Kunsomisyon ang Aso ng Anak Para sa Tatay na Ito, Hindi Niya Alam ang Kayang Gawin ng Aso Para sa Pamilya Niya
“Ack!”
Pagpasok ni Roger sa loob ng bahay niya pagkauwi galing sa trabaho, kamalasan agad ang sumalubong sa kanya. Isang malambot na bagay ang naapakan niya, at napakabaho ng amoy.
“SAM! BAKIT HINDI MO PA NILILINIS ANG TAE NI ROVER!?”
Tumakbo pababa ang anak niyang si Samantha, fifteen years old. “Sorry, Papa. Gumagawa po ako ng assignment eh, di ko po alam na tumae pala siya.”
Sumimangot si Roger. “Tingin ko talaga, dapat ipamigay na natin ang asong yan.”
“Ayoko!” sigaw ni Sam. “Kaya kong alagaan si Rover, Pa!”
“Hindi ba parang pinapahirapan mo lang ang sarili mo dyan sa askal na yan?”
Mukhang nakaramdam yung aso dahil bigla itong pumasok sa sala mula sa kusina, at lumapit agad kay Sam. Niyakap ito ni Sam habang dinidilaan ni Rover ang mukha niya. Dumiretso na si Roger sa kusina para magluto at hinayaan si Sam na makipaglaro kay Rover at linisin ang sala.
Bago matulog, kinamusta ni Roger ang anak niya. Kinatok niya ang pinto ng kwarto nito.
“Ano po yon?” sagot ni Sam.
“Anak, pakibukas naman ang pinto.”
Sinunod ni Sam ang tatay. “Ano po yun Pa?”
“Ah, anak…” sinubukan ni Roger na ngumiti. “Gusto ko lang magsorry dun sa away natin kanina. Alam kong kayang-kaya mong alagaan si Rover, at busy ka lang talaga kanina.”
Tumango si Sam. “Opo, Pa. Kaya sana po wag niyo siyang ilayo sa akin. Siya nalang ang…” Napatigil si Sam, mukhang lumunok, at nagpatuloy sa pagsasalita. “Siya nalang ang lagi kong nakakasama mula nung mawala si Mama.”
Walong buwan na mula nang mamatay sa cancer ang Mama ni Sam. Naalala ni Roger ang huling sinabi ng asawa bago ito lumipas nang tuluyan.
“Lagi niyong aalagaan ang isa’t isa. Kayo nalang ang magkakampi,” sabi nito bago pumikit. Hindi na siya dumilat pang muli.
Parang may pumisil sa puso ni Roger nang maalala niya. Niyakap niya ang anak at bumalik sa sariling kuwarto. Hindi niya inasahang makakatulog siya agad pero, dahil siguro sa pagod, mabilis siyang nahimbing.
“Aw, awOOOOO! AWOOOOOOOO!”
Napabalikwas ng bangon si Roger. “Ano ba yun!?” Tinignan niya ang oras. Alas-dos pa lang ng madaling araw.
“Aw-awOOOOOOOO!”
“Argh, ROVER!” Lumabas si Roger ng kwarto at pinuntahan ang aso. Nakaupo ito sa may pintuan at may inuungulan. “Ang kulit-kulit mong aso ka ah!”
Hinanap ni Roger ang tali ni Rover at dinala ito sa labas ng bahay. Doon niya ito tinali. “Ayan, dito ka mag-ingay! Gisingin mo mga kapitbahay natin!”
Pero sa halip na umuungol ay nagsimulang umiyak si Rover at hinila-hila ang tali nito.
“Hindi, bukas na kita papapasukin.” Bumalik sa loob ng bahay si Roger at natulog.
Pagdating ng alas-siyete, sa halip na gisingin ng alarm ay boses ng anak ang gumising kay Roger.
“PAPA!”
Bumaba si Roger para malaman kung ano ang pinanggalingan ng komosyon at nakita niyang pinasok na ni Sam ang alaga. “Papa, ikaw ba ang naglabas kay Rover?” tanong nito.
“Oo, ungol kasi nang ungol yan kagabi.” Nagsimula nang maghanda ng almusal si Roger. “Nag-almusal ka na ba?”
Hindi pinansin ni Sam ang tanong ng tatay. “Pa, nalimutan mo siyang bigyan ng pagkain at tubig!” sabi nito.
“Ilang oras lang naman eh.”
“Kahit na!” Niyakap-yakap ni Sam ang aso at tinignan ng masama ang tatay bago ito padabog na umalis ng bahay para pumasok sa school.
Napabuntung-hininga si Roger at tinitigan si Rover. “Alam mo, kasalanan mo ‘to eh. Bakit kasi dito ka pa sa tapat ng bahay namin natulog nung araw na galing kami sa ospital? Pambihira, at halos parehas pa talaga tayo ng pangalan kaya di kita ma-mura.”
Tinapos na ni Roger ang almusal, pagligo at paghanda para sa trabaho. Habang paalis, nilabas niya na rin uli si Rover. Hindi na niya kinalimutan ang tubig ngayon (pero nalimutan niyang mag-iwan ng pagkain).
Malungkot siyang tinitigan ng aso habang naglalakad siya palayo.
Mga alas-dos ng hapon. Iniisip ni Roger na mabuti na lang malapit lang ang tirahan niya sa trabaho niya, ibig sabihin sobrang bihira lang siyang ma-late. Gamuntik pa kanina, kasi kinailangan pa niyang palabasin uli at bigyan ng inumin ng aso. “Hay, kunsumisyon!” bulong ni Roger.
Habang nag-aayos ng laman ng ilang shelves sa convenience store ay may bigla siyang napansin na kumikiskis sa pintong salamin.
“R-Rover!?” Kinakalmot ng aso ang pintuang salamin at mukhang umiiyak din ito. Lumabas si Roger. “Anong ginagawa mo dito, paano ka nakawala? Uwi! SHOO!”
Pero hindi tumigil si Rover at sa halip ay sinimulang kagatin at hilain ang pantalon ni Roger.
“Ano ba yan!? Nababaliw ka na bang aso ka?” Sinipa-sipa ito ni Roger. Umiyak ang aso pero hindi pa rin ito tumigil, kaya wala nang nagawa si Roger kundi magpaalam sa guwardiya at kasamahan na iuuwi niya muna ang aso.
Pero sa halip na umalma ay tila doon nga siya gustong papuntahin ni Rover. Nauna pa ito habang tumatahol.
At nang makarating sila sa kalsada nila, naintindihan na ni Roger ang gusto iparating ni Rover.
May malaking apoy sa bandang harapan ng bahay, sa may pintuan sa harap. Agad na nilabas ni Roger ang cellphone para tawagan sana ang bumbero hindi niya inasahan ang isang kataku-takot na text sa kanya.
Papa, half day lang school. Uwi muna me para matulog.
N-nasa loob si Sam!?
Ito… ito siguro ang gustong ipahiwatig ni Rover, isip ni Roger. At pagkatapos tawagan ang bumbero, pumunta si Roger sa pintuan as likod ng bahay. Habang tinatakpan ang ilong, pumunta siya sa kuwarto ng anak at binuksan ito. Tulog pa rin si Sam, kaya ginising niya. Nakalabas sila nang walang problema maliban sa kaunting nahingang usok.
Dumating na rin ang mga bumbero. Habang nasa gilid lang ang umiiyak na si Sam, tinititigan ni Roger ang alaga.
Dahil kay Rover, nagawang iligtas ni Roger si Sam.
Ngumiti si Roger at hinawakan ang aso. “Sige… dito ka lang sa bahay. Bayani ka.”