
Ipinagpalit ng Misis ang Masaganang Buhay para sa Mas Batang Lalaki; Ito Pala ang Naghihintay na Buhay sa Kaniya
“Claire, balita ko nakuha raw ng asawa mo ang deal para sa gagawing resort ng mga Fontera. Ibang klase talaga ang asawa mo! Napakagaling niya. Tiyak akong may bago ka na namang alahas o mamahaling bag niyan!” kantiyaw sa mayamang ginang ng kaniyang kumareng si Donna.
“Aanhin ko naman ang mga mamahaling regalo na ‘yun kung hindi ko naman siya nakakasama. Parang wala siyang asawa. Madalas pa nga siyang nasa opisina kaysa nasa bahay. Napakadalang na lang naming magkita!” reklamo naman ni Claire.
“Unawain mo na lang ang asawa mo, mars. Kung katulad lang ng asawa mong si Ross ang asawa ko’y lahat ng suporta at pagmamahal ko ay ibubuhos ko sa kaniya! Kaso naman tamad! Ako nga ang naghahanap buhay sa amin. Maswerte ka nga at ginagawa ng asawa mo ang lahat para magkaroon kayo ng maginhawang buhay,” dagdag pa ng kaibigan.
Ngunit para kay Claire ay hindi sapat ang bagay na ito. Walong taon ang tanda ng inhinyerong si Ross sa kaniya. Buhat nang ikasal ang dalawa ay wala pang pagkakataon na nagsama sila nang matagal dahil lagi ngang abala sa trabaho itong si Ross. Bagong tayo lang kasi ang kaniyang kompanya kaya kailangan niya itong tutukan.
Pag-uwi ni Claire ay tumambad sa kaniya ang mga bulaklak at isang mamahaling bag at alahas. Ngunit hindi man lang natuwa si Claire sapagkat wala roon ang kaniyang mister.
“Pina-set up po ni Sir Ross ang lahat ng iyan para supresahin kayo, ma’am. Dapat po ay narito na siya kaso bigla raw po siyang tinawagan ni Mr. Fontera,” wika ng kasambahay.
Maya-maya ay tumawag ang mister kay Claire.
“Nagustuhan mo ba ang lahat ng binili ko para sa iyo? Umpisa pa lang ‘yan, mahal. Kaunti na lang at matutupad ko na ang pangako ko sa iyong magandang buhay! O siya, mamaya na lang tayo mag-usap. Sandali na lang itong meeting namin ni Mr. Fontera at uuwi na rin ako,” masayang sambit ni Ross sa misis.
Hindi man lamang nilapitan o hinawakan ni Claire ang mga regalo ni Ross sa kaniya. Dumeretso siya sa kaniyang silid upang gumayak.
“Aalis kami ng mga kaibigan ko, manang. Pakisabi kay Ross. Saka na lang kami magkita kung kaya na niya akong gawing prayoridad,” saad pa ni Claire.
Ayaw mang paalisin ng kasambahay ang kaniyang amo ay wala itong nagawa.
Nang gabing iyon ay nagpunta mag-isa sa bar itong si Claire upang magtanggal ng sama ng loob sa asawa.
Habang umiinom ay isang binata ang lumapit sa kaniya.
“Napansin ko na parang malungkot ka kaya hindi ko naiwasang lapitan ka. Baka kailangan mo ng kasama,” saad ng binatang si Francis.
Hindi naman pinapansin ni Claire ang binata. Patuloy lamang ito sa pag-inom kaya napilitan rin si Francis na umalis na lang.
Hatinggabi na at langong lango na si Claire nang umalis sa bar. Pipilitin pa sana niyang magmaneho nang biglang nawalan siya ng malay sa parking lot ng naturang bar. Mabuti na lamang ay nakita siya ni Francis at agad siyang nilapitan upang tulungan.
“Mukhang hindi mo na kayang magmaneho. Ibigay mo na sa akin ang susi at ihahatid na kita sa inyo,” saad ng binata.
Nagpupumilit si Claire ng mga panahon na iyon na huwag siyang iuwi ni Francis sa bahay. Kaya dinala na lang siya nito sa isang hotel para magpalipas ng gabi.
Matiyagang inalagaan ni Francis si Claire. Pinunasan niya ito hanggang sa makatulog nang mahimbing.
Kinabukasan, paggising ni Claire ay gulat na gulat siya nang makitang nasa hotel siya kasama ang isang binatang mas bata sa kaniya.
“A-anong ginagawa ko rito? A-anong ginawa mo sa akin?” natatakot na tanong ni Claire.
“Huwag kang mag-alala. Wala akong ginawang masama sa iyo. Tinulungan lang kita kasi lasing na lasing ka kagabi. Ayaw mo namang magpauwi sa bahay ninyo kaya dito kita dinala. W-walang nangyari sa atin!” paliwanag pa ni Francis.
Simula noon ay isang magandang pagkakaibigan na ang nabuo. Madalas nang magpasama itong si Claire kay Francis lalo na kapag abala si Ross. Dahil nga bente anyos lang itong si Ross ay nasa kolehiyo pa lang ito at wala pang trabaho. Madalas ay si Claire ang gumagastos sa kanilang dalawa.
Yumabong ang kanilang pagkakaibigan hanggang sa tuluyan nang mahulog ang loob ni Claire kay Francis.
Akala ni Claire ay maitatago niya ang lahat ng ito sa kaniyang asawang si Ross. Isang araw ay kinompronta siya nito.
“Ginagawa ko ang lahat, Claire, para bigyan ka ng magandang buhay lalo na ang magiging mga anak natin? Ano ‘tong ginawa mo sa akin? Inuubos mo ang perang pinaghihirapan ko para lang sa binatilyong iyan! Ginagamit ka lang niyan!” wika ni Ross.
“Ross, ginagawa mo ang lahat para sa magandang bukas ko? Sa sobrang abala mo ay nakalimutan mo nang mabuhay sa kasalukuyan! Lagi na lang ang hinaharap ang iniintindi mo! Paano naman ‘yung napapabayaan mong relasyon natin? Hindi ako tau-tauhan mo na p’wede mo na lang balikan kung kailan ka libre!” sambit naman ni Claire.
“Ayusin natin ‘to, Claire, kakalimutan ko ang lahat ng ginawa mo sa akin. Patatawarin kita, magsimula lang tayong ulit. Layuan mo na ang binatilyong iyon. Parang awa mo na! Aakuin ko ang pagkakamaling ito! Gagawin ko ang lahat para mabigyan ka ng panahon na hinihingi mo. Basta bumalik ka lang sa akin!” nagsusumamong sambit ni Ross sa asawa.
Ngunit nakapagdesisyon na pala itong si Claire na tuluyang talikuran ang magandang buhay na kasama si Ross para lang maipagpatuloy niya ang relasyon sa mas batang si Francis.
“Siya ang nagbigay sa akin ng pangangailangan ko, Ross. Lagi siyang nariyan kapag kailangan ko siya. Isang bagay na hindi mo maibigay sa akin. Kaya sa iyo na ang lahat ng magandang buhay na ito. Hinding-hindi na ako babalik sa iyo kahit anong mangyari,” muling sambit ni Claire.
Parang pinagsakluban ng langit at lupa itong si Ross. Tunay kasi niyang mahal ang asawa kaya naman nagsusumikap siya para sa kanilang dalawa. Ngunit hindi ito makita ni Claire.
Tuluyan na ngang iniwan ni Claire si Ross at tuluyang nakisama kay Francis. Sa umpisa ay masayang-masaya pa ang dalawa. Hanggang dumating ang araw na napansin ni Claire na nagbabago na ang pakikitungo sa kaniya ni Francis.
“Parang dalawang libong piso lang ay hindi mo pa ako mabigyan? Babayaran naman kita! Kailangang kailangan ko lang talaga!” giit ni Francis.
“W-wala na nga akong pera, Francis. Sa katunayan ay kailangan mo na ring maghanapbuhay para mabuhay tayong dalawa. Hindi ko na alam kung saan kukuha ng pera!” tugon naman ni Claire.
“Ako? Magtatrabaho para sa iyo? Manigas ka!” tugon ni Francis.
Ngunit patuloy ang paghingi ni Francis. Hanggang sa napansin ni Claire na may tinitingnan si Francis sa kaniyang telepono. Pilit na inagaw ni Claire ang selpon ng kasintahan, doon ay nakita niyang may ibang kasintahan si Francis. Isang babaeng ka-edad din ng binata.
“Kaya pala panay ang hingi mo! Dito lang sa babaeng ito napupunta ang lahat ng pera ko! Napakalaking tanga at naniwala akong mahal mo ako!” bulyaw ni Claire habang sinasaktan si Francis.
“Mahal? Akala mo ba talaga ay magmamahal ako ng isang kagaya mo? Kaya lang naman ako narito sa piling mo ay dahil alam kong maibibigay mo ang lahat ng pangangailangan ko! Pero ngayong walang wala ka na ay wala ka na ring pakinabang sa akin!” sambit naman ni Francis sabay alis sa tinitirhan nilang bahay.
“Saan ka pupunta, Francis? Huwag mo akong iwan! Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko!” daing pa ni Claire.
“Bahala ka na sa buhay mo, matanda ka na!” sigaw naman ni Francis na tuluyan nang iniwan ang ginang.
Sa puntong ito ay napaluhod na lang si Claire sa labis na hinagpis. Hindi niya akalain na mauuwi lang sa wala ang lahat ng isinakripsiyo niya. Buong akala kasi niya ay tunay ang pag-ibig na inaalok sa kaniya ng binatang si Francis.
Walang nagawa si Claire kung hindi bumalik sa asawa niyang si Ross. Plano niyang humingi ng tawad nang sa gayon ay muli silang magkaayos. Nang makaharap niya ang dating asawa ay ito lang ang sinabi nito.
“Sa totoo lang ay matagal na kitang pinatawad, Claire. Kahit noong una ay hindi ko talaga maunawan kung bakit mo ako pinagpalit sa lalaking mas bata sa ating dalawa. Ngunit binigay ko ang kaligayahan mo dahil ang sabi mo nga ay masaya ka sa kaniya. Pinilit kong bumangon muli. Kaya, heto, ikakasal na akong muli. Huli na ang lahat, Claire. Kung wala man akong kasintahan ngayon ay hindi rin kita matatanggap dahil sa mga nagawa mo sa akin. Wala akong tanging hangad kung hindi mabigyan ka ng magandang buhay. Ngunit binalewala mo ang lahat ng iyon. Ang mas mahalaga sa iyo ay ‘yung sasamahan ka sa lahat ng pagkakataon. Kung naghintay ka lang ay ibibigay ko rin ang lahat ng oras na hinihingi mo. Kaso mas pinili mong lokohin ako,” pahayag pa ni Ross.
Tumulo ang mga luha ni Claire. Labis ang pagsisisi niya sa pagtalikod kay Ross. Ngayon ay tuluyan na siyang walang babalikan pa sa dating asawa.
“Hangad ko ang kaligayahan mo, Claire. Sana’y mahanap mo rin ang kaligayahan na hinahanap mo noon pa. ‘Yung kaligayahan na hinding hindi ko naibigay sa iyo,” dagdag pa ng ginoo.
Naiwan si Claire na lugmok at luhaan. Buong puso ang kaniyang panghihinayang dahil sinayang niya lang ang magandang buhay at pagsasamahan na ibinigay sa kaniya ni Ross.