Inday TrendingInday Trending
Hindi Ikinakahiya ng Magandang Dalagang Magtinda sa Palengke Upang Makatulong sa mga Magulang, Dito Pala Siya Makakatagpo ng Pag-ibig

Hindi Ikinakahiya ng Magandang Dalagang Magtinda sa Palengke Upang Makatulong sa mga Magulang, Dito Pala Siya Makakatagpo ng Pag-ibig

Kaga-graduate lang ni Maya sa kolehiyo. Habang naghahanap siya ng trabaho ay napagdesisyunan niyang tumulong muna sa kanyang nanay sa pagbebenta ng longganisa sa pwesto nito sa palengke. Alas tres palang ng madaling araw ay gising na silang mag ina, nag aayos na ng kanilang mga paninda.

“Nak, sabi ko naman sayo dito ka nalang muna sa bahay. Kaya naman namin ng tatay mo. Pahinga ka muna,” panimula ng kanyang ina habang humihigop ng kape.

Si Maya naman ay abala na sa pagtatali ng mga longganisa. Mabuti na iyong magsimula ng maaga para wala nang gagawin mamaya. Tutal ay natimplahan na naman ng nanay niya ang mga paninda.

“Nay naman. Pwede ba iyon? Ayoko ngang maging pabigat sa inyo ng tatay. Ang tagal nyo akong pinag-aral tapos hanggang ngayon ba naman na tapos na ako, hirap pa rin ang isusukli ko sa inyo? Ayoko.” sagot niya naman sa ginang.

“Huy! Ano’ng pabigat ka dyan! Baby ka namin ng tatay mo, ano? Tsaka hindi ka naman namin pinag aral para lang magantihan mo rin. Makita lang naming nasa ayos ang buhay mo ay parang nasuklian na rin ang hirap at sakripisyo namin ng tatay mo.”

“Si nanay, aga-aga eh dramarama sa hapon ang eksena! Hahaha! Hayaan mo na ako, naghihintay pa naman ako ng tawag ng mga ina-applyan ko.” sabi niya rito at kumindat pa. Inilagay na niya ang mga naitaling longganisa sa timba. Maya-maya lang ay susunduin na sila ng kanyang ama at ihahatid sa palengke bago ito mamasada ng jeep.

Mabilis umandar ang oras, tanghali na ay matumal pa rin ang benta nina Maya. Palibhasa ay malapit na ang holy week kaya pawang isda ang binibili ng mga tao, iwas sa karne.

Nagbubugaw ng langaw si Maya nang mapansin niya ang isang binata sa kanyang harap, mestizo at… hay, gwapo!

Matangkad ito, halata sa kasuotan na hindi sanay sa ganitong lugar.

Kanina pa ba ‘to rito? Ay Diyos ko, ang oily ng mukha ko! sigaw ng isip ni Maya.

“Sir? Bibili po?” pukaw niya sa atensyon nito. Tila nagising naman sa pananaginip ang lalaki at napapitlag ito. Natulala rin sa kagandahan niya! Hindi sa pagmamalaki pero, sa edad na 21 ay talaga namang dalagang-dalaga na si Maya.

Medyo bilugan ang mga mata at may mahahabang pilik, maliit ang kanyang ilong na ang tangos ay bumagay lang sa maliit niya ring mukha. Morena siya at mabintog ang mga labi. Hanggang balikat ang buhok, hindi ganoon ka-tuwid. Sadyang bagsak, at di pa nakararanas ng kung anu-anong kemikal sa mga parlor, matipid kasi siya at nahihiya sa magulang na humingi ng pera para lamang sa treatment ng buhok.

“Ah, oo. Bibili,” sabi nito.

“Ilan po?” tinatago niya ang kilig.

“Lahat…” bulong nito.

Di naman makapaniwala si Maya. Halos 4,500 pesos lahat! Baka nabibigla ito, sino naman ang kakain ng ganoon karaming longganisa?!

“Ilang kilo sir?” ulit niya.

“Lahat.” nabawi na nito ang sarili at naroon na sa mukha ang pilyo pero cute na ngiti.

Sinabi niya ang presyo, di man lang nabigla ito at naglabas ng pera. Pagkaabot noon sa kanya ay bumulong pa ito.

“Clay, ako si Clay..” sabay kindat.

Di pinansin ni Maya iyon. Naging madalas ang pagbili ni Clay sa kanila, tuwing Miyerkules.. hanggang naging araw araw na. Minsan bumibili ito ng isang kilo, minsan ay pinapakyaw. Basta hindi ito pumapalya.

Nalaman niyang Clemencio pala ang tunay nitong pangalan, nahihiya pa ang lalaki na aminin iyon sa kanya. Di nagtagal ay naging magkaibigan sila, tapos ay niligawan siya ng lalaki.

Mabait, may respeto ito at disente. Bonus nalang ang pagiging gwapo kaya naman sinagot niya rin ito. Makalipas ang anim na taong relasyon ay pumayag na rin siyang pakasal sa lalaki. Nakatulong na siya sa magulang at nabigyan na ang mga ito ng magandang bahay.

Nasa reception na sila ng kanilang kasal nang maisipang itanong ni Maya ang matagal nang naglalaro sa isipan niya.

“Ano palang ginagawa mo sa palengke nung araw na nagkita tayo?” tanong niya sa mister, na noo’y walang ibang ginawa kundi ang titigan siya. Katulad noong unang beses silang nagkita.

“Hindi ko alam. Nahirapan akong idaan ang kotse doon kasi maraming tao. Nakatigil pa ako nang matanaw kita. Bumaba ako sa sasakyan pero di ko naman alam ano ang sasabihin sayo!” natatawang sabi nito.

“At… ang dami mong binili na longganisa.. saan mo dinadala?” tanong niyang muli.

“Pinamigay ko. At nasasarapan din si mom sa timpla ng mama mo,” tipid na sagot nito.

“Ibig sabihin, sa dami ng… sa dami ng binibili mo, di mo man lang tinitikman?” magtatampo na si Maya nang sumabad ang biyenan niyang babae.

“Anak, allergic siya sa longganisa. Bumibili lang siya para makita ka.”

Gulat na napasulyap si Maya sa asawa nya na noo’y pulang pula sa pagkapahiya dahil nabuking ang sikreto nito.

Hinalikan niya nalang sa sobrang kilig si Clay.

Hay, pag ibig!

Advertisement