Palaging Kinukumpara sa Yumamang Kaibigan ang Dalagang Ito, Kabutihan ang Ginawa Niyang Puhunan upang Yumaman

“Leah, matalik mong kaibigan ‘yong naipabalita sa telebisyon, hindi ba? Grabe, ano, labing walong taong gulang pa lang siya, may malaki na siyang bahay at lupa, may mamahalin pang sasakyan! Hindi katulad mo, hanggang ngayon, nagbebenta pa rin ng sampaguita sa lansangan!” pangmamaliit ni Nora sa dating kaeskwela, isang umaga nang makita siya nitong naglalako ng sampaguita sa harap ng simbahan.

“Ano namang mali sa ginagawa ko? Ang mahalaga, may naipapakain ako sa pamilya ko habang nag-aaral ako,” sagot ni Leah habang panay pa rin ang pag-alok ng sampaguita sa mga taong lumalabas at pumapasok sa simbahan. 

“Diyos ko, pinagmamalaki mo ‘yong isang kilong bigas at isang de lata na pinipilit niyong pagkasiyahin sa isang araw? Kung ako sa’yo, Leah, may itsura ka naman, mag-apply ka na lang bilang bayarang babae doon sa bagong bukas na bar. Tiyak, papatok ka sa mga ibang lahi roon!” payo nito na kaniyang ikinatawa. 

“Kahit kailan, hindi ko ‘yan naisip dahil magtatagumpay ako sa paraang malinis sa mata ng Diyos. Ikaw, kailan mo balak magtrabaho? Hanggang ngayon, palamunin ka pa rin ng mga magulang mo,” pangbabara niya rito na ikinataas ng kilay nito.

“Aba, maghinay-hinay ka sa sinasabi mo, baka gusto mo makatikim ng sampal ni S*tanas!” pananakot nito sa kaniya saka siya inirapan at nilayasan. 

Palaging kinukumpara ang dalagang si Leah sa dati niyang kaibigan na bigla na lang sinuwerte sa buhay na ngayo’y matagumpay nang negosiyante at may sarili nang mga ari-arian.

Dati silang parehas na nagbabanat ng buto para sa kani-kanilang pamilya habang sila’y nag-aaral pa noon sa hayskul. Sabay silang pumapasok sa eskwela, gumagawa ng kanilang mga takdang-aralin at proyekto, at naglalako ng mga kakanin, isda, at gulay sa lansangan para lamang may pera silang pangbaon at pangkain kinabukasan.

Buong akala niya noon, habambuhay na silang magtitinda ng kaniyang kaibigan ngunit biglang nagbago ang buhay nito nang may umampon ditong milyonarya at ito’y dinala sa ibang bansa. 

Advertisement

Matalino at madiskarte ang kaibigan niyang ito dahilan upang magkaroon ito ng sariling negosyo. Ito ang dahilan para simula noon, umingay na ang pangalan nito at siya’y halos araw-araw na kinukumpara sa dalagang iyon.

Nasasaktan man siya, Diyos ang ginawa niyang sandalan upang makaraos sa buhay. Wika niya pa, “Hangga’t nasa puso ko ang Diyos, walang imposible, magbabago pa ang takbo ng buhay ko!”

Nang araw na ‘yon, ginawa niya ang lahat upang mabenta ang sampaguitang tinda niya dahil kailangan niya pang gumawa ng mga takdang-aralin niya sa eskwela.

Ngunit, natapos na ang misa at lahat-lahat, may natira pa ring mga sampaguita sa kaniyang mga kamay. Binilang niya ang perang napagbentahan niya at napabuntong hininga na lang siya nang malamang pang isang kilong bigas pa lang ang nabebenta niya.

Bago pa man niya muling maisilid sa kaniyang bulok ka pitaka ang kaniyang mga benta, may isang matanda ang biglang lumapit sa kaniya at nanghingi ng limos. Sabi pa nito, “Pangbili ko lang ng tinapay, hija.”

At dahil nga alam niya ang pakiramdam na kumakalam ang tiyan, hindi siya nagdalawang-isip na bigyan ng pera ang matanda nang may ngiti sa kaniyang mga labi.

“Ayos lang ba sa’yo, hija? Mukhang hindi ka na makakabili ng pagkain sa pera mo,” sambit nito.

“Wala pong problema, lola, ako na pong bahala,” nakangiti niyang wika rito.

Advertisement

“Ang bait mo naman, ito, o, magsimula ka ng negosyo mo,” tugon nito saka siya inabutan ng isang sobre mula sa maruming supot nito na labis niyang ikinagulat.

Magsasalita pa lang sana siya nang ituro ng matanda ang kamerang nakatutok sa kaniya at doon niya nalamang nakuhanan ng bidyo ang kabaitang ipinakita niya.

Umingay sa social media at telebisyon ang bidyong iyon at milyong-milyong tao ang naantig sa kabutihang ipinakita niya. Maraming nagpaabot ng tulong sa kaniya bukod sa perang natanggap niya sa naturang programa. 

Doon na nagsimulang umasenso ang buhay niya. Muli na rin siyang natagpuan ng matalik niyang kaibigan dahilan para siya’y pumasok na rin sa malakihang pagnenegosyo na talagang nagpabago ng buhay ng kaniyang buong pamilya.

“Hindi ka talaga nagpatalo, Leah, sa kaibigan mo, ano? Kung siya sa telebisyon lang naipalabas, ikaw pati sa social media, sikat ka!” sabi sa kaniya ng tsismosang si Nora na ngayong empleyado niya na sa negosyong sinimulan niya.

“Huwag mo na kaming palaging ipagkumpara, dahil parehas kaming nagtagumpay dahil sa aming sipag, kabutihan, at pananampalataya,” tugon niya rito na ikinatahimik nito.

Simula noon, araw-araw siyang nagpapamahagi ng tulong sa mga tinderang katulad niya. Hindi man ito kalakihan katulad ng natanggap niya noon na nagpabago ng buhay niya, masaya siyang napapangiti niya ang mga pagod at nawawalan na ng pag-asang mga masisipag na tao.