Nanghamak ng Ibang Bata ang Nanay dahil Walang-wala ang mga Ito sa Talino ng Kanyang Anak, Ito ang Naging Karma Niya

Dalawang taon na rin ang nakalipas nang lumipat dito sa Maynila sina Annalee. Magkakahiwalay man ng bahay ay nasa iisang compound lang sila ng kamag-anak ng kanyang asawa. Minana nila ang bahay na tinitirhan sa kanyang mga byenan.

Sa kabila ng kabaitan na pinapakita sa kanya ng pamilya ng kanyang mister ay sadyang may pag-iimbot pa ring nararamdaman si Annalee. Natural na yata sa kanya iyon, ang pagiging tsismosa at mapaggawa ng kwento. Ayaw na ayaw niyang nalalamangan. Mas gusto niyang siya ang bida at nakaka-tapak ng iba.

Masama ang kanyang ugali at inggitera. Lahat ng mayroon ang kapatid ng mister, dapat mayroon din siya. Pakiramdam niya laging may kompetensya. Hindi naman siya pinapansin ng kanyang hipag na si Bernadette. Mabait kasi ang babae at katwiran niya, ginagalang niya ang kanyang kuya kaya dapat ay galangin niya rin ang asawa nito kahit pa kasing itim ng duhat ang budhi nito.

May isang anak si Annalee, 8 taong gulang, si Aaron. Samantalang si Bernadette ay may dalawang anak, ang panganay ay kaedad ng panganay ni Annalee, 8 taong gulang rin, si Mark. Habang ang bunso niya ay 4 taong gulang, si Gelly.

“Very good ka, Aaron anak! A?! Ibig sabihin mataas ito! Ay, ang talino talaga ng anak ko!” nilakasan ni Annalee ang kanyang boses, narito siya ngayon sa terrace ng kanilang bahay at sinadya niyang iparinig sa lahat na matalino ang kanyang anak. Totoo naman kasi iyon. Sa magpipinsan ay ang anak niya ang naunang matutong magbasa.

“Yes, mommy. Sabi po ni teacher kapag lagi akong ganito ako po ang magiging top 1.” proud na sabi naman ng bata, itinaas pa ang test paper na resulta ng kanilang exam kanina.

“Dapat lang anak, kahit saan naman ikaw ang top 1. Ikaw ang pinakamatalino sa school pati sa pamilya natin. Tiyak ko paglaki mo ikaw ang makakatupad ng mga pangarap mo. Ang mga pinsan mo tiyak kong magiging bulakbol dahil mabababa ang grades ng mga yan. Baka tambay lang yan paglaki.”

Kung anu ano na ang pinagsasabi niya kahit na isang bata ang kanyang kausap at walang kaide-ideya sa mga pinagsasabi niya. Gayunpaman, malaking bagay iyon dahil itinatatak niya na sa murang isip nito kung anong klaseng tao ang dapat na kahinatnan nito. Kahit pa sabihin niyang tinuturuan niya ito ng ‘mabuting asal’ at palaging pinaaalalahanan, mas matimbang pa rin ang mga nakikita nito sa kanya.

Advertisement

‘Action speaks louder than words’ sabi nga ng iba.

Napapailing naman ang tiyahin ng kanyang mister na nakarinig sa litanya niya. Iba talaga ang ugali ng babae. Si Bernadette ay walang kaalam-alam na kung anu-ano na pala ang pinagsasabi ng hipag tungkol sa kanya at sa mga anak niya.

Makalipas ang ilang taon.

“Ma! May uwi ako sayo!” sabi ng binata, si Mark.

“Hay anak. Ayan ka na naman, sinabi nang wag uubusin ang pera sa akin. Sweldo mo yan eh, mag ipon ka.” sabi ng babae, bagaman nakangiti ito.

Napaka-sweet ni Mark sa kanyang nanay. Tuwing uuwi siya mula sa trabaho ay di niya nalilimutang dampian ng halik sa noo ang may edad na niyang nanay, tapos ay kukumustahin ang araw nito.

Para sa binata, malaki ang utang na loob niya sa babae, bukod sa pinag-aral siya nito at pinalaki, binuhay siya nito sa mundo. Kaya habangbuhay niyang pasasalamatan ang kanyang nanay.

“May ipon naman ako mama. Tsaka kaligayahan ko nang bilhan ka ng kung anu-ano. Tignan mo o, bagay sa’yo.” isinuot sa kanya ng binata ang isang perlas na kwintas. Napangiti naman si Bernadette, talagang napakabuti ng kanyang anak na si Mark. Ang kanyang bunsong si Gelly ay nag-aaral naman ngayon ng kursong nursing. Si Mark ang tumutustos sa pag-aaral ng kapatid.

Advertisement

Hindi ang anak niya ang pinakamatalino sa klase noong nag-aaral ito pero lumaking mabuti at responsable ang binata, at higit pa iyon sa kahit na anong karangalang maibibigay ng medalya.

Samantalang si Annalee naman na ipinagmamalaki ang anak na matalino, ay kunsumido naman ngayon sa binata. Dinaig niya pa ang may anim na supling sa dami ng kunsumisyong kinahaharap niya dahil dito. Matalino nga ito pero sa kasamaan naman ginamit iyon. Dahil rin masyadong niyang ini-spoil ay lumaking makasarili ang binata at hindi makatayo sa sariling paa. Hanggang ngayon ay pwersadong magtrabaho ang kanyang mister dahil ilang ulit nang bumalik sa college ang kanyang anak, puro kasi bulakbol.

“Ma, parang 200 lang dami mo nang sinasabi! Kung ayaw mo magbigay di wag mo! Hindi yung ang dami mo pang putak.” aburidong sabi ni Aaron.

Ang lahat ng pintas na pinagsasabi niya sa pamangkin ng asawa ay sa anak niya napunta. Ngayon niya naiisip ang kanyang nasabi, magsisi man siya pero huli niya. Kung ano ang puno, siya ring bunga. Masama ang kanyang ugali kaya ang anak niya ay lumaking katulad niya.