
Pinagtatawanan ang Bata dahil sa Kakaiba Niyang Paninindigan; Isang Ginoo ang Lubusan Niyang Mapapahanga
Imbes na naglalaro ay batak na sa trabaho ang batang si Pipoy. Nais man niyang mag-aral ay kailangan niyang tumulong sa gastusin ng kaniyang pamilya. Lumaki siyang walang ama at tanging ang kaniyang inang si Mabel ang tumaguyod sa kanila. Ngunit nang magkasakit ang ginang ay kailangan nitong tumigil sa pagtanggap ng labada. Mayroon pa siyang maliliit na mga kapatid kaya kahit na sampung taong gulang pa lang ay kailangan na niyang maghanapbuhay.
Pagtitinda ng mga sampaguita at basahan sa may lansangan ang pantawid gutom ni Pipoy sa kaniyang ina at kapatid. Madalas siyang makaramdam ng inggit sa mga kapwa niya bata na walang responsibilidad sa buhay ngunit nangingibabaw pa rin ang pagmamahal niya sa kaniyang pamilya.
Habang nagtitinda ay napansin ni Pipoy na nagkukumpulan ang ilang kabataan sa isang lalaking kakalabas lang ng simbahan.
Maya-maya ay nariyan na at papalapit na kay Pipoy ang kaniyang kaibigang si Goyong.
“Pumunta ka rin doon, Pipoy, namimigay ng barya ‘yung ginoo!” saad ni Goyong sa kaibigan.
“Hindi na bale, Goyong. Ayos na ako rito. Magtitinda na lang ako. May mga bumibili naman sa akin,” saad naman ng bata.
“Ikaw ang bahala!” wika pa ni Goyong.
Kahit na hirap na sa buhay itong si Pipoy ay hindi niya nais na mamalimos.
Dahil nga bukod tanging si Pipoy lang ang hindi lumapit ay nakuha niya ang atensyon ng ginoo. Kaya naman agad siya nitong nilapitan.
“Totoy, napansin kong ikaw lang ang hindi ko nabigyan sa mga kasama mo. Heto ang sampung piso,” saad ng ginoo kay Pipoy.
Kinuha ni Pipoy ang sampung piso at binigyan ng sampaguita ang lalaki.
“Naku, huwag na, hijo. Bigay ko na sa iyo ang sampung piso na ‘yan. Kunin mo na ang sampaguita na ito at itinda mo na lang sa iba,” wika pa ng ginoo.
“Hindi ko po tatanggapin ang sampung piso na ito, ginoo, kung wala naman po kayong bibilhin mula sa akin. Hindi po ako nanghihingi ng limos. Kunin n’yo na po ang sampaguita na ito. Sigurado po akong may altar kayo sa bahay, isabit n’yo po iyan,” pahayag muli ng bata.
Dahil sa sinabing ito ni Pipoy ay napilitan ang ginoo na kunin ang sampaguitang inaalok niya.
Nang makaalis na ang ginoo ay siyang lapit muli ang kaibigang si Goyong.
“Ano ka ba naman, Pipoy! Pagkakataon mo nang makakuha ng libreng pera ay hindi mo pa kinuha! Alam mo naman kung gaano kahirap para sa atin ang makahagilap ni piso! Aba’y malaking pandagdag na rin iyon para sa kakainin ng pamilya natin ngayong araw,” sambit ni Goyong.
“Kaya ko namang kumita ng pera, Goyong. Kaya nga ako nagtitinda ng sampaguita at basahan. Ayaw ko kasing mamihasa na humihingi lang lalo pa at kaya ko namang magtrabaho. Sabi nga sa akin ng nanay ko, nakikita ng Diyos ang pagpupursige ko. Nasa Diyos ang awa at nasa tao naman ang gawa,” wika pa ni Pipoy.
“Ewan ko sa’yo! Pinadala na nga ‘yung lalaking iyon ng Diyos para bigyan tayo ng biyaya pero nagmalaki ka pa rin! Ang sarap kaya ng pakriamdam na hindi ka na maghihirap na magkaroon ng pera. Kaunting paawa at lahad lang sa mga tao ay magkakaroon ka na ng pera. Hindi katulad niyang naghihirap ka pa sa pag-aalok ng basahan at sampaguita sa kanila,” muling sambit ng kaibigan.
“Ayos lang sa akin, Goyong, narito naman ako sa lansangan talaga upang mag-alok ng mga paninda ko,” saad pa ni Pipoy.
Lumipas ang mga araw at laman pa rin ng lansangan ang magkaibigan. Dahil naisip ni Goyong na mas madali ang mamalimos ay itinigil na rin niya ang pagtitinda ng sampaguita. Ang ginagawa niya ay kinukulit na lang niya ang mga taong dumadaan upang bigyan siya ng barya.
Habang si Pipoy naman ay patuloy sa paghango ng ititinda niyang sampaguita at mga basahan.
Dahil dito ay naging tampulan ng tukso si Pipoy.
“Hindi mo ginagamit ang utak mo, Pipoy! Mas madali ang mamalimos kaysa magtinda! Maliit lang naman ang kinikita mo riyan sa sampaguita at basahan mo. Kapag hindi mo pa naubos ang sampaguitang iyan ay malalanta at malulugi ka pa!” natatawang pangungutya ng ilang kabataan.
Ngunit hindi nagpatinag si Pipoy. Nagpatuloy lamang siya sa kaniyang ginagawa.
Isang araw ay muling bumalik ang ginoo. Tuwang-tuwa ang mga bata dahil namimigay na naman ito ng barya. Ngunit tulad ng dati ay hindi na naman lumapit si Pipoy upang manghingi.
“Ito ang bente pesos, hijo, ito naman ang para sa iyo,” saad ng ginoo.
Kinuha itong muli ni Pipoy at binigyan naman ng dalawang sampaguita ang lalaki.
“Maraming salamat po sa pagbili ninyo, ginoo,” wika ni Pipoy.
“Talagang mataas ang tingin mo sa sarili mo kahit nagtitinda ka lang ng sampaguita at basahan, panay ang pagtanggi mo. Kung bibigyan ba kita ng singkwenta pesos ay tatanggapin mo na nang walang kapalit?” wikang muli ng ginoo.
“Bibigyan ko po kayo ng limang sampaguita. O hindi naman kaya ay apat na sampaguita at tatlong basahan,” tugon ng bata.
“Kung isang daang piso ay tiyak kong bibiyan mo na naman ako ng tinda mo! Ibang klase ka rin, ‘no, bata? Bakit hindi ka na lang tumulad sa mga kasama mo? Mahirap para sa isang bata ang magtinda dito sa lansangan. Huwag ka nang magmalaki at tanggapin mo na ang perang itinutulong ng mga tao sa iyo,” dagdag pa ng lalaki.
“Ginoo, sa bawat perang ibinibigay sa akin ay magbibigay ako ng tinda ko. Iyon po ang dapat dahil tindero po ako ng sampaguita at basahan at hindi po ako nanlilimos. Maraming salamat na lang po sa alok ninyo ngunit ayos lang po,” sambit naman ni Pipoy.
Napapailing na lang ang ginoo sa mga sinabing ito ni Pipoy.
“Nakakatuwa ka, bata, para kang matanda kung mag-isip. Ilang taon ka na ba?”
“Sampung taong gulang po, ginoo.”
“Sampung taong gulang? Hindi ba dapat ay nasa paaralan ka at nag-aaral. Hindi ka dapat narito sa lansangan at nagbebenta ng ganiyan,” sambit ng lalaki.
“Kailangan ko pong tulungan ang nanay ko, ginoo. Ayos lang naman po sa akin ito. Kaunting sakripisyo lang po ito kumpara sa ginawa ng nanay ko para sa amin ng kapatid ko,” muling sambit ni Pipoy.
“Ibang klase ka talaga, bata. Tiyak akong mas matutuwa ang nanay mo kung mag-uuwi ka ng mas malaking pera. Ito na ang isang daan at kunin mo na ito. Huwag mo na akong bigyan ng kahit anong itinitinda mo. Heto at kunin mo na!” giit pa ng ginoo.
Ngunit patululoy ang pagtanggi ni Pipoy.
“Ayaw ng nanay ko na mamihasa kami sa hingi lalo pa at kaya ng katawan naming kumilos. Kahit nga po may sakit ang nanay ko ay patuloy pa rin siya sa pagtatrabaho. Hindi na nga lang siya makapaglaba ngayon dahil baka mapulmunya siya. Siya po talaga ang inspirasyon ko para magsumikap nang husto,” sambit pa ni Pipoy.
Talagang napahanga ni Pipoy ang lalaki dahil sa disposisyon niya sa buhay.
“Alam mo, bata, pinapahanga mo talaga ako! Matagal na kitang inoobserbahan at talagang mayroon kang paninindigan. Alam kong may iniindang sakit ngayon ang nanay mo at talagang nakaasa sila ng kapatid mo ngayon sa iyo. Ngunit kahit kailan ay hindi kita nakitang nanghingi. Pinagsusumikapan mo talaga ang bawat sentimo na nakukuha mo. Kaya naman naaalala ko sa iyo ang aking sarili. Ganyang ganyan din ako noong kabataan ko. Galing din kasi ako sa hirap hanggang sa narating ko ang kinalalagyan ko ngayon. Ipagpatuloy mo lang iyan at tiyak kong malayo ang mararating mo,” saad ng isang ginoo.
“Pero, nais kitang tulungan upang kahit paano ay kahit ilang hakbang lang ay mapalapit ka sa iyong pangarap. Alam ko na hindi mo tatanggapin kung pera ang ibibigay ko sa iyo. Kaya naman nais ko sanang alukin ka ng iskolarsyip. Ako nga pala si Bobby Ramirez. Ako ang may-ari ng malaking eskwelahan sa lugar na ito. Naghahanap ako ng mga iskolar at nais kong makabilang ka roon dahil karapat-dapat ka,” pahayag pa ng ginoo.
“Ngunit hindi ko po magagawa ang mag-aral kahit gusto ko po. Kailangan ko pong magtrabaho para sa nanay at kapatid ko. Ako lang ang inaasahan nila,” malungkot na tugon ni Pipoy.
“Alam kong iyan rin ang sasabihin mo kaya naman nakahanda ako. Pauutangin ko ng puhunan ang nanay mo nang sa gayon ay makapagtayo siya ng isang sari-sari store. Hindi na niya kailangan pang umalis ng bahay para makapaghanapbuhay. At ikaw naman, p’wede ka nang mag-aral. Uulitin ko, Pipoy, hindi bigay ang puhunan na iyon sa nanay mo. Kailangan n’yo itong bayaran sa akin,” saad pa ni Ginoong Ramirez.
Tuwang tuwa si Pipoy sa sinabing ito ng ginoo. Hindi niya akalain na may magandang oportunidad ang lalapit sa kaniya nang araw na iyon. Ngayong makakapag-aral na siya ay malaki na ang pag-asa na magbago ang takbo ng kaniyang buhay.
Tulad ng sinabi ni Ginoong Ramirez ay malayo ang narating ni Pipoy. Dahil sa dedikasyon niyang mag-aral at sa kaniyang pagpupursige ay nakapagtapos siya ng kolehiyo sa isang prestihiyosong paaralan sa ibang bansa at doon na rin siya nakapagtrabaho.
Tuluyan na niyang naihon ang kaniyang ina at kapatid sa hirap.
Samantalang ang dating mga kasamahan ni Pipoy sa lansangan ay nanatiling mahirap. Ang iba sa kanila ay tambay at walang maayos na trabaho. Ang iba naman ay nagnanakaw upang magkaroon ng ilalaman sa kanilang sikmura.
Mabuti na lang at napahanga ni Pipoy si Ginoong Ramirez. Dahil dito ay nag-iba ang landas na kaniyang tinahak. Ngunit malaking kadahilanan din ang kakaibang pananaw niya sa buhay.
Tunay ngang nasa Diyos ang awa at nasa tao ang gawa.