
Pilit na Pinababayaran ng Arkitekto ang Pasong Nabasag ng Binatilyong Naglalako ng Dyaryo; Isang Kabutihan ang Igaganti Nito
Maaga pa lamang ay nasa balkonahe na ang arkitektong si Fred para gawin ang araw-araw niyang nakahiligan. Ang pagmasdan ang kaniyang bakuran habang umiinom ng mainit na kape at nagbabasa ng dyaryo. Ninanamnam niya ang bawat sandali dahil sa loob ng dalawang linggo ay ngayon lang siya nagkaroon ng pahinga. Marami kasi siyang ginagawang proyekto.
Habang nilalasap ni Fred ang bawat sandali ay bigla na lang napadaan ang isang binatang nakabisikleta at nawalan ito ng preno. Tumama ito sa paso ng kaniyang paboritong halaman.
“Anak ng teteng! Bakit hindi mo kasi tinitingnan ang pinupuntahan mo! Tingnan mo tuloy ang nangyari!” sambit ng ginoo sa binata.
“P-pasensya na po, ginoo. Hindi ko po sinasadya. Hindi ko po kasi nakitang may bato banda roon. Nawalan po ako ng balanse,” paghingi pa ng tawad ng binatilyo.
“Tatanga-tanga ka! Kung hindi ka marunong magbisikleta ay h’wag kang gumamit niyan! Nakakaperwisyo ka! Alam mo ba kung gaano pinaghirapan ng asawa ko na patubuin ang bonsai na iyan? Mahal din ang paso na kinalalagyan niyan! Kung pabayaran ko kaya ‘yan sa’yo?!” muling bulyaw pa ng ginoo.
“Pasensya na po kayo talaga, ginoo. Gagawin ko po ang lahat para huwag n’yo na po iyan pabayaran sa akin. Aayusin ko na lang po. Kukumpunihin ko po. Pipilitin kong ayusin, sir, basta po huwag n’yo lang pabayaran sa akin. Wala po talaga akong ibabayad dahil naghahatid lang po ako ng dyaryo dito sa lugar ninyo! Patawad po talaga,” pagsusumamo po ng binata.
“Kapag pinatawad kita ay hindi ka magtatanda! Tawagin mo ang mga magulang po at sila ang magbayad sa akin! Kung hindi ay ipapapulis talaga kita!” nanggigigil na sambit pa ni Fred.
Kahit na anong pagmamakaawa ng binata ay naging matigas ang puso nitong si Fred.
Umalis ang binata na hindi alam ang kaniyang gagawin.
Pagbalik ng binata sa kanilang bahay ay sasabihin niya sana sa kaniyang lolo ang nangyari. Abala ang matanda sa pagkukumpuni ng sirang bentilador. Ito ang kaniyang ikinabubuhay. Kahit na masama ang pakiramdam ay todo pa rin ito sa pagkayod.
“Nariyan ka na pala, Jude, kumain ka na riyan at baka mahuli ka pa sa klase. Bakit ba parang tinanghali ka na? Kumusta ang pagde-deliber mo ng mga dyaryo?” saad ng matanda habang patuloy sa pag-ubo.
“A-ayos lang naman po, ‘lo. Sige po kakain na po ako nang makapasok na sa eskwela,” saad pa ng binata.
Hindi na tuloy nasabi ni Jude sa kaniyang lolo ang nais niyang sabihin tungkol sa pagkakabangga niya sa paso ng arkitekto. Ayaw na kasi niyang bigyan pa ito ng iniintindi.
Kaya inilabas na lang ni Jude ang kaniyang alkansya at binilang niya ang naipon niyang pera mula sa pagde-deliber ng mga dyaryo. Nakalaan sana ang perang ito para sa kaniyang pagkokolehiyo.
“Sana ay ayos na ang perang ito para mabarayan mo ang mamahaling paso ng ginoo,” sambit ni Jude sa kaniyang sarili.
Bago pumasok sa eskwela ay dumaan si Jude sa bahay ni Fred upang bayaran ang naturang paso.
“O, anong ginagawa mo na naman rito? Kung gusto mo akong kausapin para makaiwas sa responsibilidad mo ay wala kang mapapala. Magbayad ka kung hindi ay ipapupulis talaga kita! Hindi ako nagbibiro!” saad pa ni Fred.
“Narito po ako upang magbigay po ng bayad, sir. Sana po ay sapat na itong pitong daang piso. Ito lang po kasi ang naipon ko mula sa paghahatid ko ng dyaryo,” tugon naman ng binata.
“Aanhin ko ang perang iyan! Kulang na kulang pa ‘yan sa mga nasira mo!” bulyaw ng ginoo.
Dahil sa pagtataas ng boses ni Fred ay narinig ito ng kaniyang asawang si Glenda kaya napalabas ito ng bahay.
“A-anong nangyayari dito, Fred? Bakit mo sinisigawan ang binatilyong ‘yan?” pagtataka ng ginang.
“Hindi ba ikaw ang naghahatid ng dyaryo dito tuwing madaling araw?” tanong pa ni Glenda sa binata.
Tumango naman si Jude.
“Iyang binatang iyan ay kailangang turuan ng leksyon. Hindi kasi nag-iingat, nasira tuloy ‘yung paso na kinalalagyan ng bonsai! May mga naputol pa ngang sanga! Kailangan niyang magtanda kaya pinapabayaran ko. Mahirap nang mamihasa ang mga tulad niyan. Baka maging salot sa lipunan,” dagdag pa ni Fred.
“Pasensya na po kayo talaga. Humihingi po ako ng paumanhin. Hindi ko naman po sinasadya. Nawalan lang po talaga ako ng balanse. Tanggapin n’yo na po itong pera ko. Pasensya na po at ito lang po talaga ang mayroon ako,” pagsusumamo muli ng binata.
Kinuha ni Fred ang pitong daang piso ngunit kinuha rin ito ni Glenda upang ibalik sa binata.
“Hindi mo na kailangang magbayad. Tutubo rin naman ang sanga ng halaman na ‘yun. Mag-ingat ka na lang sa susunod upang hindi na ito mangyari pa,” saad ni Glenda kay Jude.
Naluha si Jude sa kabaitan ni Glenda. Labis-labis ang kaniyang pasasalamat dahil sa wakas ay wala na siyang atraso sa mga ito.
Ngunit inis na inis naman si Fred dahil kinampihan ng asawa ang binatilyo. Mula noon ay mainit na ang dugo ni Fred kay Jude.
Kahit na hindi maganda ang trato ni Fred kay Jude ay nagpapakumbaba pa rin ang binata. Araw-araw pa rin itong naghahatid ng dyaryo sa pamilya ng ginoo.
Isang araw ay pauwi na itong si Jude mula sa naturang trabaho. Napansin niya na naglalaro sa may bakuran ng bahay ang batang anak ng mag-asawang Fred at Glenda.
Lalagpasan na sana niya ang bahay ng masungit na ginoo nang may isang kotse na huminto sa harap ng bahay nito, saka dali-daling kinuha ang batang babae!
Napasigaw si Jude nang malakas. Nakuha naman niya ang atensyon ng mag-asawa. Ngunit hindi na siya nagdalawang isip na habulin sakay ng bisikleta ang naturang kotse. Labis na pagmamadali ang ginawa ni Jude upang hindi makaalis sa kaniyang paningin ang naturang sasakyan. Panay rin ang sigaw niya upang makahingi ng tulong.
Naninigas na ang mga binti ni Jude kakapadyak ngunit hindi pa rin siya tumitigil hanggang sa napansin na siya ng mga pulis. Sinigaw ni Jude ang nangyari at dali-dali namang umaksyon ang mga awtoridad.
Doon ay tuluyan nang napahinto ang sasakyan. Nahuli ang mga masasamang loob at naibalik ang bata sa mga magulang nito.
Iyak nang iyak si Glenda habang yakap ang kaniyang anak.
Lumapit si Fred kay Jude at saka kinuha ang kamay ng binata.
“Hindi ko alam kung paano kita mapasasalamatan, Jude. Hindi ko rin alam kung paano akong hihingi ng tawad sa lahat ng nagawa ko. Pinagsisisihan ko ang mga maling nagawa ko sa’yo, Jude. Kahit na hindi maganda ang naging trato ko sa iyo ay tinulungan mo pa rin kaming maibalik sa amin si Jenna. Utang ko sa iyo ang buhay ng anak ko!” naluluhang sambit ni Fred sa binata.
“Huwag na po kayong mag-alala, sir. Ginawa ko lang naman po ang sa tingin ko ay tama. Hindi ko naman din po kayang panoorin na lang na kunin ng masasamang tao na ‘yun ang anak ninyo. Salamat talaga sa Diyos at nabawi natin siya,” saad pa ni Jude.
Walang kaalam-alam ang lolo ni Jude sa kabayanihan na ginawa ng apo.
Labis-labis naman ang pasasalamat ng mag-asawa kay Jude dahil sa ginawa niyang pagtulong upang mailigtas ang batang si Jenna.
Upang ipakita ang pasasalamat ng mag-asawa sa binata ay binigyan nila ito ng munting handog.
Binigyan nila ng bagong kabuhayan ang lolo ni Jude nang sa gayon ay hindi na ito mapagod pa sa pagkukumpuni. Isang maliit na sari-sari store ang kanilang inihandog sa matanda.
Para naman kay Jude ay isang envelope.
“Pagkilala iyan sa’yo bilang kabayanihan ng ginawa mo para sa anak ko. Kalakip din ng sertipikong iyan ang isang iskolarsyip sa kahit anong kurso na naisin mo sa kolehiyo. Mula ngayon ay kami nang mag-asawa ang magpapaaral sa iyo, Jude. Nabalitaan ko kasi sa lolo mo na kaya ka naghahatid ng dyaryo ay para makaipon ng pangmatrikula. Ngayon ay wala ka nang poproblemahin dahil sasagutin na namin ini Glenda ang pag-aaral mo. Kung nais mong maging isang arkitekto na gaya ko ay maaari ring kitang tulungan sa mga aralin,” saad ni Fred sa binata.
Walang mapagsidlan ang kaligayahan ni Jude. Sa wakas ay nagkaroon na ng kasagutan ang kaniyang mga dalangin na makapagtapos ng pag-aaral.
Mula noon ay naging malapit na si Jude sa mag-asawa. Pingbuti rin niya ang kaniyang pag-aaral nang sa gayon ay makapasok siya sa isang magandang unibersidad. Nais rin kasi ni Jude na maging isang arkitekto.
Sino nga naman ang mag-aakala na ang hindi magandang unang pagkikita nina Fred at Jude ay mauuwi pala sa magandang samahan?