Biglang Nakipaghiwalay ang Mister sa Misis sa Hindi Malamang Kadahilanan; Sa Muling Pagkikita ay Malalaman ng Ginang ang Totoo

Biglang Nakipaghiwalay ang Mister sa Misis sa Hindi Malamang Kadahilanan; Sa Muling Pagkikita ay Malalaman ng Ginang ang Totoo

HeartbreakingLoveStories

Pagdating pa lang ng opisina ng ginang na si Molly ay nasipat agad niya ang isang envelope sa kaniyang mesa katabi ng mga bulaklak. Napansin niyang mula ito sa kaniyang asawa kaya naman napangiti siya. Malamang kasi niya ay isa na naman ito sa mga surpresa ng mister na si Frank. Mahilig kasi itong magbigay ng mga sulat ng pag-ibig sa kaniya kahit na dalawang dekada na silang mag-asawa.

“Ano na naman kayang pakulo ito ni Frank? May nakalimutan kaya akong selebrasyon ngayong araw?” nakangiti at tila kinikilig pang sambit ni Molly sa kaniyang sarili. 

Habang dahan-dahan niyang binubuksan ang envelope ay tila unti-unti ring nawawala ang kilig sa kaniyang mukha. 

Tumambad sa kaniya ang papeles para sa kanilang paghihiwalay. 

Agad niyang kinuha ang kaniyang telepono at saka niya tinawagan ang asawa na noon ay nasa ibang bansa. 

“F-Frank, ano ang ibig sabihin ng mga papeles na nasa mesa ko? Niloloko mo ba ako? Nagbibiro ka lang, ‘di ba?” nangangatog na sambit ng ginang. 

Ngunit napaluha na lang siya sa sinagot ng kaniyang mister. 

“Totoo ang nakikita mo, Molly. Hindi ako nagbibiro. Pirmahan mo na lang nang sa gayon ay maayos na ng mga abogado natin. Huwag kang mag-alala at makukuha mo pa rin ang parte mo sa negosyo. Sisiguraduhin kong makakapagsimula kang muli,” tugon naman ni Frank. 

Nanlalambot ang mga tuhod ni Molly. Hindi siya makapaniwala sa mga nangyayari. 

“H-hindi ko maintindihan, Frank, may pinag-awayan ba tayo? May mali ba akong nagawa sa iyo? May ayaw ka ba sa akin? Nakakita ka na ba ng iba? Kailangan ko ng paliwanag, Frank! Umuwi ka rito nang mapag-usapan natin!” pagtangis ni Molly. 

“Pinal na ang desisyon ko, Molly. Kailangan na nating maghiwalay. Siguro ay talagang nawala na ang pag-ibig ko sa iyo kaya ko ginagawa ito. Patawarin mo ako dahil biglaan. Hangad ko ang kaligayahan mo,” saad pa ni Frank sabay baba ng telepono. 

Walang patid ang pagsigaw ni Molly. Hindi kasi niya matanggap na lilisanin na siya ng kaniyang asawa, at ni hindi niya alam kung ano ang tunay na dahilan nito. 

Mula ng araw na iyon ay hindi na nagpakita pa itong si Frank. Tuluyan na itong namalagi sa ibang bansa. Habang si Molly naman ay nagugulumihanan sa mga nangyayari. Halos mabaliw na siya sa kakaisip ng dahilan. 

“Marahil nga ay nakahanap na siya ng ipapalit sa akin. ‘Yung taong magbibigay sa kaniya ng kaligayahan dahil hindi ko man lang siya nabigyan ng anak. Sa loob ng dalawang dekada’y akala ko’y tunay niya akong mahal. Hindi ko inaasahan na darating ang araw na ito. Lalo pa at wala naman akong nahalata sa kaniya na kahit ano,” saad ni Molly sa kaniyang Ate Lucy. 

“Kung ‘yan ang gusto ni Frank ay ibigay mo sa kaniya. Magsimula kang muli, Molly. Huwag kang magpakalugmok nang dahil lang sa kaniya. Alam kong hindi madali ang lahat pero wala kang pagpipilian. Pirmahan mo na ang mga papeles at pabayaan mo na ‘yang si Frank! Kawalan ka niya! Isang araw ay maiisip niya rin ‘yun!” tugon naman ng nakatatandang kapatid. 

Kahit mahirap ay sinunod ni Molly ang payo ng kaniyang kapatid. Pinirmahan na niya ang annulment papers, at saka siya nagsimula ng panibagong buhay. Kung sa bagay, hindi lang dapat si Frank ang nabubuhay nang malaya ngayon. Dapat ay mas mabuhay siya nang masaya dahil sa tingin niya ay siya ang naagrabyado.

Makalipas ang anim na buwan ay napawalang bisa nga ang kasal ng mag-asawa. 

Napuno si Molly ng hinagpis at galit para sa kaniyang dating asawa. Ni pangalan nito ay ayaw niyang naririnig. 

Hanggang isang araw nagtungo ng ospital itong si Molly upang dalawin ang isang kaibigan na may sakit. Nang makita niya ang isang pamilyar na mukha. Naroon din kasi ang kaniyang dating hipag na si Minerva.

Tinangkang iwasan ni Minerva itong si Molly ngunit wala siyang kawala sa ginang. 

“Ate, alam kong wala na tayong ugnayan ngayon. Pero nais ko lang magtanong? Kumusta naman ang kapatid mo? Masaya ba siya sa ginawa niyang pag-iwan sa akin? Siguro ngayon ay nagpapakasasa na siya sa ibang babae. Gusto ko lang sabihin mo sa kaniya na kinamumuhian ko siya at ayaw ko na siyang makita kahit kailan!” mariing sambit ni Molly. 

Hindi makayanan ng konsensya ni Minerva ang bigat ng mga paratang at mga sinasabi ng dating hipag kaya napilitan na itong sabihin ang katotohanan. 

“Alam mo, Molly, sobrang mahal na mahal na mahal ka ng kapatid ko. Gagawin niya ang lahat para lang sa iyo kahit pa masaktan siya,” saad ni Minerva. 

“Mahal? Iniwan niya ako sa ere nang walang paliwanag! Pagmamahal ba ang tawag niya doon? Kinasusuklaman ko siya! Sinayang lang niya ang mga pangarap namin!” pinipigilan ni Molly ang mag-eskandalo. 

“Molly, sa tingin ko ay dapat mo nang malaman ang katotohanan. Kaya ako narito sa ospital ay dahil kay Frank. Anim na buwan na ang nakalipas nang makitaan siya ng mga doktor ng bukol sa kaniyang tiyan. Ang sabi ng mga doktor ay imposible na siyang gumaling pa. Tinaningan na siya ng mga doktor. Mabuti na lang at hanggang ngayon ay humihinga pa siya, ngunit lubhang mahina na. Nakipaghiwalay si Frank sa’yo para protektahan ka. Hindi nagtagumpay ang mga negosyo niya. Nagkaroon siya ng maraming utang. Pati ang bahay n’yo ay nakasanla. Ayaw niyang ipaako sa iyo ang bigat ng lahat ng iyon kapag wala na siya kaya kahit labag sa kaniyang loob ay kailangan niyang ipawalang bisa ang kasal ninyo,” paliwanag pa ni Minerva. 

Patuloy ang pagpatak ng luha ni Molly. Ngayon lamang niya naunawaan ang dahil sa likod ng pakikipaghiwalay sa kaniya ni Frank. 

“Bakit hindi na lang niya sinabi ang lahat ng ito sa akin? Handa naman akong pagdaanan ang hirap basta kasama ko siya! Ate, dalhin mo ako sa kaniya ngayon! Nais ko siyang makita!” humahagulgol na sambit ni Molly. 

Mabigat at may kurot sa puso nang makita ni Molly ang kalunos-lunos na kalagayan ni Frank. Tila gulay na kasi ito at tanging mga makinarya na lang ang bumubuhay.

Dahan-dahang nilapitan ni Molly ang dating asawa. 

“Frank, narito na ako. Naririnig mo ba ako? Napakadaya mo talaga kahit kailan! Bakit mo ito ginawa? Bakit hindi mo ako isinali sa laban mo?! Asawa mo ako at handa akong harapin ang lahat ng kasama ka dahil mahal na mahal kita!” patuloy sa pagtangis ang ginang. 

“Pinapatawad na kita, Frank! Hindi na ako galit sa iyo! Nauunawaan ko na ang lahat! Gumising ka na, Frank! Gumising ka na para sa akin! Para sa atin!” daing pa ni Molly. 

Ngunit habang nagsasalita ang ginang ay doon na binawian ng buhay si Frank. Para bang hinintay lamang siya ng ginoo upang sa huling pagkakataon ay magkasama sila. 

Walang patid ang pag-iyak nitong si Molly. Hindi niya akalain na sa muli nilang pagkikita ng dating asawa ay huli na ang lahat. 

Ngayon ay napagtanto na ni Molly ang tunay na dahilan sa likod ng biglaang paghihiwalay nilang mag-asawa. Napatunayan niya ang tunay na pagmamahal ni Frank sa kaniya dahil handa nitong gawin ang lahat maprotektahan lang siya.

More Stories