Agad na Pinagyabang ng Lalaking Ito ang Investment Niya, Sa Huli’y Babalik din pala Siya sa Dating Pinagkakakitaan

“Ano ba naman ‘yan, Jeje? Hanggang ngayon, namamasada ka pa rin ng pedicab? Paano ka aasenso niyan? Ayaw mong gumaya sa akin! Tingnan mo, ang alwan-alwan na ng buhay ko ngayon kumpara noon na namamasada ako katulad mo!” pangmamaliit ni Marlon sa dating kasamahan sa pamamasada, isang araw nang makita niya itong naghihintay ng pasahero sa palengke. 

“Gusto ko rin namang umasenso, pare, kaso, wala akong makitang ibang pagkakakitaan, eh. Baka pupwede mo namang ituro sa akin kung anong pinagkakakitaan mo ngayon para makaalis na ako sa mahirap na buhay na ito,” sambit nito na ikinangisi niya.

“Naku, may pera ka ba na pwedeng ipahiram sa isang malaking kumpanya? Iyon kasi ang ginagawa ko, eh, pinahiram ko ang pera ko at buwan-buwan, may dumadating na pera sa akin nang hindi man lang ako nilalabasan ng pawis!” pagmamalaki niya pa saka pinakita rito ang matabang wallet niya.

“Wala, eh, dalawang daan lang ang kinikita ko sa pamamasada. Ibabawas pa roon ang renta sa pedicab,” daing nito na ikinatawa niya.

“Diyos ko! Wala ka nga talagang pag-asa, kung ako sa’yo, isabit mo na ang sarili mo sa poste ng bahay niyo! Ay, barong-barong nga lang pala ang bahay niyo baka bumagsak pa kapag sumabit ka roon!” malakas niya pang sabi saka humalakhak dahilan para iwan siya nito dahil sa kahihiyang nararamdaman.

Simula nang matuklasan ni Marlon ang tungkol sa investment, lumaki na ang kaniyang ulo. Walang araw na hindi niya pinagmamalaki sa mga taong kasama niya noon sa hirap ang alwan ng buhay niya ngayon dahil sa negosyong ito.

Kahit na mula rin sa utang ang pinangpuhunan niya rito noong nagsisimula pa lang siya, labis niya pa ring pinagmamalaki ang perang nakukuha niya kada buwan nang hindi man lang siya nakakaramdam kahit kakarampot na kapaguran.

Kaya naman, pakiramdam niya ito na ang siyang sasagot sa kahirapang kaniyang naranasan mula pa lang noong bata siya. Tiwala siyang magtutuloy-tuloy ito hanggang sa tuluyan na siyang maging milyonaryo kagaya ng pangarap niya.

Advertisement

Mainis man ang iba sa ugaling pinapakita niya, palagi niyang katwiran, “Ayos lang naman magyabang kung may maipagyayabang naman talaga. Nagagalit sila sa akin dahil hindi na nila ako maabot ngayon. Ang mga mahihirap na nilalang nga naman, palaging nakangawa!”

Matapos siyang layasan ng dating kaibigan dahil sa pagiging mahangin niya, agad na rin siyang umalis sa lugar na iyon at umuwi upang hintayin ang perang ipapadala ng pinagmamalaki at pinagkakatiwalaan niyang kumpanya.

Ngunit lumubog na ang araw, wala pa rin siyang natatanggap na tawag o kahit mensahe sa kausap niyang ahente roon. Kinakabahan man siya dahil baka siya’y takbuhan ng mga ito, pilit niyang pinakalma ang sarili at kinumbinsing sila’y may pinirmahang kasunduan na pwede niyang panghawakan kapag nagkaproblema.

Dahil sa pag-aalalang nararamdaman, kaniyang napagdesisyunan na tawagan na ang ahenteng kausap niya. Hagulgol nito ang bumungad sa kaniya na labis na niyang ikinalamig. 

“Sir, pasensya na, kailangang-kailangan ko lang talaga ng pera pangpagamot sa nanay ko. Salamat sa pinahiram mong pera. Halos kalahati na naman ang naibalik ko, sir, tulong mo na lang sa akin ‘yong kulang at tubo,” patawa-tawang sabi nito sa kaniya na agad niyang ikinatigil.

“Huwag mo akong biruin ng gan’yan! May pinirmahan tayong kontrata, ipapakulong kita!” sigaw niya rito.

“Kahit saang korte mo ‘yon dalhin, wala ‘yong saysay, sir. Dapat binasa mo ‘yon bago mo pirmahan. Kawawa ka naman!” sambit pa nito saka siya tuluyang binabaan ng tawag.

Muli man niyang subukang kausapin ito, hindi na niya ito makontak dahilan para siya’y manlambot na lang at mapahagulgol sa laki ng perang nawala sa kaniya.

Advertisement

“Inutang ko lang din ‘yon, paano ako makakabayad ngayon?” iyak niya.

At dahil nga siya’y ginigipit na rin ng pinagkakautangan niya, wala na siyang ibang nagawa kung hindi ang bumalik sa pamamasada.

Pinagtatawanan man siya ng mga drayber na minaliit niya noon, buong puso niyang tinatanggap ang mga pangbubuska nito dahil alam niyang siya’y nagkamali at masyadong nagpadala sa ideyang siya’y yayaman nang walang hirap na ginagawa.

Simula noon, siya’y labis na nagsumikap upang makabayad sa kaniyang pagkakautang. Bukod sa pamamasada, pumasok din siyang kargador sa palengke para lamang magkaroon ng dagdag kita.

Malaking aral sa buhay ang natutunan niya sa naranasang panloloko na nagbunga ng mabuting asal sa kaniya.

“Hindi ko na sana pinagyabang noon ang biyayang hindi ko pa natatanggap. Ngayon tuloy, doble ang pasakit na nararanasan ko,” sabi niya sa sarili habang nagmamaneho ng nirentahan niyang pedicab.