Pinalitan ng Pera ng Lalaki ang Isang Gabi Kasama ang Bayarang Babaeng Ito; Huli na nang Malaman Niyang Nawawala raw ang Lahat ng Isama Nito!
“Isang gabi, kapalit ng sampung libong piso. Ayos ba sa ’yo iyon, miss?”
Halos maghugis pera ang mga mata ni Asunta matapos ilabas ng lalaking kausap niya ang tumataginting na sampung libong pisong perang papel mula sa mismong bulsa nito. Agad siyang nasilaw sa ipinakita nito kaya naman walang pagdadalawang isip na pumayag siya sa alok nito. Sa katunayan ay siya pa mismo ang nagbukas ng pintuan ng sasakyan nito at siya na rin ang mas naunang pumasok doon kaysa mismo sa lalaki. Masiyadong sabik si Asunta sa maaaring mangyari ngayong gabi.
Sa totoo lang ay nagtataka siya kung bakit ang isang guwapo at makisig na lalaking kagaya nito ay napadalaw sa kanilang bahay-aliwan. Nasanay kasi siya na mga matatanda o ’di kaya’y mga lalaking hindi ganoon kaguwapuhan ang pumupunta sa kanila upang magbayad ng babae. Bukod doon ay napakalaki pa ng offer nitong pera!
Ngunit naisip ni Asunta na sino ba naman siya para tumanggi pa? Lalo pa ngayon na kailangang-kailangan niya ng pera dahil naospital ang kanilang ina at kailangan itong ipaopera dahil malala na ang lagay nito. Anumang pagkakaperahan ay handang pasukin ni Asunta para lang makaipon siya.
Maya-maya pa ay hindi inaasahang nakatanggap si Asunta ng isang text message mula sa isa sa mga katrabaho niya sa Casa…
“Asunta, mag-ingat ka sa lalaking nagdala sa ’yo ngayon. Nahuli akong balaan ka kanina. Nakaalis na kayo nang malaman kong siya pala ang kustomer mo ngayon. Mag-ingat ka dahil lahat ng babaeng nagtatrabaho rito sa Casa na sumama sa kaniya ay hindi na nakabalik pa at bigla na lang naglaho!” ayon sa naturang text messages na ’yon.
Agad na nilukob ng kaba ang dibdib ni Asunta. Gusto niyang umatras ngunit wala siya halos magawa, dahil nasa loob siya ng umaandar ngayong sasakyan ng lalaki. Hindi niya alam ang gagawin. Nanginginig ang mga kamay niya kaya maging ang ang mag-text sa kaniyang mga kaibigan ay hindi niya magawa.
Kung anu-ano na ang pumapasok sa isip ni Asunta nang biglang itigil ng lalaki ang sasakyan sa tapat ng isang chapel…
“Nandito na tayo,” sabi nito.
Nagtaka si Asunta dahil doon. “B-bakit dito? D-dito mo ba dinadala ang lahat ng babaeng nawawala sa casa?” hindi napigilang tanong pa niya.
Natawa ang lalaki dahil doon. “Ako nga pala si Pastor Christian Amanpulo, at oo, dito ko dinadala ang lahat ng babaeng binabayaran ko mula sa casa,” nakangiti pang sagot nito.
Tahimik na sumama si Asunta kay Pastor Christian at doon ay napag-alaman niyang naroon nga ang halos lahat ng dati niyang mga kasamahan mula sa casa. Malaki na ang pagbabago sa kanilang mga hitsura at mukhang maging sa kanilang mga pamumuhay dahil doon.
“Ano’ng nangyari sa inyo?” pambungad na tanong pa ni Asunta sa isa sa kaniyang mga kasamahan na agad naman nitong sinagot.
“Itinuro sa amin ni Pastor Christian ang daan patungo sa pagbabago sa pamamagitan ng pagpapakilala sa amin ng Diyos. Bukod doon ay mayroon din siyang itinayong programa na magbibigay sa atin ng pagkakataong makapaghanap buhay nang marangal, kaya naman heto na kami ngayon. Nagtutulungan para sa pag-unlad ng isa’t isa,” sabi pa nito na nagpatahimik naman kay Asunta.
Hindi niya akalain na iyon na ang simula ng kaniyang pagbabago. Inalalayan siya ng mga ito upang lahat sila ay sabay-sabay na umunlad hanggang sa tuluyan nang talikuran ni Asunta ang bahay-aliwang naging daan upang matuto siyang magbenta ng katawan para lang may maipanglamang tiyan.
Mayaman pala si Pastor Christian at nagmamay-ari ito ng iba’t ibang klaseng negosyo at sila ay isa-isa nitong binigyan ng trabaho roon. Unti-unting gumanda ang buhay ni Asunta, maging ng kaniyang mga kasamang kapareho niyang nagbago. Ngayon ay kasama na sila ni Pastor Christian na nanghihikayat ng mga babaeng katulad nila noon upang ang mga ito ay magbago rin.
Mas naging masaya rin sa kaniyang pamilya si Asunta dahil bukod sa mas maipagmamalaki na siya ng mga ito ay mas napupunan na niya ang pangangailangan nila. Isang inspirasyon ang kwento niya at ng kaniyang mga kasama para sa ibang nagbabalak pa lang na pumasok sa ganoong klase ng trabaho, maging sa mga dati nang naroon. Salamat sa pastor na hindi sila hinusgahan bagkus ay tinulungan silang magbago para sa ikaaayos nila.