Inday TrendingInday Trending
Sa Kaniya Mismong Kaarawan ay Nalaman Niyang Pinagtataksilan Pala Siya ng Nobyo; Bakit sa Mismong Kababata pa Niya?

Sa Kaniya Mismong Kaarawan ay Nalaman Niyang Pinagtataksilan Pala Siya ng Nobyo; Bakit sa Mismong Kababata pa Niya?

Nanlaki ang mga mata ni Ayesha nang makitang magkasama ang nobyong si Ryuki at ang kababatang kaibigan na si Nicole, magkahawak kamay at tila kinakabahang humarap sa kaniya. Ang mas lalong nakakaalarma ay buntis ito! Sino ang ama?!

“Hindi ko alam, Nikx, na buntis ka pala,” aniya habang ang buong tingin ay nasa malaking umbok na tiyan ng kaibigan. Nikx ang tawag niya kay Nicole na noong limang taong gulang pa lang yata sila’y magkaibigan na silang dalawa. Ang lahat kay Nicole ay alam niya, alam niya kung paano nito punasan ang sipon na lumampas sa mukha at kung gaano kabaho ang uhog nito noong mga bata pa sila.

At malamang ay ganoon rin ang kaibigan, kaya labis siyang nagulat nang makita ito ngayong malaki na ang tiyan. Kailan pa ito nabuntis? Bakit wala siyang alam?

“A-ayesha,” anito.

Hindi niya alam kung ano ang nangyayari, pero bakit magkahawak kamay ang nobyo niya at ang kababatang kaibigan na para bang ang dalawa ang may relasyon.

“Patawarin mo ako, Ayesha,” ani Nicole at nagsimula ng umiyak habang humahakbang palapit sa kaniya. “Trinaydor kita, pero hindi ko ginusto ito,” dugtong nito.

Gusto niyang magsalita, ngunit hindi niya magawa. Nakanganga siya, pero walang anomang salita ang lumalabas sa kaniyang bibig. Naiintindihan niya ang ibig sabihin ng kaibigan, ngunit hindi niya kayang tanggapin.

“Si Ryuki ang ama ng anak ko, Ayesha. I’m sorry,” ani Nicole.

Hindi niya mapigilan ang pagsinghap nang malakas pati na rin ang mga taong naroroon at saksi sa nangyari. Alam ng lahat na siya at si Ryuki ay dalawang taon nang magkasintahan. Kung ama ito ng ipinagbubuntis ni Nicole, ibig sabihin ay matagal na siyang sinasaks*k ng dalawa sa likuran.

“P-paano mo nagawa sa’kin ito, Nikx?” nauutal niyang sambit, saka nilingon ang kinatatayuan ng walang-hiyang nobyo.

Sa dinami-dami ng babae sa mundo, bakit ang kababata pa niyang kaibigan ang pinatos nito? Bakit kailangan pa nitong tuhugin at pagsabungin silang dalawa? Bakit kailangan nitong sirain ang pagkakaibigan nila?

Umiiyak na tinitigan ni Ayesha ang matalik na kaibigan. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa mukha nito at sa malaking umbok nitong tiyan.

“Hindi ko lubos maisip, Nikx, na ikaw pa mismo ang sisira sa matagal na pinagsamahan natin. Bakit si Ryuki pa? ang dami namang ibang lalaki na pwede, bakit ‘yong nobyo ko pa, Nikx? Bakit kailangan mong sirain ang mayroon tayo, at kung anong mayroon kami?” aniya.

Hawak-hawak ang sumasakit na dibdib ay hindi niya mapigilan ang paghagulhol ng iyak. Kaya niyang tanggapin na hindi talaga si Ryuki ang lalaking para sa kniya at kaya niyang isipin na magsisimula na siyang masanay na wala na ito sa buhay niya. Ngunit hindi ang mawalan ng matalik na kaibigan na mula pa ng pagkabata ang tibay ng samahan nila.

“Sampalin mo ako, Ayesha, sampalin mo ako. Patawarin mo ako sa nagawa ko, patawad,” tumatangis na wika ni Nicole. Alam niyang darating ang kinakatakutan niyang araw na kasusuklaman siya ni Ayesha sa pagpiling mahalin ang nobyo nitong si Ryuki, pero ilang beses niyang pinigilan ang sariling damdamin, huwag lang mahalin ang lalaki. Pero baliw ang puso niya, at handa siyang tanggapin ang parusa sa kaniyang nagawang kasalanan.

Seryosong tumingin sa mukha ni Nicole si Ayesha at saka nagsalita.

“Salamat sa lahat-lahat, Nicole. Simula noong nagdesisyon kang traydurin ako, alam kong hinanda mo na rin ang sarili mo sa araw na ito. Ang sakit lang kasi… kapatid na ang turing ko sa’yo. Minahal kita na parang tunay kong kadugo, tapos ito lang pala ang makukuha kong ganti sa’yo.”

Tumigil siya sa pagsasalita at hinarap ang nobyong tahimik na umiiyak sa tabi.

“Alagaan mo si Nicole at ang magiging anak niyo. Iyon na lang ang pinakamalaking pambawing ibibigay mo sa’kin, matapos mo akong saktan at lokohin nang ganito, Ryuki,” aniya. Pigil ang pagluha.

Umiiyak na hinapit siya ni Ryuki at niyakap ng mahigpit. “I’m sorry Ayesha, I really do. Alam kong mahirap pa sa ngayon, pero sana dumating ang araw na mahanap mo ang pagpapatawad d’yan sa puso mo,” umiiyak na wika ni Ryuki.

Naglakad na papasok ng resort si Ayesha at hindi na sinubukang lingunin pa ang dalawa.

Darating din siguro ang araw na mapapatawad niya sina Ryuki at Nicole, pero hindi pa sa ngayon. Nasasaktan pa siya at labis na nabigla sa nangyari. Ang hirap isipin na nagawa siyang traydurin ng kaibigang mula pa pagkabata ay kilala na niya— at akala niya’y kilalang-kilala na niya talaga. Pero hindi pa pala.

Ang hirap na ulit makipagkaibigan, pero alam niyang hindi lahat ng kaibigan ay kagaya ni Nicole. Alam niyang hindi rin ginusto ni Nicole ang nangyari pero kahit na ano pa man ang dahilan nito’y hindi niya lubos maisip na nagawa siyang saktan nito at saks*kin sa likod.

Pinapalaya na niya ang dalawa, kasabay ng pagpapalaya niya sa sarili niya.

Advertisement