Pinandidirihan Niya ang Kapatid na Embalsamador; Ito pala ang Ugat ng Tagumpay Niya Ngayon

Pinandidirihan Niya ang Kapatid na Embalsamador; Ito pala ang Ugat ng Tagumpay Niya Ngayon

FamilyInspiringStories

Pinandidirihan ni Daisy ang nakatatanda niyang kapatid na isang embalsamador. Kahit sino’ng magtanong sa kaniya, palagi niyang tinatanggi na ito ang kuya niyang araw-araw siyang hinahatid at sundo noong siya’y nasa elementarya. Hindi kasi katulad niyang nakapagtapos ng pag-aaral at may magandang buhay na ngayon, ito’y nagtatrabaho pa rin sa isang morgue at gipit sa pera. 

Tandang-tanda niya pa noong araw ng pagtatapos ng hayskul ng kapatid niyang ito. Wala sila ni sinaing noong araw na ‘yon dahil walang kinita sa pagtatalop ng tahong ang kanilang ina na baon na rin sa utang. Hindi niya lubusang makalimutan ang itsura ng kuya niya noon na mangiyakngiyak habang pinagmamasdan ang mga kaklaseng sabay-sabay na nagdiwang ng tagumpay sa isang mamahaling restawran. 

“Hayaan mo, bunso, sa araw ng pagtatapos mo sa isang taon, sisiguraduhin kong maipagdiriwang natin ang tagumpay mo,” sabi pa nito sa kaniya na talagang pinanghawakan niya. 

Ngunit paglipas ng isang taon, sa araw mismo ng pagtatapos niya ng hayskul, ni piso ay wala itong naibigay sa kaniya. Katriwan nito, wala raw kustomer ang pinagtatrababuhang nitong morgue na labis niyang ikinasama ng loob.

Simula noon, hindi na siya umasa sa kapatid niya at pinilit niyang makatungtong sa kolehiyo upang mas malaking oportunidad ang makuha niya pagkatapos niyang mag-aral. 

Hindi nga siya nagkamali dahil nasa unang taon pa lang siya ng kolehiyo, nagkaroon siya ng kaibigan na magaling sa palitan ng pera at investments. Iyon ang ginawa nilang negosyo hanggang sa makapag-ipon siya at makapagtapos ng pag-aaral gamit ang sariling pera. 

Pagkatapos na pagkatapos niyang mag-aral sa kolehiyo, agad na siyang bumili ng bahay at lupa na tinitirhan na nila ngayon ng kaniyang ina. Pilit man siyang pakiusapan nito na kupkupin din ang nakatatanda niyang kapatid na hanggang ngayo’y maliit pa rin ang kinikita, palagi niya lang sinisinghalan ang ina. 

“Kung mas pinili niya kasing mag-aral ng kolehiyo kaysa magtanggal ng mga lamang loob ng walang buhay na katawan, malamang mayaman na rin sana siya ngayon! Kaso, tamad kasi siya, eh! Kaya dapat lang sa kaniya ang buhay na kinahaharap niya ngayon! Kaya hiyang-hiya rin akong malaman ng ibang tao lalo na ng mga kasosyo ko sa trabaho na may ganoong klase akong kapatid!” sambit niya sa ina. 

“Anak, hindi tamad ang kuya mo. Sadyang hindi lang siya makasarili katulad mo,” malumanay na pahayag nito habang tinitiklop ang sandamakmak niyang damit na nakakalat. 

“Anong sabi mo? Makasarili ako? Kung ako makasarili, sana nandoon ka pa rin sa bulok na bahay natin kasama ang magaling mong anak!” sigaw niya rito na ikinabuntong-hininga nito. 

“Alam mo, kung alam ko na lolobo nang gan’yang kalaki ang ulo mo, hindi ko sana pinayagan ang kuya mo na tumigil sa pag-aaral at nagtrabaho para lang may pambayad sa tuition mo sa kolehiyo,” tugon nito na ikinakunot ng noo niya. 

“Anong sinasabi mo riyan? Baka nakakalimutan mo, mag-isa akong nagsikap para makapagtapos! Sarili kong pera ang ginagamit ko!” bulyaw niya pa sa ina. 

“Oo nga, ikaw ang tumaguyod sa pag-aaral mo. Pero ang dalawangpung libong piso na binayad mo sa paaralan bago ka makapag-aral, isang taong inipon ng kuya mo para sa’yo. Hindi ka man niya nalibre sa mamahaling restawran kagaya ng pangako niya, mas maganda naman ang naibigay niya. Siya ang dahilan kung bakit ka nakatungtong ng kolehiyo noong araw na ni pambili ng shampoo, wala ka,” tuloy-tuloy na sabi nito na ikinatigil niya, “Mas mabuti pa ngang doon ako sa lumang bahay tumira kaysa rito na kasama ang isang katulad mo,” dagdag pa nito saka pinaghahahagis sa kaniya ang mga damit na tinitiklop nito.

Doon siya biglang natauhan. Hindi niya mawari kung bakit biglang tumakbo sa utak niya ang mga sinabi ng kapatid niyang ito bago siya mag-enrol sa pangarap niyang paaralan. 

“Kapag naging sinuwerte ka, huwag mong kalimutang tumapak sa lupa, ha? Huwag sanang lumaki ang ulo mo dahil sa pera o tagumpay. Tandaan mo, mas maiging maging mabuti ka kaysa mayaman dahil ang mabuting tao ang siyang tunay na matagumpay,” nakangiti nitong sabi sa kaniya noon saka iniabot sa kaniya ang perang inipon mula sa pag-eembalsamo.

Dahil doon, biglang lumagapak ang kaniyang luha. Hindi niya lubos akalaing magagawa niyang pandirihan at itakwil ang taong naging ugat ng tagumpay na mayroon siya ngayon.

Kaya naman, bago pa siya mas lalong magsisi, agad niyang pinuntahan sa silid ang kaniyang ina. Sakto namang palabas na ito bitbit ang mga gamit, tila handa na talaga itong umalis sa puder niya. 

“Mama, sama ako sa’yo, kukuhanin natin si kuya at dito na tayo sama-samang maninirahan,” hikbi niya. 

“O, bakit biglang nag-iba ang takbo ng utak mo?” galit na tanong nito, imbis na sumagot, niyakap niya lang ito at sa balikat nito umiyak nang umiyak habang siya’y humihingi ng tawad. 

Nang siya’y mahimasmasan na, agad nga silang nagtungo sa dati nilang bahay. Naabutan nilang nagkakape ang kapatid niya habang nakatanaw sa kawalan. Dali-dali niya itong niyakap saka humingi ng tawad. 

“Naiintindihan kita, bunso,” tangi lang nitong wika saka siya mahigpit na niyakap. 

Simula noon, hindi na niya ikinahiya ang kapatid. Sinama niya na rin ito sa kaniyang bahay at doon ay pinakitunguhan niya ito nang maayos kahit isa pa rin itong embalsamador. 

Sa araw-araw nilang pag-uusap ng kapatid, siya’y naengganyo nitong magtayo ng sarili nilang punerarya at morgue na nagbigay sa kanilang dalawa ng mas malaking kita.

More Stories