Inday TrendingInday Trending
Kahit Anong Trabaho ay Kaniyang Pinapatos, Kahit Ikapahiya man Niya Iyon Basta Magkapera lang; Alang-Alang sa Pera ay Handa Siyang Lunukin ang Lahat

Kahit Anong Trabaho ay Kaniyang Pinapatos, Kahit Ikapahiya man Niya Iyon Basta Magkapera lang; Alang-Alang sa Pera ay Handa Siyang Lunukin ang Lahat

Hindi magkamayaw ang tawanan sa loob ng silid na iyon matapos isampal ng babaeng may kaarawan sa mukha ni Claire ang isang buong bilog na cake. Grabe ang naging tawanan ng mga bisita nito, habang hindi naman alam nina Kiarra at Rose ang kanilang gagawin kung paano siyang itatago sa kahihiyan.

Hindi maintindihan ni Claire kung ano ba ang dapat na ikatuwa ng mga bisita sa nangyari? Isa siyang waitress sa hotel na iyon at isa siya sa serbidora ng handaang yon. Kaya bakit nadamay siya sa kasiyahan ng mga ito?

“C-claire,” naiilang at nag-aatubiiling sambit ni Rose sa pangalan niya.

“You did a good job!” anang isang grupo ng kalalakihan matapos makabawi sa tawanan.

Good job? Good job ba ang mangbaon ng cake sa mukha ng taong walang alam sa nangyayari? Nagtatrabaho siya nang maayos at hindi niya alam kung bakit kailangang gawin iyon sa kaniya ng mga mayayamang kabataang ito na walang alam gawin sa buhay kung ‘di ang magwaldas ng pera sa pinaghirapan ng mga magulang nila.

Matuwid siyang tumayo at hinarap ang mga nagtatawanang kabataan. “At ano ang nakakatawa? Hindi ba’t nararapat lamang na humingi kayo ng paumanhin sa ginawa niyo sa’kin?”

Mataray na nagtaas ng kilay ang isang babae at humalukipkip na hinarap siya. “At bakit naman namin gagawin iyon?”

“Dahil nagkasala kayo. Mukha bang playtime ang ginagawa kong trabaho? Isa ako sa serbidora ng hotel na ito at hindi niyo ako guest, kaya bakit kailangan niyong dumihan ang mukha at uniporme ko? Paano na ako haharap sa iba pang bisita kung ganito na ako kadungis!” naiinis niyang litanya.

“Iyon naman talaga ang gusto naming mangyari, ang umalis ka’t hindi na makita, pokp*k,” maarteng wika ng isa pang babae.

“Aba’t bastos kang bata ka ah,” gigil na sambit ni Claire, na agad namang napigilan ng dalawang kasama.

“Totoo naman ang sinasabi namin ah! Nakita ka naming nakasuot ng bra at panty habang malaswang nagsasayaw sa loob kahon na hinugis regalo. Tandang-tanda ko iyon dahil iyon ang party na isinagawa ng tita ko para sa tito ko bago sila ikasal,” anang babaeng nagbaon sa mukha niya ng cake.

Hindi napigilan nina Rose at Kiarra ang mapasinghap sa rebelasyong inamin ng babae. Hindi alam ng dalawa ang sideline niyang iyon, maliban sa mga kapitbahay niyang tsismosa. Marami siya raket, at kahit anong trabaho pa iyan basta kikita ng pera ay kaniyang papatusin. Kahit maghubad pa siya sa harapan ng marami ay wala siyang pakialam!

“Isa kang pokp*k at hindi ka nababagay sa ganitong klaseng hotel!” segunda pa ng mga ito.

Napaka-isip bata niya kung papatulan pa niya ang mga batang ito. Ilang beses na ba siyang nilibak-libak sa barangay nila na pokp*k at hindi naman nya iyon pinatulan, ngayon pa ba? Wala naman siyang dapat patunayan sa mga anak mayayaman na hindi alam ang ibig sabihin ng pagbabanat ng buto.

Niyuko niya ang sarili saka pinagpag ang icing na natira sa mukha. Mag-e-early out na lamang siya. Tsk! Sayang naman ang mababawas na oras sa kaniyang sweldo, mga pasaway na kabataan kasi. Akmang tatalikod na siya nang hawakan ng isang binata ang kaniyang braso.

“Hindi pa tapos ang usapan, miss. Huwag kang bastos,” anito.

Talagang pinupuno ng mga ito ang kaniyang pasensya. Ayaw na nga niyang patulan pa ang mga ito kaya aalis na lang siya, pero gusto yata talaga ng mga itong makarinig ng sermon.

“Ano ba ang dapat nating pag-usapan? Hindi ba’t kaya niyo ito ginawa sa’kin ay dahil gusto niyo akong mawala sa paningin niyo?” taas kilay niyang sambit. “Kung sa tingin niyo ay hihingi ako ng pasensya sa inyo, pwes! Hindi iyon mangyayari.”

Matalim na tinitigan niya ang mga itong tila nasindak naman sa galit na nasa mukha niya.

“Mayayaman kayo kaya hindi niyo alam kung ano ang kayang gawin ng mga kagaya ko kumita lamang ng pera at iyon ang hindi niyo alam, dahil isinusubo lang naman sa inyo ang perang mayroon kayo. Kaya huwag kayong masyadong nagmamagaling sa buhay at kontrolin ang gusto niyong kontrolin! Dahil ito lang ang sasabihin ko sa inyong mga inutil kayo!” gigil niyang wika.

“Mawalan na ako ng dignidad, huwag lang mawalan ng maiinom na gamot ang mama ko! Tawagin niyo na akong pokp*k o kung ano-ano pa man. Wala akong pakialam! Dahil kailangan kong kumita ng pera, kailangan kong kumayod, para may makain ang pamilya ko! At hindi niyo alam ang ibig sabihin ng mga sinabi ko, dahil kayong lahat…” Turo niya isa-isa sa mga kabataang pinagtatawanan siya kanina. “Umaasa lang naman kayo sa pera ng mga magulang niyo!” aniya saka nagmartsa palayo sa mga ito.

Hindi na niya hinintay ang sagot ng mga ito. Una sa lahat, wala siyang kailangang patunayan kanino man. Kahit mapahiya siya ay wala siyang pakialam.

Aanhin niya ang hiya kung wala na silang kakainin? Aanhin niya ang hiya kung magiging delikado ang buhay ng mama niya dahil wala na siyang pambiling gamot nito? Aanhin niya ang sasabihin ng ibang tao? Sarili niya ang pinapahiya niya, hindi ibang tao. Pera ang kailangan niya, hindi ang opinyon ng kahit sino.

Advertisement