Sa Kagustuhan ng Ama na Maibigay ang Lahat ng Hiling ng Anak na Maluho ay Buhay Niya ang Naging Kapalit
Inaabot ng alas-dose ng gabi si Delfin sa pamamasada ng jeep. Kailangan niyang kumayod dahil malapit nang makapagtapos sa hayskul ang anak na si Riza at gusto nitong mag-aral sa pribadong paaralan sa kolehiyo. Mahirap mang makalikom ng pang matrikula ay sinisikap niyang maibigay ang nais ng anak.
Maliban sa graduation ay papalapit na din ang huling JS prom ni Riza, nais rin nitong bumili ng magarang damit at sapatos para dito.
“Anak, hindi ko na alam kung saan pa ako kukuha ng pera para sa iyong damit at sapatos. Baka naman pwedeng yung simple na lamang ang isuot mo, maganda ka naman at hindi na kailangan pa ng magarang kasuotan.” wika niya
“Huling prom ko na ito! Siyempre gusto ko na maging maayos at maganda ako. Hindi mo ba akong pagbigyan man lang?” sagot naman ni Riza
Wala ng nagawa si Delfin kundi bigyan ng malaking pera ang anak upang may maipangbili ito ng mga nais. Dumating nga ang araw ng prom at nais niya sanang ihatid ito ngunit tinanggihan ito ng anak.
“Ayoko nga diyan sa jeep! Ang ganda ganda ng suot ko tapos makikita ng mga kaeskwela ko na diyan ako bababa? Bigyan mo nalang ako ng pera pang taxi.”
Naisip ni Delfin na may punto din naman ang anak at binigyan ito ng perang pambaon. Nanghingi pa ito ng dagdag dahil magtataxi ulit siya pauwi. Naging masaya ang gabing iyon para kay Riza, buong gabi siyang nakipag sayawan sa kaniyang mga kaibigan habang ang ama ay walang tigil sa pagpasada.
Dumaan ang graduation at bakasyon na tlaga namang sinulit niya ito. Nakapag-enroll na rin siya sa paaralang kanyang nais, ngayon ay oras naman para mamili ng kanyang mga gamit sa pagpasok.
“Kulang pa to ‘tay, anong klaseng bag ang mabibili ko dito? Kailangan ko din ng bagong sapatos, aba mga mayayaman ata yung magiging kaklase ko, dapat ay ganun din ang gamit ko.” ang sagot ni Riza sa ama matapos siyang bigyan nito ng pera.
“Kailangan mo ba tlaga ng mga mahal na gamit anak? Kakaunti kasi ang kita ko sa pasada kahapon, walang masyadong pasahero, hayaan mo at bukas ay dadagdagan ko na lamang iyan.” sagot naman ni Delfin.
“At tiyaka ang baon ko ‘tay ha, hindi na pwede yung kagaya ng dati, kailangan kong masabayan ang mga uso ngayon kundi magiging kawawa ako sa paaralan.”
Napailing na lamang si Delfin at sinagot ito ng, “Hindi ko maipapangako ang lahat ng iyan sa iyo anak, pero magsusumikap akong mabilan ka ng mga bagay na talagang kakailanganin mo sa eskwela.”
Naiinis man sa ama ay tinanggap na niya ang kaunting perang inabot nito at bumili na lamang muna ng mga ballpen, bagong notebook, papel, at ilan pang gamit sa eskwela.
Samantala, Habang nanananghalian si Delfin kasama ang iba pang mga drayber ay bigla itong nakaramdam ng pagkahilo. Napahawak si Delfin sa katabi at agad na bumagsak sa sahig.
Lingid sa kaalaman ni Riza ay ilang araw ng masama ang pakiramdam ng kaniyang ama, paminsan ay nilalagnat na din ito ngunit tumutuloy pa din sa pagpasada, hindi niya nabibili ang mga resetang gamot dahil halos nauubos na sa anak ang kaniyang pera.
“Delfin, sabi ko naman sa’yo ay magpahinga ka muna ng ilang araw bago pumasada, yung mga gamot ba na nireseta sa’yo naiinom mo ba?” tanong ng doktora.
“Hindi kasi ako maaring huminto doktora, napakamahal ng matrikula ni Riza, at wala din kaming ibang pagkukunan ng pera, pinagiipunan ko pa ang kaniyang mga libro at uniporme. Hindi ko nga rin nabibili lahat ng gamot ko at kinakapos na talaga ako.” pahayag ni Delfin
Hindi niya sinunod ang payo ng doktor at nang makaramdam ng kaunting ginhawa ay bumalik na agad sa pamamasada. Ilang araw na naging maayos ang kaniyang pakiramdam hanggang sa isang gabi ay nagbago ang lahat.
Nagmamaneho na siya pauwi at dumaan sa madilim na kalsada, pilit sinisipat ni Delfin ang kalsada ngunit masyadong madilim at namumungay na rin ang kaniyang mata dahil sa pagod, ilang sandali pa at tuluyan na siyang nahilo, dumilim pa lalo ang kaniyang paligid at tila ba nawawalan na siya ng kontrol sa manibela, nilalabanan ni Delfin ang panghihinang nararamdaman at sa isang iglap ay sumalpok na siya sa isang poste.
Dinala siya sa ospital ngunit hindi na siya naisalba, matagal din kasi ang oras na lumipas bago may nakakita at sumaklolo sa kaniya.
Ibinalita nila ito agad sa anak niyang si Riza na nasa bahay.
“Riza, isinugod namin siya sa ospital ngunit hindi na siya naisalba, masyado raw madaming dugo ang nawala sa kaniya. Ang sabi ng doktor ay matagal na niyang pnagpapahinga ang tatay mo, ngunit ayaw nitong makinig, nung isang araw lamang ay nawalan na siya ng malay, pero bumalik siya agad sa pamamasada, dala siguro ng pagod kaya hindi na niya nagawang magmaneho ng maayos.” balita ng isang drayber na tumulong kay Delfin.
Inabot ng drayber kay riza ang isang kahon na natagpuan sa jeep ni Delfin. Sa loob noon ay nakalagay ang tatlong envelope na may nakasulat, “para sa matrikula”, “pambili ng libro”, at ang panghuli “bag at sapatos ni Riza.”
Nanlumo si Riza sa narinig at tila ba naging blangko ang kaniyang paligid, wala siyang kaalam-alam sa iniinda nitong sakit, sa pagnanais ng kaniyang ama na maibigay ang kaniyang mga hiling ay hindi na ito halos nagpapahinga sa pagpasada. Ngayon ay huli na ang lahat at hindi na niya magagawa pang humingi ng tawad sa ama.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!