
Wala nang Ibang Bukambibig ang Ginang Kundi ang Kahilingang Mamayapa na ang Baldadong Mister; Labis ang Pagsisisi Niya sa Huli
“Hay, naku talaga! Naiinis na ako sa buhay na ‘to! Puro na lang pahirap. Dahil ito sa’yo eh! Ayaw pa mamahinga nang tuluyan. Pinapahirapan mo pa ako!” himutok ni Aling Sena sa kaniyang mister na si Mang Benny habang nililinisan niya ang mga dumi nito.
Ilang taon na rin mula nang tamaan ng sakit na stroke si Mang Benny. Noong siya raw ay malakas pa, walang araw na nagtigil ang haligi ng tahanan sa kanilang bahay. Ubod kasi ng sipag nito. Sa araw-araw na kaniyang pagkayod bilang karpintero, napagtapos niya sa kursong arkitektura ang kanilang nag-iisang anak na si Bea na sa kasalukuyan ay nasa ibang bansa na.
Sa kabilang banda naman, naiwan si Aling Sena na mag-isang nag-aasikaso sa kaniyang sarili pati na sa kaniyang mister. Marami man siyang plano para sa sarili, hindi niya ito magawa dahil hindi niya maiwan mag-isa ang mister. Subalit kahit na pinupunan niya ang responsibilidad, walang araw naman ang lumipas na hindi niya hiniling na mamayapa na lamang ang mister.
Isang tanghali, labis ang pagkainis ng ale dahil maraming tao sa kanilang barangay ang hindi nagbayad ng utang sa kaniya. Katirikan pa naman ng araw habang siya ay naniningil. Subalit wala ni isa sa mga taong may utang sa kaniya ang nagbigay man lang kahit na piso.
Pag-uwi sa kanilang bahay, nakita niya ang mister na nakahandusay na lamang sa sahig. Nakakalat sa sahig ang mga dumi nito at wala itong pang ibabang suot. Labis ang pagkunot ng ulo ni Aling Sena nang masaksihan ang ganoong pangyayari.
“Ano na naman ba ‘yan?! Jusme!” puro mura ang inabot ni Mang Benny mula sa kaniyang misis na si Aling Sena.
Habang nililinis niya ang dumi, panay naman ang bunganga ng ale. Dahil masama na rin naman ang naging takbo ng kaniyang araw, muli na naman niyang sinabi sa asawa ang masasakit na salita.
“Alam mo kapag wala ka na, magiging masaya na siguro ako. Makakaalis-alis na ako kahit saan ko gusto. Isa pa, hindi ko na kailangang magpagod araw araw. Aba! Daig mo pa sanggol. Mabuti pa nga ang sanggol, maganda pagmasdan. Ikaw? Hindi! Nakakasuka ang amoy mo!” dagdag pa ng ale sa kaniyang mister na nakapikit lamang habang nakahiga sa kaniyang kama.
Nagpatuloy ang mga araw ni Aling Sena na parang isang normal na mga araw lamang. Pagod sa araw-araw ang kaniyang nararamdaman dahil kailangan niyang bumili ng mga gamot ni mang Benny, mamalengke, magluto, maglaba, maglinis at asikasuhin pa ang mister. Lahat ng mga ito para sa kaniya ay pagpapahirap. Sa edad na sisenta, aniya, dapat ay nagpapakasarap na lamang siya sa kaniyang buhay. Subalit mas lalo raw naging mahirap noong sila ay tumanda na.
Isang umaga, nadinig ni Aling Sena ang balitang tinamaan daw ng nakakahawang sakit ang matalik na kaibigan niyang si Aling Rosie. Dahil sa nakikita niya ang kaibigan sa bahay nito na walang anumang karamdamang dinaramdam, nagpatuloy si Aling Sena sa pakikipagkwentuhan sa kaibigan.
Dumating ang isang araw, masaya ang ale dahil sa araw na iyon, pupuntahan sila ng kaniyang dalawang apo. Maaga pa lamang at namalengke na siya. Pagkatapos niyang magluto, naglinis pa siya ng bahay at pinaliguan ang mister.
Ilang sandali lamang at dumating na rin sa wakas ang mga bata kasama ang asawa ng kaniyang anak. Walang mapaglagyan ang tuwa na nararamdaman ni Aling Sena sa tuwing bibisita sa kaniya ang mga apo. Siyempre, nagkunwari ang ale bilang maalaga at mabuting asawa sa kaniyang mister.
Pagkalipas ng isang linggo mula nang sila ay bisitahin ng mga apo, laking gulat ni Aling Sena ang biglaang pagpanaw ng kaniyang kaibigang si Aling Rosie. Ang sanhi raw ay ang nakakahawang sakit na mayroon ang matanda. Takot ang naramdaman ng ale sa bawat oras at araw na lumilipas.
Hindi rin nagtagal, tinamaan na rin ng sakit ang kaniyang mister. Ilang araw din ang itinagal ni Mang Benny habang labis ang hirap nito sa paghinga. Subalit sa kasawiang palad, tuluyan nang namayapa ang kaniyang mister.
Ang lahat ng sakripisyo ng kaniyang asawa ay nagbalik lahat sa ale. Ang paghihirap nito sa kaniyang trabaho pati na ang pagpapakain sa kanila ng kaniyang anak. Patuloy ang pagtangis ng ale hanggang sa mabalitaan ang isa pang masamang pangyayari.
Ilang araw lamang ang lumipas matapos ang pagkasawi ni Mang Benny, nabalitaan ng ale ang biglaan ring pagkasawi ng kaniyang dalawang apo. Ito raw ay dahil din sa sakit na malamang ay nakuha rin sa kanila.
Isang gabi, nakatulala lamang ang ale sa kama kung saan dati rati ay nakahiga ang kaniyang mister.
“Kasalanan ko ang lahat ng ‘to. Ang pagkasawi mo pati na ng mga apo natin… Sana ako rin ay kuhain na para hindi na ako mabuhay habang sinisisi ang sarili ko sa mga nangyari…” patuloy na pagluha ang tanging nagawa ng ale habang siya ay nakakulong sa kanilang bahay at kinakausap ang sarili.
Marahil daw ay karma na niya na ang mga nangyari. Ang tanging nakaligtas lamang at hindi nagkaroon ng sakit ay siya upang hanggang sa huling hininga niya ay maisip niya ang masamang ugaling ipinakita sa kaniyang mister.