Napakamapili sa Lalaki ang Pintaserang Dalaga, Ito ang Napala Niya dahil sa Kaartehan Niya
“Hala! Paano ko naman papatulan yan, ang laki ng ilong!”
“Diyos ko! Magkano lang ang sinasahod. Kaya ba akong buhayin niyan?”
“Pandakekok! Baka duwende ang mga anak na ibigay niyan sa akin ha.”
Ilan lang iyan sa mga pintas ni Irene sa kanyang mga manliligaw. Susundan pa iyon ng mapang-uyam na halakhak. Napapailing na lang ang kanyang mga kaibigan. Napapahiya ang mga ito dahil madalas ay hindi pa nakakaalis ang mga lalaki at naririnig ang mga sinasabi ng babae.
Maganda si Irene at makinis ang kutis kaya nga ito ang pinaka-ligawin sa kanila. Pero nagtatago doon ang napakasama niyang ugali. Kung akala ng mga lalaki ay isang anghel, inosente at walang bahid ng kasamaan si Irene sa katawan, puwes, kabaligtaran ang katotohanan.
Lahat ng bagay ay napapansin niya. Kahit na tapat ang pag-ibig ng lalaki at maginoo ito ay pinapahiya niya dahil ang gusto niya, gwapo at mayaman. Masyado siyang ambisyosa. Wala siyang pakialam sa ‘feelings’ dahil di iyon totoo para sa kanya. Nakatatak na sa isip niya na napakaswerte ng lalaking makakabingwit sa kanya kaya pipiliin niyang mabuti iyon.
“Girls, kailangan mautak kayo no. Ano ang ipapakain sa inyo ng kabaitan? Respeto? Mabubusog ba kayo dyan? Dapat may kotse, dapat matalino…” paglilitanya niya pa, umaasang maiimpluwensyahan ang mga kaibigan niyang para sa kanya ay pawang ‘tanga’ na paiiralin ang puso kaysa sa utak.
“Paano naman Irene, kung mahal ka naman ng sobra at mahal mo siya, hindi pa ba sapat iyon? Tapos ay sabay niyo na lang tuparin ang buhay na pangarap mo.” sabi ni Leslie, ang isa sa mga barkada niya.
“Diyos mio Les, hindi mangyayari iyan. Hindi ako ang magulang niya para gabayan siya no! Tsaka di mangyayari na ‘mahal ako at mahal ko’ dahil di ko siya mamahalin hanggang wala akong mahihita sa kanya!” pagmamalaki niya.
Hindi na lang umimik si Leslie, ganoon rin ang iba pang nakikinig.
Makalipas ang ilang taon.
Nagkakasiyahan ang mga magkaka-klase dahil ngayon na lang sila muling nagkita, 20 years na ang nakalipas mula nang gumraduate sila sa college. Ang dami nang nangyari, ang ilan nga sa kanila ay marami nang anak.
Kumpleto ang barkada ni Irene. Naroon si Leslie, Anne at Mae. Mga kaklase rin nila ang napangasawa ni Anne at Mae samantalang nakilala naman sa trabaho nina Leslie at Irene ang asawa ng mga ito.
“Naku ha, Les. Minimum wage lang ang sinasahod ng mister mo? Ano ba yan.” komento ni Irene.
“Ayos na iyon. Mabait naman si Marc, at responsable siya. Bukod doon, mahal na mahal niya ang mga bata.” nakangiting sabi ni Leslie. Umirap naman si Irene.
Mabilis na lumipas ang oras at natapos na ang programa, oras na para umuwi. Unti-unting naubos ang tao, ang ilan ay may sarili nang sasakyan habang ang iba naman ay nag-commute lang. Magkatabi sa waiting shed sina Leslie at Irene. Hindi nagtagal, dumating na rin ang asawa ni Leslie, naglalakad lang ito at may dalang isang rosas. Base sa pananamit ng lalaki ay masasabing mahirap lang ang buhay ng mga ito, napaismid si Irene.
“Mahal, bakit naglakad ka lang?” nag aalalang sabi ni Leslie.
Hahaha! Napahiya siguro, nabuking kasi na naglalakad lang ang asawa. Baka walang pamasahe! Nakangising naiisip ni Irene.
“Ayos lang yan, makikita naman kita. Para sayo mahal.” sabi nito sabay abot kay Leslie ng rosas, halata namang kinilig ang babae dahil namula ang pisngi nito. Ayaw mang aminin ni Irene sa kanyang sarili ay tila ba nakaramdam siya ng konting inggit? Ni minsan yata ay di pa iyon nagagawa ng mister para sa kanya.
“Naku ka talaga. Mahal kaibigan ko pala, si Irene.” pakilala nito sa kanya. Bahagya lang siyang tinanguan ng lalaki at ibinalik na sa misis nito ang titig na punung-puno ng pagmamahal kahit lumipas na ang maraming taon.
“Mahal, naipagluto ko na pala ng hapunan ang mga bata para wala ka nang gagawin pag-uwi mo. Ang kuryente nabayaran ko na kanina. Naibabad ko na rin ang uniform ni Eulene, babanlawan na lang iyon bukas. Lika na?” masuyong sabi nito sa misis. Napangiti ang babae at umalis na ang dalawa. Naiwan si Irene na nakatulala.
Makalipas ang ilang minuto ay tumigil ang kotse ng asawa sa harapan niya, kusang pumasok si Irene sa loob dahil di naman sya pagbubuksan ng lalaki. Nakasimangot pa nga ito nang makita niya.
“Wala ka bang paa? Pasundo-sundo pa ‘to. May pera ka naman diba? Ang arte mo.” asik nito sa kanya. Hindi siya nakaimik. Kitang-kita niya ang pagkakaiba.
“Hoy! Ano? Drama-drama? Kumain na ako sa labas, pero gusto ko pa rin sumubo ng konti. Ipagsaing mo ako mamaya.” utos nito sa kanya habang nagda-drive. Habang binabaybay nila ang daan pauwi ay napaisip ang babae.
Nakuha nya ang buhay na pinapangarap pero hindi naman siya masaya. Tama si Leslie, hindi lahat ay tungkol sa pera.
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!