Inday TrendingInday Trending
Buong Akala ng Babae ay Maiaahon na Niya ang Sarili sa Hirap sa Pamamagitan ng Taong Nakilala Online; Mas Lalo Pala Siyang Ilulubog Nito

Buong Akala ng Babae ay Maiaahon na Niya ang Sarili sa Hirap sa Pamamagitan ng Taong Nakilala Online; Mas Lalo Pala Siyang Ilulubog Nito

Halos palubog na ang araw nang magising ang dalagitang si Andrea. Kung hindi pa niya narinig ang matining na boses ng kaniyang ina na si Joy ay hindi pa sana siya babangon. Patuloy kasi ang panenermon ng kaniyang ina sa kaniya dahil ayaw niyang asikasuhin ang kaniyang pag-aaral. Aniya, wala raw kasi siyang matutunan sa sistema ng edukasyon ngayon. Isa pa, wala rin siyang maayos na kagamitan upang maipagpatuloy ang kursong pagguguro.

“Oo na, ‘ma! Ang ingay ingay mo na naman! Aayusin ko rin ‘yan!” pabalang na sagot naman ni Andrea sa nagbubungangang ina.

“Anong oo ka riyan? Ayaw mo ngang ayusin. Ano, ganiyan ka na lang habambuhay? Ano’ng mararating mo kung hihilata ka na lang buong araw?” patuloy pa ni Joy sa anak.

Agad na bumangon si Andrea na nakasalubong ang mga kilay. Kamot pa niya ang kaniyang ulo habang humihikab pa. Binuksan niya ang ulam na nakatakip sa mesa at mas lalo lamang kumunot ang noo ng dalagita.

“Ano ba naman ‘yan! Palagi na lang itlog. Puro na lang itlog, itlog, itlog!” himutok ng dalaga pagkatapos ay muli siyang bumalik sa kaniyang silid.

Agad namang nagkaroon ng ngiti sa mga mukha ni Andrea matapos niyang isalpak sa kaniyang tenga ang kaniyang earphone upang makinig ng musika. Ito rin ay upang hindi na niya marinig ang inang walang tigil ang panenermon. Ayaw na rin niyang intindihin ito lalo na’t kagigising lamang niya.

Nang bumalot na ang dilim, agad na pumwesto si Andrea sa gitna ng kaniyang silid. Ito ay matapos niyang iayos ang sarili. Nakapostura’t maganda rin ang kaniyang damit. Pagkatapos ay ngumiti ang dalagita sa tapat ng malaking salamin at ng kaniyang selpon.

Habang malalim na ang gabi’t natutulog na nang mahimbing ang kaniyang ina, abala naman si Andrea na kausap ang kaniyang nobyo na nakilala lamang niya sa online. Matagal tagal na rin silang nag-uusap at malalim na rin ang kanilang pinag-uusapan.

Matapos niyang kausapin ang nobyong banyaga, isang hiyaw ang narinig mula sa dalagita.

“Yes! Sa wakas! Sa wakas!” pagpapatuloy pa ni Andrea. Tumigil lamang siya nang marinig ang sigaw ng ina na pinapatahimik siya.

“Maghintay ka lang! Papakainin kita ng maraming pera!” pagmamayabang ni Andrea sa kaniyang sarili.

Lumipas ang mga araw na mas lalong hindi na nakikinig si Andrea sa kaniyang ina. Ilang araw na lang kasi ang hinihintay niya at papadalhan na raw siya ng kaniyang nobyo ng malaking halaga. Ang tanging pinapagawa lamang sa kaniya ay ang bumili ng bahay para raw sa kanila.

Habang tumatakbo ang mga oras at araw, lalong nakikita ni Andrea ang magandang kinabukasan. Hindi na siya makapaghintay pa para sa araw na hindi na siya aasa sa kaniyang ina. Panahon na raw kasi upang siya na ang masunod sa buhay niya. Subalit lingid sa kaniyang kaalaman ang nagbabadyang karma.

Isang umaga, halos kakatulog lamang ni Andrea ngunit ginising na siya ng kaniyang ina. Binuhusan siya nito ng tubig dahil hindi siya nagigising gamit lamang ang panenermon. Dahil sa nangyaring ito, lubos na galit ang naramdaman ni Andrea.

“Hindi na ako kakain dito sa pamamahay na ‘to! Aalis na lang ako!” huling sambit ni Andrea. Agad siyang kumuha ng iilang mga damit at personal na gamit. Matapos nito ay tuluyan na nga siyang umalis ng bahay.

Nagpasiyang makituloy si Andrea sa bahay ng kaniyang kaibigan. Nangako na lamang siya na kapag dumating na ang pera niya, magbibigay siya ng malaking halaga sa mga magulang ng kaibigan. Pumayag naman ang mga iyon at matagumpay siyang tumigil muna sa bahay ng kaibigan.

Lumipas ang mga araw na patuloy ang pakikipag-usap ni Andrea sa kaniyang nobyo. Ilang araw na lamang at makukuha na niya ang kaniyang pera. Napagdesisyunan din nila na uuwi ang kaniyang nobyo sa susunod na linggo. Patuloy ang ngiti at tuwang nararamdaman ng dalaga para sa tagumpay na nakamit na raw niya.

Dumating ang araw na ipinadala na raw ang pera galing sa banyagang nobyo ni Andrea. Subalit may mga tumawag na hindi niya raw makukuha ito kung hindi siya magbibigay ng singkwenta mil bilang bayad sa pagpapadala raw nito.

Tumagal ng isang linggo bago tuluyang mapapayag ni Andrea na pautangin siya ng mga kakilala niya. Kahit sa mga pautang na malaki ang tubo ay pinatos na niya dahil malaki naman ang naghihintay sa kaniya. Nang masiguro niyang kumpleto na ang kaniyang perang pambayad, mabilis niya itong ipinadala sa lalaking dumating upang iabot mismo ang kahon na naglalaman daw ng pera.

Sabik ang dalagita habang binubuksan niya ang kahon. Malaking ngiti ang makikita sa mga mukha ni Andrea hanggang sa makita niya ang laman nito. Napawi ang ngiti dahil nakita niya na puro bato ang laman ng kahon!

“Ano ‘to?! Ano to?!” sigaw ng dalagita.

Ang kahon na ipinadala sa kaniya ay may lamang mga bato. Wala ni-piso siyang nakita sa loob ng kahon na iyon. Lubos ang panlulumo ng dalagita sa nangyari. Dahil dito, pinalayas siya sa bahay na tinutuluyan niya dahil wala siyang maiaabot. Sinubukan niyang tawagan ang mga pulis ngunit wala na itong magawa. Hindi na rin niya muling nakausap ang nobyong banyaga. Napagtanto niyang nabiktima siya ng sumisikat na scam sa internet.

Umuwing lumuluha si Andrea sa kaniyang ina na noo’y kumakain ng tanghalian. Nilapitan siya ng kaniyang ina at inalok siya ng pritong itlog na ulam nito. Niyakap siya nito at doon lalong humagulgol ang dalaga.

Walang nagawa si Andrea kundi ang pumasok sa mga trabahong maaaring pagkakitaan. Ito ay upang mabayaran ang perang hiniram niya mula sa mga tao. Habang lumilipas ang panahon, lalo lamang nadadagdagan ang utang ni Andrea dahil sa tubo. Kaakibat naman niya sa problema ang inang hindi nagdalawang-isip na tumulong sa kaniya.

Advertisement