
Hindi Siya Sumuko sa Paghahanap sa Nawawalang Kakambal; Paano kaya Niya Ito Mahahanap Kung Nasa Loob na Siya ng Piitan?
Sumuko man ang kaniyang ina sa paghahanap sa nawawala niyang kakambal, hindi pa rin nagpatinag ang binatang si Epe sa paghahanap dahil pakiramdam niya, anumang oras ay muli niya itong makakasama.
Mahigit kumulang isang dekada na itong nawawala simula nang maanod ang buong bahay nila dahil sa isang bagyo. Sila’y parehong sampung taong gulang noon ng kaniyang kakambal. Siya ang sinuwerteng nahablot ng kaniyang ina upang mailigtas habang ang kakambal niya naman ang naanod palayo sa kanila.
“Eric! Eric! Eric! Kakambal ko!” tangi niyang sigaw noon bago tuluyang mawala sa paningin niya ang kapatid.
Simula noon, ni anino nito ay hindi na nila nakita kailan pa man. Nagawa na nilang mag-ina na humingi ng tulong sa mga kinauukulan pagkatapos na pagkatapos ng bagyong iyon ngunit hindi pa rin nila nakita ang kaniyang kakambal.
Dito na sumuko ang kaniyang ina at tinanggap na lang na wala na kaniyang kapatid ngunit dahil sa pakiramdam niyang buhay pa ito, kahit siya’y mangitim at tumanda na sa paghahanap, matiyaga niya pa ring sinuyod ang bawat lungsod na pupwede nitong mapuntahan na para sa kaniyang ina ay isa nang kabaliwan.
“Tigil-tigilan mo na ‘yang paghahanap mo sa taong wala na, ha? Nagsasayang ka lang ng oras at panahon! Kung ikaw naghahanap na lang ng trabaho upang may makain tayo, matutuwa pa ako sa’yo!” sambit nito nang makitang muli na naman siyang aalis.
“Mama, hindi ko po magawang makapagtrabaho dahil sa pangongonsenya at awang nararamdaman ko para sa kakambal ko. Tiyak, mas mahirap ang buhay na mayroon siya kaysa sa akin! May awa ang Diyos, mama, sigurado akong makikita ko pa siya!” giit niya saka sinuot ang luma niyang sapatos.
“Walang Diyos, Epe! Kung mayroon man, bakit nagkabuhol-buhol ang buhay natin, ha? Nawala ang kakambal mo, nawala ang bahay na pinag-ipunan ko! Kung hindi ka titigil d’yan, mawala ka na rin sa buhay ko!” sigaw nito na ikinadurog ng puso niya ngunit imbis na mapanghinaan ng loob, tinuloy niya pa rin ang pag-alis ng araw na iyon.
Habang siya’y nagbibisikleta patungo sa kabilang lungsod, bigla namang kumulo ang kaniyang tiyan. Sakto namang pagkapa niya sa kaniyang bulsa, lilimang piso na lang ang pera niya dahilan para maisip niyang bumili na lang ng tinapay pantawid sa gutom na nararamdaman niya.
Kaya lang, pagdating niya sa isang panaderya, halos lumuwa ang mata niya sa mahal ng mga tinapay na naroon. Ang pinakamurang tinapay ay nagkakahalaga ng otso pesos at dahil nga hindi na niya matiis ang gutom, kahit labag sa kalooban niya, nang hindi nakatingin ang tindera, kumuha na lang siya ng isang tinapay saka iniwan ang limang piso niyang barya.
Ngunit bago pa man siya tuluyang makaalis, napansin siya ng tindera at nagsisisigaw.
“Magnanakaw! May magnanakaw!” sigaw nito kaya naalarma ang mga drayber na nakahanay sa katabing toda at siya’y dinumog.
Sa sakit dulot ng pambubugb*g sa kaniya, siya’y nawalan ng malay. Nagising na lang siya nang siya’y ibalibag ng isa sa mga drayber sa loob ng isang selda.
“Teka lang po! Hindi naman po ako magnanakaw!” habol niya rito.
“Basta nandito ka na sa seldang ‘to, magnanakaw ka na,” sabat ng isang binatang nasa tabi niya.
“Ano? Hindi maaari! Kailangan kong makalaya rito! Hahanapin ko pa ang kapatid ko!” mangiyakngiyak niyang sigaw.
“Mukhang malabo na ‘yan. Ako nga magdadalawang taon na rito dahil lang sa paghihinala ng amo ko. Kahit wala talaga akong kasalanan, hindi ako dininig ng korte dahil gumawa ng kwento ang mga pulis para makakota sila,” kwento nito na ikinawala na niya ng pag-asa.
“Mukhang mapapatagal pa lalo bago ko mahanap ang kakambal ko,” bulong niya sa sarili.
“Eric nga pala, makakasigurado kang mapagkakatiwalaan mo ako. Kapag may nang-api sa’yo rito sa selda, isumbong mo lang sa akin,” sambit nito na biglang ikinagising ng diwa niya.
“E-eric? May kakambal ka ba?” uutal-utal niyang sabi habang kumakabog ang dibdib.
“Oo, kaso hindi ko alam kung buhay pa sila ng nanay ko,” tugon nito habang nagtataka sa mukha niyang mangiyakngiyak.
“Buhay pa kami,” tangi niyang sabi saka agad na niyakap ang binata.
Sa sobrang pagkabigla nito, masusi siya nitong tiningnan mula ulo hanggang paa at nang makumprima nitong magkakambal nga sila, ito pa ang unang yumakap sa kaniya.
“Kaya pala ang gaan ng loob ko sa’yo pagdating mo palang dito! Ang laki ng pinagbago mo, Epe, hindi kita nakilala agad!” iyak nito na ikinahagulgol niya rin.
“Pasensya ka na, natagalan ako sa paghahanap sa’yo. Sa kulungan lang pala kita makikita,” hikbi niya na ikinailing nito.
Siya’y nakiusap sa isa sa mga pulis doon upang papuntahin ang kanilang ina. Mabuti na lang at siya’y nakatagpo ng isang mabait na pulis dahilan para makapunta roon ang kanilang ina.
Hindi ito lubos makapaniwala na silang dalawa ay muli nang magkasama.
“Salamat sa Diyos! Hayaan niyo, gagawa ako ng paraan! Makakalaya kayo, mga anak ko!” iyak nito saka lumuhod at nagpapasalamat sa Maykapal.
Isang linggo lang ang lumipas, muling bumalik ang kanilang ina bitbit-bitbit ang perang pangpiyansa nilang dalawa.
“Pasensya na kayo, ha, hindi pupwedeng biglain ang pagkuha ng malaking halaga ng pera sa bangko, eh,” paliwanag nito na ikinapagtaka ni Epe.
“May pera po kayo sa bangko?” tanong niya.
“Ah, eh, oo. Lahat ng sinasahod ko sa trabaho, dinidiretso ko sa bangko para sana kapag nabuo kayo ulit dalawa, makakapagdiwang tayo,” kamot-ulo nitong sabi na ikinataba pareho ng kanilang puso.
Hindi man sila nakapagdiwang kagaya ng plano ng kanilang ina na umaasa pa rin palang mabubuo silang muli, masaya silang tatlong dumiretso sa simbahan upang magpasalamat.
Simula noon, hindi na sila muling naghiwalay ng kaniyang kakambal. Sabay silang nagtrabaho at tumulong sa kanilang ina na araw-araw na pinaramdam sa kanila ang tunay na pagmamahal.