Inday TrendingInday Trending
Kinunsinti ng Ina ang Katabilan ng Dila ng Kaniyang Anak; Sa Huli’y Isang Leksyon ang Matututuhan ng Mag-Ina

Kinunsinti ng Ina ang Katabilan ng Dila ng Kaniyang Anak; Sa Huli’y Isang Leksyon ang Matututuhan ng Mag-Ina

“Danyl, bakit n’yo naman binato ’yong bahay ni Aling Mariana?” mahinahong tanong ng kapitan ng barangay sa labing dalawang taong gulang na dalagitang si Danyl. Paano kasi ay nagkabarangayan ang magkakapitbahay dahil sa ginawa nitong pambabato sa bahay ng matandang dalagang si Aling Mariana.

“Wala lang, trip ko lang,” pabalang namang sagot ni Danyl na animo kaedad lamang niya ang kaniyang kausap. Dahil doon ay bahagyang napataas ang kilay ng kapitan.

“Hindi mo ba alam na mali ’yong ginawa mo? Kapapagawa lang ni Aling Mariana sa bintanang ’yon dahil noon lamang isang linggo ay binasag mo rin ’yon!” medyo mataas na ang tinig na sabi pa ng kapitan na sinagot naman ni Danyl ng pagngiwi.

“Marami namang pera ’yang si Mariana. Kaya niya na ’yan! Saka, masama ba ’yon, e, wala nga akong magawa? Nabo-bored ako kaya binato ko na lang ang bahay nila,” ngingisi-ngisi pang sagot nito na talagang nakapagpainit na sa ulo ng kapitan.

“Hindi mo ba tinuturuan ng magandang asal ’yang anak mo, Laarni?” baling nito sa ina ni Danyl.

“May sariling isip ’yang anak ko. Mana lang talaga sa akin ’yan, matabil ang dila, pero totoo naman ang sinasabi n’yan. Sus! Masiyado lamang pinalalaki nito ni Mariana ang gulo, e,” umiikot pa ang mga matang sagot naman ni Laarni na talagang ikinainis din ng kapitan.

Napahawak ang kapitan sa kaniyang sentido dahil sa sakit ng ulong inaabot niya sa mag-inang pasaway na ito. Ilang beses na silang naging laman ng barangay dahil sa parehong matabil ang dila nila, lalo na ng batang si Danyl dahil kinukunsinte ito ng kaniyang ina.

Sa huli ay wala ring nagawa ang nasabing kapitan ng barangay dahil hindi nila nagawang pilitin ang mag-ina na ipaayos ang sinira nitong bintana ng kanilang kapitbahay. Minabuti na lamang din naman ni Aling Mariana na pabakuran ang kaniyang kabahayan upang makaiwas sa kasalbahihan ni Danyl.

Hindi pa rin iyon naging leksyon sa dalagitang matabil ang dila, dahil buhat noon ay lalo pang lumala ang kaniyang mga ginagawang kalokohan. Maging ang mga lasing ay nagagawa nitong bastusin kahit hindi naman siya kinakausap ng mga ito. Ito namang si Laarni ay palaging to the rescue sa anak niyang salbahe sa tuwing mayroong kakastigo rito, kaya naman mas madalas pa itong laman ng barangay kaysa sa eskuwela. Ayon sa bali-balita, iyon din ang dahilan kung bakit iniwan sila ng kanilang padre de pamilya.

Hanggang sa isang araw, habang natutulog ang mag-ina ay hindi nila inaasahan na mayroon na palang isang lalaking pumasok sa kanilang tahanan. Balak silang gawan nito ng masama dahil sa sobrang inis nito kanina nang ipahiya siya ni Danyl matapos niya itong pagsabihan dahil inaway nito ang kaniyang pinsan.

Lulong sa masamang bisyo ang nasabing lalaki. May hawak siyang matulis na bagay na handa na niyang gamitin upang saktan ang mag-ina, at ganoon na nga ang ginawa niya. Mabuti na lang at nagising si Laarni bago pa tuluyang itusok sa kanila ng lalaki ang hawak nito.

Sumigaw siya, na talaga namang bumulabog sa lahat ng kanilang mga kapitbahay.

“Tulong, mga kapitbahay! May gustong manakit sa amin ng anak ko!” hiyaw ni Laarni. Ngunit nakakailang sigaw na siya ay tila wala namang gustong tumulong sa kanila.

Dahil doon ay lalo tuloy nagkalakas ng loob ang lalaki na saktan sila kaya naman ganoon na lang ang takot ng mag-ina! Mabuti na lamang at may napadaang tanod sa kanilang lugar at nagawa nitong tumawag ng mga pulis na reresponde sa nagaganap na kaguluhan sa loob ng bahay nina Laarni at Danyl. Tanging galos lamang dahil sa pagtakbo at pagpalag nila sa lalaki ang kanilang natamo.

Nahuli naman ang lalaki at agad itong naikulong sa piitan, habang ang pangyayaring iyon naman ang nagsilbing isang malaking leksyon para sa mag-ina. Hindi nila akalain na dahil sa katabilan ng kanilang dila ay magagawa silang saktan ng isa sa kanilang mga kapitbahay kaya naman noon din ay nagpasiya silang lumipat na lamang ng tinitirahan upang hindi na maulit pa ang nangyari.

Doon nila napagpasiyahang mag-umpisang muli, dala ang leksyong natutunan nila mula sa dati nilang pag-uugali na muntik nang magdala sa kanila sa matindi at tiyak na kapahamakan. Buti na lang at nagkaroon pa sila ng pagkakataong magbago bago pa mahuli ang lahat.

Advertisement