Nagagalit ang Lalaking Ito Tuwing Pinapangaralan ng Ina sa Pagiging Ama Niya, Ito Rin Pala ang Tatawagin Niya sa Oras ng Kagipitan

“Bong, dumadaing na naman ng sakit ng tiyan ang anak mo. Ipatingin mo na kaya ‘yan para malaman nating kung bakit nagkakagan’yan ang anak mo?” payo ni Winnie sa kaniyang anak, isang araw nang muli na namang dumaing sa kaniya ang apong pitong taong gulang lamang.

“Naku, mama, ilang beses ko bang dapat sabihin sa’yo na dahil lang ‘yan sa sobra niyang pagkain? Nae-empacho lang ‘yan, mama, masyado kayong nag-aalala!” tugon ni Bong habang panay ang bilang sa perang kinita niya sa pagbebenta ng baboy.

“Paano ka nakakasiguradong empacho lang ‘yang nararamdaman ng anak mo? Halos araw-araw dumadaing ‘yan sa akin na masakit ang tiyan niya. Ano ‘yon, hindi na gumaling-galing ang empacho niya?” sabi pa nito na labis niyang ikinainis.

“Hayaan niyo na kasi, mama, nangingialam pa kayo, eh. Ang mahal-mahal ng pagpapatingin ngayon sa doktor!” sigaw niya rito dahilan para labis itong magalit sa kaniya. 

“O, sige, bahala kang mataranta kapag may nangyaring masama riyan sa anak mo!” sigaw rin nito saka binalibag ang pintuan ng kanilang bahay. 

Hindi gusto ng padre de pamilyang si Bong na pinapangaralan o tinuturuan siya ng kaniyang ina kung paano maging isang magulang sa kaniyang anak. Ayaw na ayaw niyang pinakikialaman nito ang mga desisyon niya bilang isang ama. Palagi niyang sinasabi, “Matanda na ako, mama, alam ko ang dapat at hindi dapat para sa anak ko, hayaan niyo na ako!” 

Doble pa ang inis na nararamdaman niya ngayong may dinadamdam na sakit ang anak niya na palaging dumadaing sa kaniyang ina dahilan para halos araw-araw siyang kulitin nitong ipatingin na sa doktor ang kaniyang anak na lingid sa kagustuhan niya.

Ito ay dahil pakiwari niya, nasosobrahan lang sa pagkain ang anak niya at wala siyang dapat ikabahala. Bukod pa roon, ayaw niya ring gumastos ng pera dahil may pinag-iipunan siyang kotse na noon pa man niya gustong makuha. 

Advertisement

Nang araw na iyon, matapos nila magtalo ng ina, agad niyang pinagalitan ang kaniyang anak. Ngunit imbis na umiyak ito sa mga masasakit na salitang sinasabi niya, labis niyang pinagtaka ang hindi nito pagkibo.

“Anak, anong nangyayari sa’yo?” tanong niya rito at nang hindi pa rin ito sumasagot, nilapitan na niya ito at doon niya nalamang wala na itong malay habang nakahawak sa tiyan.

Dahil doon, siya’y nagsusumigaw upang hingin ang tulong ng kaniyang ina na nasa kabilang bahay lamang. Agad naman itong sumaklolo at tumawag ng sasakyan upang maidala na sa ospital ang kaniyang anak.

Habang nasa daan, pilit niyang ginigising ang anak habang panay ang panalangin ng kaniyang ina.

Mangiyakngiyak siyang humingi ng tawad sa batang karga-karga niya na hanggang ngayon, wala pa ring malay.

“Kahit magkano ang gastusin ko, anak, magising ka lang, parang-awa mo na,” iyak niya.

Nang makarating na sila sa ospital, agad na itong isinailalim ng mga nars at doktor sa pagsusulit, at doon nila nalamang malapit nang pumutok ang apendiks nito.

“Nawalan po ng malay ang anak niyo dahil hindi na niya nakayanan ang sakit at kung nahuli pa po kayo ng ilang minuto, baka wala na po ang anak niyo ngayon,” balita sa kaniya ng isang nars habang inooperahan na ang kaniyang anak.

Advertisement

Hinang-hina siyang yumakap sa kaniyang ina na panay pa rin ang dasal sa isang gilid. Labis din siyang humingi ng tawad at nagpasalamat sa ginawa nitong pangungulit sa kaniya.

“Pangako, mama, simula ngayon, hindi na ako magagalit tuwing pinapangaralan mo ako. Hindi na rin ako manghihinayang gumastos para sa anak ko. Uunahin ko na siya kaysa ang pansarili kong kagustuhan, mama,” hagulgol niya rito kaya siya’y mariing na niyakap nito.

At tila dininig naman ng Panginoon ang mga panalangin ng kaniyang ina dahil makalipas lang ang halos isang oras, matagumpay na naoperahan ang kaniyang anak.

“Salamat po! Salamat sa inyong lahat!” sabi niya sa mga nars at doktor na agarang rumesponde sa kaniyang anak. 

Malaki-laki man ang nagastos niyang pera sa operasyong ito, hindi siya nakaramdam ni katiting na panghihinayang dahil buhay naman ng kaniyang anak ang nailigtas.

Simula noon, siya’y naging isang responsableng ama. Kung dati’y palagi niyang iniisip ang pansariling kagustuhan, ngayon, inuuna na niya ang kaniyang anak at labis na nagpapasalamat sa gabay ng kaniyang inang hinding-hindi sumuko at nagtanim ng galit sa maling asal niya noon.