
Kinagagalitan Niya Araw-araw ang Estudyanteng Palaging Huli sa Kaniyang Klase; Nakadudurog pala ng Puso ang Pinagdaraanan Nito
Agad na nag-iinit ang ulo ng gurong si Dominga sa tuwing may nahuhuling estudyante sa kaniyang klase. Ayaw na ayaw niya kasing maiistorbo ang kaniyang pagtuturo at mawala ang atensyon ng ibang mga estudyante sa leksyong tinuturo niya.
Kaya simula nang siya’y magturo sa isang pampublikong paaralan ng elementarya sa kanilang lalawigan, kabilin-bilinan niya sa mga magulang ng kaniyang mga estudyante na kung maaari ay magpunta sa kanilang silid-aralan bago ang takdang oras ng kanilang klase.
Kaya lang, sa araw-araw, hindi maiwasang may estudyanteng nahuhuli sa pagdating sa klase. Ang iba’y hinahatid ng kani-kanilang mga magulang at nagsasabing nahuli ng gising ang anak, may emergency na nangyari, naipit ng trapiko o kung ano pa mang dahilan na pinapalampas niya na lang kahit siya’y inis na inis na.
Pero ang isa niyang estudyanteng ni minsan ay hindi niya nakita ang magulang ang pinakanagpapainit sa ulo niya tuwing umaga dahilan upang hindi niya mapigilan ang sarili sa inis na nararamdaman.
Kung ang oras ng klase nila ay alas siyete ng umaga, dadating ito ng bandang alas otso ng umaga kung kailan kasagsagan ng kaniyang pagtatalakay ng leksyon kaya palagi niya itong nasesermunan at napipingot sa harap ng ibang estudyante.
Lalo pa siyang naiinis dito dahil sa tuwing tinatanong niya ito kung bakit ito palaging huli sa klase, lagi lang nitong sambit, “Pasensya na po kayo, ma’am, pangako po bukas hindi na po ako mahuhuli.”
Kahit pa nangako na ito sa kaniya, muli rin namang nauulit ang pagkahuli nito sa klase kaya isang araw, siya’y nagdesisyon na hindi na talaga ito tanggapin sa klase.
“Kapag talaga alas otso na naman dumating sa klase ko ang batang iyon, hindi lang pingot ang aabutin niya sa akin. Tatanggalin ko na talaga siya sa listahan ng mga estudyante ko! Nakakainis, araw-araw na lang niyang pinapataas ang dugo ko!” sabi niya sa sarili habang siya’y naglalakad patungo sa paaralan.
Ngunit sa hindi kalayuan, naagaw ng isang batang nagtitinda ng taho ang pansin niya. Tila kamukha nito ang estudyanteng kinaiinisan niya.
“Sa sobrang inis ko sa batang ‘yon, kahit saan, nakikita ko na siya!” inis niya pang sabi.
Kaya lang, nang lumapit pa siya sa batang iyon, doon niya napatunayan ito pala talaga ang estudyanteng kinaiinisan niya.
“Siyam na taong gulang palang siya, pero bakit nagbabanat na siya ng buto? Kaya pala siya nahuhuli sa klase ko,” awang-awa niyang sabi habang pinagmamasdan ang batang masayang nagtatakal ng taho para sa mga kapwa estudyanteng bumibili.
Doon niya napagtantong sa sobrang pag-iisip niya sa sariling kapakanan para lang huwag siyang maistorbo sa pagtuturo, hindi niya naisip na baka may problema ring nararanasan ang estudyante niyang ito.
“Dapat pala, magpasalamat pa ako dahil nakakapasok pa siya sa klase ko sa kabila ng pagod na nararanasan niya sa pagtitinda ng taho,” buntong-hininga niya saka tuluyan na siyang nagtungo sa paaralan.
Katulad ng inaasahan niya, saktong alas otso ng umaga dumating ang naturang bata. Halata sa mukha nito ang labis na pagkatakot sa kaniya at bago pa bumuka ang bibig niya, inilapit na nito sa kaniya ang tainga na tila ba handa na sa pingot na ibibigay niya.
“Hindi, hijo, ako ang pingutin mo. Hindi naging maunawain si Teacher Dominga. Pagpasensyahan mo na ako, ha, sarili ko lang ang iniisip ko. Pero gusto ko lang malaman, bakit hindi mo sinasabi sa akin na nagtitinda ka pala ng taho bago ka pumasok sa eskwela?” sabi niya rito saka pilit na nilagay ang maliit at magaspang nitong kamay sa tainga niya.
“Nahihiya po ako, teacher. Ayoko rin pong kaawaan ako ng iba kong kaklase dahil sa pagtitinda ko,” nakatungo nitong bulong sa kaniya saka hinimas ang tainga niya, “Naiintindihan ko naman po bakit kayo nagagalit kaya hindi ko po kayo kailangang pingutin,” dagdag pa nito na talagang nagpalambot ng puso niya.
Simula noon, mas pinalawak niya ang kaniyang pag-unawa sa tuwing may nahuhuli sa kaniyang klase. Bukod pa roon, kinilala niya rin ang pamilya ng batang nagtitinda ng taho at nang malaman niyang ama na lang nitong may sakit ang kasama nito, siya’y nagbibigay ng tulong dito linggo-linggo upang hindi mahuli sa klase ang bata.
Sa ganoong paraan, nakasiguro siyang nakabawi na siya sa estudyanteng halos araw-araw niyang sinesermunan at pinipingot para lamang magtanda.
Pinangako niya rin sa sariling hindi na siya magpapadala sa emosyon niya sa loob ng klase upang hindi maapektuhan ang kaniyang mga estudyante.
Sa mundong ito, walang pinipiling edad ang problema. Kaya mas maiging maging mapang-unawa kaysa makadagdag sa problemang kinakaharap nino man.