Inday TrendingInday Trending
Pinatawad ng May-ari ang Nagugutom na Matanda nang Mahuli Niya Itong Nagnanakaw sa Kaniyang Tindahan; Mayroon pala Iyong Dahilan

Pinatawad ng May-ari ang Nagugutom na Matanda nang Mahuli Niya Itong Nagnanakaw sa Kaniyang Tindahan; Mayroon pala Iyong Dahilan

Napapailing na lamang si Aling Teresita habang pinanunuod ang kuha ng CCTV kung saan kitang-kita ang ginagawang pamumuslit ng isang matanda ng mga paninda nila sa loob ng grocery store na kaniyang pagmamay-ari.

“Grabe, ma’am. Ilang beses na pala tayong napagnakawan ng matandang ’yan!” komento pa ng isa sa kaniyang mga empleyado. “Dapat siguro, tumawag na tayo ng pulis!”

Akmang gagawin na sana ng kaniyang kahera ang suhestiyon nito nang ito ay pigilan niya…

“Huwag na. Ang gawin n’yo, papuntahin n’yo na lang dito ’yong matanda at kakausapin ko,” sabi pa ni Aling Teresita na bagama’t ipinagtaka naman ng kaniyang mga empleyado’y tinalima pa rin ng mga ito.

Nang bumalik sa opisina niya ang mga ito ay kasama na nila ang matandang ngayon ay nayuyuko sa kaniyang harapan. Halata ang pagsisisi sa mukha nito para sa nagawang kasalanan, ngunit bakas din sa buto’t balat nitong katawan na talagang nagugutom lamang ito kaya niya nagawa iyon.

“Ikuha n’yo siya ng makakain at maiinom, please. Dalhin n’yo na lang dito sa loob,” kaya naman utos niya sa kaniyang mga empleyado na lalo naman nilang ikinagulat.

“Pero, ma’am, pinagnakawan niya tayo—” Akma sanang magpo-protesta pa ang kaniyang kahera nang tapunan niya ito ng isang seryosong tingin. Wala na itong nagawa pa kundi ang tumalima sa kaniyang utos.

Nagulat din ang matanda sa magandang pagtrato sa kaniya ni Aling Teresita ngunit gutom na gutom ito para kuwestiyunin pa ang mga nangyayari. Agad nitong nilantakan at inubos ang lahat ng pagkain at inuming ibinigay nila sa kaniya at nang matapos siya ay doon siya pinakanilukob ng hiya.

“Ma’am, pasensiya na kung nagawa ko kayong pagnakawan. Dala lamang ’yon ng matinding gutom. Kung maaari, utusan n’yo na lang ako ng kahit na ano para makabawi ako sa ginawa n’yong kabutihan sa akin ngayon. Patawarin n’yo ako,” malungkot pang sabi ng matanda na sinagot naman ni Aling Teresita ng isang matamis na ngiti.

“Hindi na po kailangan, manong. Ang totoo’y nagbabayad lang ako ng utang na loob ko sa inyo,” sabi niya pa sabay tabik sa balikat ng matanda.

Napakunot ang noo nito. “Ano’ng ibig mong sabihin, hija?” takang tanong pa nito sa kaniya.

“Manong, hindi n’yo ba ako natatandaan? Ako ho ’yong batang palaboy noon na nagnakaw ng tinapay sa panaderya n’yo noong kayo’y bata-bata pa,” sagot naman ni Aling Teresita na ikinabigla ng lahat, maging ng mga empleyado niya sa grocery store na ’yon. “Natatandaan n’yo ba kung paanong imbes na parusahan n’yo ako’y nagawa n’yo pa akong pakainin at pabaunan ng makakain hanggang sa may isang mag-asawang umampon at nag-aruga sa akin? Malaki ang utang na loob ko sa inyo, manong, kaya ngayon ay nagbabayad lang ako,” dugtong pa ni Aling Teresita na ngayon ay nangingilid na ang luha sa pag-alala ng kabutihan noon sa kaniya ng naturang matanda.

Nabalitaan kasi niya na matapos palang malugi ang pagmamay-ari nitong panaderya ay pinabayaan at kinalimutan na rin ito ng kaniyang mga kaanak dahil wala na silang magiging pakinabang sa kaniya. Buhat noon ay nagpalaboy-laboy na lamang ito sa kalsada at madalas na kumakain sa basurahan para lang makaraos sa nararamdaman niyang gutom, hanggang sa eksaktong mapadpad naman ito ngayon sa kaniyang tindahan.

Kung nalaman lamang sana ni Aling Teresita na ganito na ang lagay ng matanda, sana ay noon pa niya ito hinanap upang siya na ang mag-aruga. Dahil doon ay minabuti niya na kupkupin na lamang ang matandang noon ay tumulong din sa kaniya nang walang pag-iimbot.

Dahil doon ay matinding paghanga tuloy ang naramdaman ng mga taong nakakakilala kay Aling Teresita dahil sa kaniyang ginawa. Kinikilala nila ang kaniyang kabutihan, maging ang kabutihan ng matanda na naging inspirasyon ng batang isipan ni Aling Teresita noon.

“Maraming salamat sa lahat ng naitulong mo sa akin, Teresita. Hindi ko akalain na dahil lamang sa simpleng pagbibigay ko sa ’yo noon ay may aanihin ako ngayong ako naman ang nangangailangan. Minsan, mas makatutulong pa talaga sa ’yo ang ibang tao kaysa sa sarili mong mga kaanak na kilala ka lang kapag may pakinabang ka sa kanila,” malungkot na sabi pa ng matanda kay Aling Teresita isang araw habang sila ay kumakain nang sabay, kasama ang buong pamilya nina Aling Teresita. Animo sila isang buo at masayang pamilya.

Advertisement