Inday TrendingInday Trending
Napakabilis Na-Karma ang Babaeng Walang Kasing Yabang nang Dapuan Siya ng Karamdaman

Napakabilis Na-Karma ang Babaeng Walang Kasing Yabang nang Dapuan Siya ng Karamdaman

Mag–isang taon pa lang sa pinapasukang kumpanya si Ara. Matalino siya kaya naman agad siyang natanggap rito. Puring puri siya ng kanyang boss dahil mabilis niyang natatapos anuman ang iutos nito, kaya lamang ay walang masyadong kaibigan ang babae. Sa loob ng ilang buwang pagtatrabaho ay wala pa siyang nakagaanan ng loob. Mayabang kasi siya at masyado nang mataas ang tingin sa sarili. Mahilig rin siyang mang-mata ng mga kasamahan na hindi masyadong magaling.

Kibit balikat lamang siya sa katotohanang iyon. Katwiran niya’y hindi naman kawalan kung walang may gustong makipagkaibigan sa kanya. Pumasok siya sa kumpanya upang magkapera at hindi para magkaroon ng maraming kaibigan. Magalit man sa kanya ang lahat, su-sweldo pa rin naman siya. Baka nga ma-promote siya. Sigurado naman siyang inggit lang ang iba sa kanya kaya maraming sinasabi.

“Nika, tara na lunch.” pagyayaya ng isang kasamahan niya sa kanyang katabi. Agad namang tumayo ang babae at lumabas na ang mga ito. Naiwang mag-isa si Ara, walang nagyayaya. Hmm! Pakialam ko ba sa kanila, mamaya magpalibre pa, o manghingi ng ulam ko. Tsaka wala naman akong matututunan sa mga yan, taas noong sabi niya sa sarili.

Matapos ang lunch ay bumalik na sa table niya si Ara at nagsimula nang magtrabaho. Narinig niyang nag-uusap ang mga officemates.

“Uy, kawawa naman si Len ano. Na-dengue raw, dalawin kaya natin? Ang balita ko maliit pa raw ang anak noon eh. Siguro magpaikot tayo ng envelope dito sa kumpanya sabihin natin kay Ma’am, para makahingi ng konting pondo bilang tulong kay Len.” sabi ng mga ito.

Ahh, oo nga pala. Na-dengue ang isang kasamahan nila, wala naman kasi siyang masyadong pakialam kaya di niya na inintindi iyon. Aanhin niya naman ang kaibigan, nasa kanya naman ang promotion at papuri ng boss. Ni hindi siya nakaramdam ng pagkaawa at ni hindi naghulog ng kahit na konting barya bilang tulong sa kasamahang may sakit.

Pinwersang mabuti ni Ara ang katawan. Kahit pag uwi sa bahay ay nakatutok sya sa kanyang laptop at nagtatrabaho. Hindi niya iningatan ang kanyang kalusugan kaya bumigay ang kanyang katawan, ang alam niya lang ay pagkasakit-sakit ng kanyang ulo at namalayan nalang niya ang sarili na nasa ospital. Hindi niya masyadong naintindihan ang sinasabi ng doktor. Basta parang narinig niya lang na kailangan raw niyang magpahinga sa loob ng dalawang linggo.

Sa mga panahong iyon, wala man lang dumalaw sa kanya sa bahay. Isang araw ay nakatanggap siya ng tawag sa kanyang boss. Excited siyang sagutin iyon. Ayaw man niyang aminin sa sarili ay kay ligaya pala sa dibdib ng pakiramdam na may nakakaalala.

“Ma’am, buti po napatawag kayo. Medyo umo-okay napo ang pakiramdam ko—” masiglang sabi niya pero pinutol iyon ng boss niya sa kabilang linya.

“Look, maganda yan na okay ka na. Kaya lang I’m sorry, sa iba ko na in-assign ang mga task na nakatoka sa’yo. Project based kasi tayo, alam mo naman yan diba? May kontrata tayong sinusunod. Pasensya ka na, matagal masyado ang two weeks at di makakapaghintay ang mga projects sa’yo. It was nice working with you Ara. I-claim mo na lang sa HR ang tseke ng backpay mo kung sakaling gusto mong umalis. Salamat.” iyon lang at ibinaba na nito ang tawag, ni hindi man lang siya hinintay makapagsalita.

Natulala ang babae, ‘Kung gusto mong umalis’. Paulit ulit na nag e-echo iyon sa utak niya, at ni hindi man lang pala siya pipigilan ng korporasyong kay tagal niyang pinag-alayan ng hirap at pawis. Matapos ang lahat ng ginawa niya sa kumpanya ay parang basura lang siya na itinapon nito nang sandaling mawalan siya ng silbi. Umiiyak pa rin siya sa kanyang kwarto nang pumasok ang kanyang ina.

“Anak, may mga bisita ka.” sabi nito. Gulat man ay nag-ayos ang babae at bumaba, di niya akalaing madaratnan doon ang mga officemates.

“Kumusta ka na Ara? P-pasensya ka na, ngayon lang kami nakadalaw kasi ay dinidikdik kami sa opisina ni Ma’am, napakaraming ipinapagawa.” sabi ng mga ito na tila tinatantya pa kung natutuwa ba siyang makita ang mga ito.

“S-salamat! Salamat sa pagpunta nyo!” napaiyak na sabi niya. Kahit anong kayabangan at kasamaan ang ipinakita niya sa mga ito noon ay heto at dinalaw pa rin siya. Di pa rin siya kinalimutan.

Walang katumbas na salapi o tagumpay ang kaligayahang maibibigay ng mga taong nagmamahal sa atin. Ang trabaho, mahal lamang tayo habang may pakinabang pa sa atin pero pag wala na tayong silbi ay hahanap na ito ng kapalit. Pero ang pamilya at mga kaibigan, laging nariyan kahit meron man tayo o wala.

Dahil matalino naman si Ara ay agad siyang nakahanap ng bagong trabaho, ngayon ay mas naging masaya na siya dahil natuto na siyang makisama.

Advertisement