Inday TrendingInday Trending
Parang Kapatid na ang Turing ng Isang Amo sa Kaniyang Kasambahay; Kayanin Niya Kaya Kapag Nagpaalam Ito?

Parang Kapatid na ang Turing ng Isang Amo sa Kaniyang Kasambahay; Kayanin Niya Kaya Kapag Nagpaalam Ito?

“Carol, pwede bang sa’yo na muna matulog si Gabby ngayong gabi? May kailangan kasi akong lakarin bukas, ayokong mapuyat,” nakangiting pakiusap si Namie sa kasambahay na si Carol.

“Pwede naman,” tugon nito. “Ihatid mo na lang siya sa’kin mamaya ‘pagtapos ko na ang lahat ng gagawin ko,” dugtong ni Carol.

Malapad na ngumiti si Namie. “Salamat, Carol. Maaasahan ka talaga,” aniya.

Nakangiting iniripan siya ni Carol saka mahinang bumulong ng “bola.” Ang totoo’y matagal na niyang kasambahay si Carol, bagong kasal pa lang sila ng kaniyang asawa’y ito na ang kasama niya sa bahay.

Ang trabaho ni Carol ay maglinis ng bahay at maglaba, siya naman ang bahala sa pagluluto at pag-aasikaso ng kaunti sa bahay nila. Pero mula noong nanganak siya sa panganay niyang anak, ang trabaho na lamang ni Carol ay alagaan ang anak niya at paminsan-minsan ay tumutulong rin ito sa mga kasama, lalo na kapag wala na itong gagawin dahil tulog na ang mga bata.

Kung tutuusin ay hindi isang kasambahay ang turing ni Namie kay Carol, para niya itong panganay na kapatid. Ito ang nahihingahan niya ng problema at kung ano-anong sikreto. Saksi rin ang babae sa lahat ng nangyayari sa buhay nilang pamilya. Kaya ang samahan nila’y higit pa sa mag-amo.

Kapag may kailangan siya kay Carol ay nakikiusap muna siya at hinihingi ang permisyon nito. Hindi din naman kasi siya ang klase ng among palautos at nanghahamak ng kapwa por que siya ang amo at katulong lang niya ang mga ito. Pantay ang tingin niya sa lahat ng kasambahay niya, matimbang nga lang talaga si Carol dahil sa tagal na nilang magkasama.

Isang araw habang abala si Namie sa ginagawang trabaho ay biglang lumapit sa kaniya si Carol, umiiyak at natataranta. Ayon rito’y katatawag lamang ng anak nito upang ihatid ang masamang nangyari sa kaniyang asawa. Nabundol ang asawa ni Carol at kritikal ang lagay nito sa ospital.

“Namie, kailangan na kailangan kong umuwi,” hagulhol nito. “Gusto kong makita ang asawa ko, Namie, hindi ako mapapakali kapag nandito ako at nandoon siya sa amin, kritikal ang lagay. Namie, hindi ko kaya!” tangis ni Carol.

Ilang beses na niyang nakikitang umiiyak si Carol pero ito ang unang beses na grabe ang pag-iyak nito. At nasasaktan siyang nakikita itong ganito. Upang agad na makauwi si Carol ay kinuhanan niya ito ng ticket sa eroplano na ngayong araw rin ang lipad pauwi sa probinsya nito. Tinulungan niya rin ito sa pag-eempake.

“Carol, kapag maayos na ang lahat sa inyo, bumalik ka ah,” ani Namie.

Mangiyak-ngiyak na tumango si Carol saka hinawakan ang kamay ng mabait na amo.

“Sisikapin kong makabalik agad, Namie,” anito. “Sana mapadali ang paggaling ng asawa ko, para makabalik ako agad. Pero kung hindi ko man makuhang bumalik na, Namie. Nais kong magpasalamat sa kabutihan mo,” tangis nito sabay yuko sa kamay niya.

“Napakaswerte ko dahil sa’yo ako napunta. Hindi mo kailanman pinaramdam sa’kin na isa lamang akong hamak na kasambahay, hindi mo ako itinuring na iba at iyon ang labis na ipinagpapasalamat ko. Mahal na mahal ko kayo, Namie, pati ang buong pamilya mo. Maraming salamat, Namie, sa lahat-lahat.” Umiiyak na wika Carol.

Umiiyak na niyakap ni Namie si Carol. “Babalik ka pa rito, Carol, hindi mo kailangang magpaalam. Hindi ko kayang magpaalam sa’yo nang ganito, masyado akong nasanay na nand’yan ka,” aniya.

Nang ihatid nila si Carol sa airport upang makauwi na ito’y pakiramdam ni Namie ay nagpapaalam siya sa kaniyang mga magulang. Ang sakit ng dibdib niya pero kailangan niyang hayaan si Carol na pansamantalang umuwi sa pamilya nito. Wala siyang ibang hinihiling kung ‘di ang kaligtasan nito at sana’y gumaling na agad ang asawa nitong nasa kritikal na kondisyon.

Isa lamang ang nasisiguro niya, mamimiss niya si Carol ang kaniyang mabait at mapagkakatiwalaang kasambahay na para na niyang pamilya.

Lumipas ang mga araw ay araw-araw niyang kinukumusta ang lagay ni Carol sa probinsya at kahit malayo sila sa isa’t-isa ay parang nandoon pa rin ito sa kaniyang tabi dahil araw-araw naman silang nagkakausap.

Tatlong buwan na ang nakakalipas mula noong nagpaalam si Carol sa kaniya at ngayon nga’y nagsabi itong malapit na itong bumalik sa Maynila upang muling manilbihan sa kaniya. Siya na mismo ang nag-alok kay Carol kung nais nito’y dalhin na rin nito ang buong pamilya upang mas mapanatag ang loob nito kasama ang pamilya dito sa Maynila.

Tuwang-tuwa naman si Carol na tinanggap ang alok ni Namie. Sa pagbalik nga nito sa Maynila ay kasama na nitong lumuwas ang asawa at ang dalawa nitong anak. Parang pamilya na talaga ang turing ni Namie kay Carol pati na rin sa buong pamilya nito. Pinagawaan ni Namie ng maliit na bahay si Carol sa bakanteng bakuran nila Namie, upang mas malapit lang ito sa kaniya.

Ngayon ay hindi na lang si Carol ang kaniyang trabahante, naging drayber nila ang asawa nito at si Namie na rin ang nag-sponsor sa pag-aaral ng dalawang anak ni Carol. Ang swerte ni Carol dahil si Namie ang kaniyang naging amo.

Sana lahat ng kasambahay ay makatagpo ng among kagaya ni Namie.

Advertisement