Inday TrendingInday Trending
Buong Akala Niya’y Jackpot Siya sa Mister; Ngunit sa Araw ng Pulot-Gata Nila ng Asawa, May Masakit na Balita Siyang Nalaman

Buong Akala Niya’y Jackpot Siya sa Mister; Ngunit sa Araw ng Pulot-Gata Nila ng Asawa, May Masakit na Balita Siyang Nalaman

Pakiramdam ng dalagang si Nicole, nasa loob siya ng isang fairytale kung saan siya ang bida at ang gwapo at maginoo niyang nobyo ang kaniyang prinsipe. Kahit na magdadalawang taon niya pa lang nakikilala ang binatang ito, pakiwari niya’y ito na ang makakasama niya habambuhay.

Sa lahat ng naging nobyo niya simula nang siya’y tumuntong ng legal na edad, wala pang nakapagparamdam sa kaniya ng pagmamahal na binibigay ng naturang binata. Kahit hindi niya hilingin ang isang bagay katulad ng bulaklak sa isang normal na araw o kaya nama’y pagkain tuwing siya’y may dalaw, kusa nitong binibigay sa kaniya. Hindi katulad ng mga naging karelasyon niya dati na pati oras at atensyon ng mga ito ay pilit niya pang hinihingi.

Bukod pa roon, siya ang prayoridad nito. Kapag nalaman nitong malungkot siya o may maramdaman, agad itong pupunta sa kaniyang bahay upang siya’y alagaan at samahan kahit na may pasok ito sa trabaho katulad na lang ng ginawa nito nang mawala ang aso nilang dalawa na minahal niya nang lubos.

“Hindi mo na kailangang lumiban sa trabaho, mahal, kaya ko naman, eh. Sadyang malungkot lang ako,” sabi niya rito habang inaayos ang dala nitong pagkain para sa kaniya.

“Pinangako ko sa’yo na sa lungkot at saya, kasama mo ako. Kaya, hayaan mo na akong samahan ka ngayon. Mas mahalaga ka, kaysa sa trabaho ko,” tugon nito na labis niyang ikinakilig.

Dahil sa purong pagmamahal na mayroon ito para sa kaniya, umabot na ng isang taon ang kanilang pagmamahalan. Buong akala niya’y magiging simple lang ang pagdiriwang nila ng kaniyang anibersaryo ngunit pagsapit ng araw na ito, lahat ng kaibigan at kaanak nila’y nilikom nito.

Sa harap ng mga taong mahahalaga sa kanilang dalawa, niyaya siya nitong magpakasal. “Hindi ba sobrang aga naman?” tanong niya rito habang kinukubli ang kilig.

“Pasensya ka na, gusto ko na agad maidugtong ang pangalan ko sa’yo para wala nang mang-agaw pa,” seryosong wika nito dahilan para ganoon na lang niya tanggapin ang alok nito na ipinagdiwang naman ng kani-kanilang mga mahal sa buhay.

Naging mabilis ang panahon para sa paghahanda nila sa kanilang kasal at dahil nga hindi naman nila problema ang pera, dalawang buwan lang ang lumipas, tuluyan na nga silang ikinasal.

Wala nang mas sasaya pa sa kaniya sa araw ng kanilang kasal. Pakiwari niya’y nasa langit na siya sa nag-uumapaw na saya at pagmamahal na mayroon sa puso niya.

Kaya lang, pagkatapos ng gabing iyon, habang sila’y nasa Batangas para sa kanilang honeymoon. Nagising siyang wala ito sa tabi niya.

Hinanap niya ito sa buong silid na nirentahan nila roon ngunit wala ito kahit saan. Natagpuan niya lang itong nakatanaw sa tabing dagat habang nainom ng alak. Nang lapitan niya ito at usisain kung bakit ang aga nitong mag-inom, mangiyakngiyak nitong tugon, “Tumawag sa akin ang dati kong nobya bago kita ligawan. Dalawang taong gulang na raw ang anak namin at gusto akong makita. Pasensya ka na, mahal, hindi ko talaga alam na may anak ako sa kaniya,” na labis na ikinaguho ng mundo niya dahilan para siya’y agad na tumakbo palayo rito habang pinipigilan ang mga luha.

Sa pagtakbo niya, may isang ginang ang humila sa kaniya at siya’y pinasok sa loob ng isang kubo malapit sa dagat.

“Sinasaktan ka ba ng lalaking ‘yon? Anong gusto mong gawin ko sa kaniya? Kaaga-aga, pinapaiyak ka!” galit na sabi nito na ikinabuntong-hininga niya at dahil nais talaga nitong sugurin ang asawa niya, siya’y napilitang magkwento rito tungkol sa nalaman niya, “Diyos ko, hija, naiipit ka pala sa isang mahirap na sitwasyon at sa araw pa ng honeymoon niyo!” iiling-iling nitong sabi saka siya binigyan ng mainit na maiinom.

“Hindi ko na nga po alam ang gagawin, eh. Wala pong ibang pinaramdam sa akin ang napangasawa kong ‘yan kung hindi saya at pagmamahal. Tapos magtataksil lang pala siya sa akin,” iyak niya.

“Pagtataksil? Paano siya nagtaksil sa’yo kung wala ka pa sa buhay niya nang mangyari ‘yon? Sabi mo rin, hindi niya alam na may anak siya. Sa kwento mo, pakiwari ko sobrang puro ng pagmamahal ng asawa mo sa’yo, sadyang may problema lang siyang hindi nasolusyunan bago ka pakasalan,” sambit nito dahilan para siya’y mapaisip.

Habang patuloy siyang pinapaliwanagan ng ginang na hindi naman niya talaga kilala, lubos niyang naintindihan na kagaya niya, naiiipit din sa mahirap na sitwasyon ang asawa niya.

“Sinasamahan niya ako sa lungkot at saya, dapat ganoon din ang gawin ko sa kaniya,” sabi niya sa sarili saka agad na nagpaalam sa ginang at bumalik sa nirentahan nilang silid.

Pagdating niya roon, tulala pa rin ang kaniyang asawa dahilan para agad niya itong yakapin at sabihing, “Wala kang dapat ikapag-alala, mahal. Makakaasa kang tutulungan kitang alagaan ang anak mo. Kaya tanggapin mo na siya, walang kasalanan ang bata,” na ikinagulat nito.

“A-ayos lang sa’yo? Hindi ka nagagalit sa akin?” tanong nito. “Kanina, nagalit talaga ako pero napagtanto ko ring wala pa ako sa buhay mo nang mangyari ‘yon. Walang may kasalanan sa ating dalawa, sadyang mapait lang siguro ang tadhanang mayroon tayo sa unang araw ng pagiging mag-asawa natin,” tugon niya dahilan para muli itong maiyak at siya’y yakapin nang mahigpit.

Pagkatapos ng bakasyon nila sa Batangas, agad silang dumiretso sa bahay ng dating nobya ng kaniyang asawa at iyon ang naging simula ng buhay niya bilang isang ina ng batang hindi man niya niluwal, napamahal na rin sa kaniya hindi kalaunan.

Ilang taon man ang binilang niya bago sila tuluyang magkaanak ng asawa dahil sa responsibilidad nito sa unang anak, pilit niyang inintindi ang sitwasyon ng taong minamahal niya, sa lungkot at saya – alinsunod sa ipinangako niya rito sa harap ng altar.

Advertisement