababanaag na takot sa mukha ni Erwin.
“Misha, ako si EJ. ‘Yun kasi ang tawag sa’kin sa bahay… Hiningi ko number mo kay Aina tapos tinext kita. Gusto ko kasi na mas makilala ka pa,” pag-amin ng lalaki.
Tila gumuho ang mundo niya. Pinaglaruan lang ba siya ni Erwin?
“Bakit? Bakit mo ginawa ‘yun?” masama ang loob na usisa niya sa lalaki.
Ikinagulat niya ang naging sagot nito.
“Gusto kita, Misha. Matagal na. Ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob dahil natatakot ako na hindi mo ako pansinin…” nakayukong paliwanag ng lalaki.
“Pero totoo lahat ng sinabi ko tungkol kay EJ. Magkakasundo talaga tayo sa maraming bagay kapag nag-uusap tayo nang maayos,” dagdag pa nito.
Tigagal ang dalaga. Ni sa hinagap ay hindi sumagi sa isip niya na gusto siya ng itinuturing niyang mortal na kaaway!
“Sana ay patawarin mo ako at makapagsimula tayo ulit…” pakiusap ng binata.
“Hindi mo na ako bubwisitin?” naninimbang na tanong niya.
Matigas na umiling si Erwin.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nginitian niya sa Erwin, isang tunay na ngiti. Malayo iyon sa matalim na pukol na lagi niyang ibinabato rito. Alam ni Misha na iyon na ang simula ng nakakakilig nilang istorya.
Matapos ang ilang buwan na panunuyo ni Erwin ay opisyal niya na itong naging kasintahan. Kung minsan nga ay hindi pa rin makapaniwala si Misha sa naging takbo ng masalimuot nilang love story.
Sino nga ba ang mag-aakala na ang dating tila aso’t pusa kung mag-away ay may sarili palang happy ending?