Kinaiinisan ng Binata ang Pagiging Bulag ng Kaniyang Ina; Ikapanlulumo Niya ang Katotohanan

Habang nakaupo sa may sala ay narinig ng bulag na ginang na si Cecile ang pagbukas ng pinto ng kanilang bahay.

“Ken, anak, ikaw na ba ‘yan?” nakangiting tanong ng ina at akmang tatayo pa para salubungin ang binata.

Napasimangot naman itong si Ken nang makita ang ina, may ilang sandali pa bago siya sumagot sa tanong nito.

“Anak, ikaw ba ‘yan?” muling tanong ng ginang.

“Opo, ‘nay, ako nga po ito,” napipilitang sagot ni Ken.

“Paghahain kita. Kumain ka na muna at tiyak kong pagod ka sa eskwela,” sambit pa ni Cecille habang nangangapa sa dilim.

“Hindi na po. Ako na po ang bahala. Aakyat na lang muna po ako sa aking silid. Hindi pa rin naman ako nagugutom,” saad naman ng binata.

Ngunit nagpumilit pa rin itong si Cecille na magtungo sa kusina at ipaghain ang anak. Pinagmamasdan na lang siya ni Ken habang nasasagi ang ibang gamit. Nagtagumpay naman siyang makakuha ng pinggan ngunit nalalag niya ang kubyertos.

Advertisement

“Sinabi na ngang ako na nga po, ‘nay, e. Bakit ba kasi pinipilit n’yo pa akong pagsilbihan? Tingnan n’yo nga po ang kalagayan n’yo. Hindi n’yo na nga po maasikaso ang sarili n’yo ay aasikasuhin n’yo pa ako!” pabalang na sambit muli ni Ken. 

Napayuko na lang ang ina. Nasasaktan man ay nauunawaan niya ang binatang anak. Nagsasabi naman kasi ito ng totoo. Mahirap talaga ang may kasamang bulag sa bahay. Lalo na kung ito ang iyong ina. Isang taong dapat ay nag-aaruga at nag-aasikaso sa kaniyang anak. 

“S-sige, anak, bumaba ka na lang rito at kumain kapag gusto mo na,” naluluhang sambit ni Cecille.

Hindi alam ni Ken ang kaniyang mararamdaman. Sa totoo lang kasi ay nagsasawa na siya sa kalagayan ng ina.

Ilang taon na ring walang paningin itong si Cecille. Ngunit kahit ganoon ay nais niyang mamuhay nang normal kaya sinusubukan niyang gumawa ng mga gawaing bahay. Ayaw kasi niyang maging pabigat sa kaniyang mag-ama.

Kinagabihan ay dumating na ang mister ni Cecille na si Ramon. Galing ito sa trabaho at pagod na pagod. Masakit din sa loob ni Cecille na hindi niya maasikaso ang asawa.

“Ako na ang bahala rito, mahal. Narito naman si Ken para tulungan ako,” saad ni Ramon sa misis.

“Maraming salamat. Pagpasensyahan n’yo na ang kalagayan ko. Walang araw na hindi ko hiniling na biyayaan ako ng Panginoon ng paningin nang sa gayon ay ako naman ang mag-alaga sa inyo,” saad naman ni Cecille. 

Advertisement

Maluwag sa loob ni Ramon ang pagkakaroon ng kapansanan ng kaniyang asawa. Sa katunayan nga ay kayod kalabaw siya upang makaipon ng pera at maipagamot naman ang asawa. Malaking halaga kasi ang kakailanganin para sa operasyon, bagay na mahirap para sa kaniya dahil mababa lamang ang sahod niya sa pagiging dyanitor sa isang kompanya. 

Kinabukan ay maagang gumising si Ramon upang maghanda ng almusal at pati na rin ng pananghalian para hindi na magluto itong si Cecille. Araw-araw niya itong ginagawa upang siguraduhing hindi na magkikikilos sa bahay ang misis.

“Ken, anak, pag-uwi mo sa bahay ay ikaw na ang maglinis. Bukas naman ay hindi kita masasamahan na maglaba dahil may tanggap akong trabaho kila Mang Pidyong. Ikaw na muna ang bahala,” bilin ng ama. 

“Pero, ‘tay, ‘di po ba ay nagpaalam po ako sa inyo na magbabasketball kami ng mga tropa ko bukas? Pinayagan n’yo na po ako, e. Naka-oo na rin po ako sa kanila!” sambit naman ni Ken. 

“Oo nga, anak, unahin mo muna ang mga gawaing bahay. Wala ring makakasama ang nanay mo rito. Hindi rin ako makakapagluto dahil maaga akong aalis. Ipagpaliban mo muna ang pagbabasketball mo. Sayang kasi ang trabaho ko kila Mang Pidyong, anak. Dagdag kita rin iyon,” wika pa ng ama.

Wala nang nagawa ang binata kung hindi sumunod sa kaniyang Tatay Ramon.

Kinabukasan ay maaga ngang umalis ng bahay itong si Ramon upang sumama kay Mang Pidyong.

Ilang oras naman ang nakalipas at dumating naman ang mga barkada ni Ken upang yayain siyang magbasketball.

Advertisement

“H-hindi ako p’wede mga ‘tol. Nakakainis nga si tatay. Pinayagan na ako tapos bigla namang nagbago ang isip! Kailangan ko rin daw kasing samahan si nanay dito. Madalas na wala kasing kasama e,” paliwanag ni Ken.

“Magpaalam ka na lang sa nanay mo sandali. Sanay naman na ata siyang walang kasama. Saglit lang tayo. Pagkatapos ng laro ay umuwi ka nalang kagaad,” saad naman ng isang binata. 

“Hindi talaga maaari kasi pagagalitan ako ng tatay ko kapag nalaman niyang umalis ako,” sambit pa ni Ken. 

Ang hindi alam ni Ken ay nariyan na ang ama dahil hindi natuloy ang trabaho niya kasama si Mang Pidyong.

Susurpresahin sana ni Ramon ang anak nang narinig nito ang mga sinabi pa ni Ken sa kaniyang mga barkada.

“Alam n’yo sa totoo lang ay nagsasawa na ako sa kalagayan ng nanay ko. Ni hindi ko nga siya mapagmalaki sa iba. Ano na lang ang sasabihin ng ibang tao kapag nalaman nilang bulag ang nanay ko, ‘di ba? Ayaw kong pagkatuwaan nila ako! Walang kwenta talaga itong buhay ko. Mahirap na nga kami ay daig ko pa ang walang magulang. Laging wala ang tatay ko kasi trabaho nang trabaho. Marami kasing pangangailangan ang nanay ko! Tapos pagdating ko naman dito sa bahay walang umaasikaso sa akin. Ni hindi ko naramdaman ang kalinga ng isang ina dahil bulag siya. Ako pa ang nag-aalaga sa kaniya. Nakakainis na!” dagdag pa ni Ken.

Nang marinig ito ni Ramon ay nadismaya siya sa anak. Hindi niya napigilan ang sarili na pagsabihan si Ken sa harap ng mga kaibigan nito.

“Ganiyan bang kababaw ang tingin mo sa nanay mo at sa akin, Ken? Tingin mo ay pinababayaan ka lang namin? Alam mo sa totoo lang ay napakasakit ng mga salita na lumabas sa bibig mo. Matatanggap ko ang mga sinabi mo tungkol sa akin pero hindi ang tungkol sa nanay mo! Kahit kailan ay wala kang karapatang pagsalitaan siya ng ganiyan!” sambit ni Ramon sa anak.

Advertisement

Dahil napahiya itong si Ken sa ginawa ng ama ay sumagot siya nang pabalang. 

“Totoo naman po ang sinasabi ko sa inyo, ‘tay! Noon pa lamang ay parang wala na akong nanay. Ako nang ako ang inaasahan na tumingin sa kaniya dahil lang sa wala siyang paningin! Ni hindi ko na na-enjoy ang pagkabata ko nang dahil lang sa kaniya. Kung makakapili lang ako ng ibang ina ay hinding hindi ko nanaisin na siya ang maging nanay ko!” sigaw pa ni Ken. 

Hindi sinasadyang nasampal ni Ramon ang kaniyang anak dahil sa mga sinabi nito.

Dahil na rin sa pagkabigla at nahihiya na ang mga kaibigan ni Ken sa nangyayari ay kusa nang umalis ang mga ito.

Ang hindi rin alam ng dalawa ay naroon si Cecille at narinig ang lahat ng kanilang pagtatalo.

“Ramon, huwag mong saktan ang anak mo. Tama naman siya, e. Malaki naman talaga akong pabigat sa buhay n’yo,” saad naman ng lumuluhang ginang.

“Ken, hindi mo alam ang naging sakripisyo ng nanay mo para lang sa iyo. Matagal na kaming kasal noon ngunit hindi kami magkaanak kahit anong subok namin. Kaya noong malaman naming buntis ang nanay mo ay labis ang aming kaligayahan. Ngunit tinapat na kami ng doktor na maaaring magkaroon ng komplikasyon ang pagbubuntis ng nanay mo. Pero hindi nagpatinag ang nanay mo, anak. Handa siyang isakripisyo ang lahat para lang mabuhay ka sa mundong ito. Hindi niya ininda ang mangyayari sa kaniya kahit alam niyang nakataya ang kaniyang buhay. Hindi naging madamot sa iyo ang nanay mo, Ken. Hindi ko sinabi na responsibilidad mo na alagaan siya dahil nabulag siya dahil sa pagbubuntis sa iyo. Ang hinihingi ko lang ay kaunting malasakit, pang-unawa, at pagmamahal. Kaya ganito na lang din ang pagtatrabaho ko dahil nais kong ipaopera ang mga mata ng nanay mo nang muli ay makita niya ang ganda ng mundo tulad noong araw,” saad pa ni Ramon. 

Labis na pagsisisi ang naramdaman ni Ken nang nalaman niya sa ama ang katotohanan. Matagal din kasing inilihim ng mag-asawa ang katotohanan sa kanilang anak dahil ayaw nilang pasanin ng konsensiya nito ang nangyari sa kaniyang ina.

Advertisement

Agad na pinuntahan ni Ken ang kaniyang ina upang humingi ng tawad.

“Nanay, patawarin n’yo po ako. Hindi po ako dapat nagsalita ng masakit tungkol sa inyo. Dapat ay mas inunawa ko po ang kalagayan n’yo! Patawad po!” lumuluhang sambit ni Ken sa ina.

“Naiintindihan kita, anak. Alam ko ring nahihirapan ka na. Kahit ano pa ang mga sinabi mo ay hindi mababawasan ang pagmamahal ko sa iyo. Kung papipiliin ako ay pipiliin ko pa ring mabulag kaysa mawala ka sa buhay namin, Ken,” lumuluhang sambit rin ni Cecille.

Isang mahigpit na yakap ang ibinigay ni Ken sa kaniyang ina. Nakiyakap na rin si Ramon sa kaniyang mag-ina.

Mula noon ay mas naging maluwag na sa puso ni Ken ang pagsilbihan ang bulag na ina. Lalo siyang nagsumikap sa pag-aaral nang sa gayon ay makatapos siya at makakuha ng magandang trabaho upang maipagamot na niya ang ina at makakita na itong muli.

Habang hindi pa nakakakita si Cecille ay si Ken at Ramon ang nagsilbing kaniyang mga mata. Lalong namang yumabong ang pagmamahal ni Ken sa mga magulang niya dahil sa hindi pagiging makasarili ng mga ito.