Nanggigil ang Gurong Ito sa Estudyanteng Pilyo, Naiyak Siya nang Malaman ang Dahilan sa Likod Nito

“Napakaingay mo riyan sa likuran, Arnold! Kahit kailan talaga, hindi ka nakikinig sa mga talakayan sa klase ko! Bakit ka pa pumapasok kung gan’yan lang naman ang ginagawa mo?” sigaw ng gurong si Claire sa estudyanteng tawa nang tawa sa likurang bahagi ng silid.

“Ito kasing si Bentong, ma’am, eh, pinagtatawanan ang suot mong damit! Para ka raw pong ube langka na sorbetes!” katwiran pa nito sa gitna ng mga hagikgik.

“Wala ka talagang galang! Hindi na ako nagtataka kung bakit palagi kang binabagsak ng mga guro mo! Hindi ka ba nahihiya na tatlong taon ka na sa ikaapat na taon sa hayskul, ha? Katanda-tanda mo na para magpasaway!” bulyaw niya pa rito habang naglalakad patungo rito.

“Huwag niyo na kasi akong pansinin, ma’am, lalo lang mamumuti ang buhok mo sa akin. Sige ka, ikaw rin, baka hindi ka na talaga makapag-asawa!” wika pa nito na ikinatawa ng iba pang estudyante. 

“Arnold, tawagan mo ang mga magulang mo! Mag-uusap kami! Isasama na kita sa mga magtatapos para lang hindi na kita makita rito!” sigaw niya pa saka madiing piningot ang tainga nito.

“Ma’am, huwag po! Pasensya na, ma’am, tatahimik na po ako,” kalmado nitong biglaang sambit habang nakatungo na kaniyang pinagtaka.

Gigil na gigil ang gurong si Claire sa estudyanteng si Arnold na makailang beses nang bumabagsak sa ika-apat na taon sa hayskul dahil sa kapilyuhan nito.

Lagi niya pa itong nagiging estudyante dahilan para lagi siyang mainis sa palagiang pagpapapansin nito tuwing siya’y nagtuturo sa harapan. Kung hindi ito tatawa nang tatawa sa pwesto nito sa likuran, mapapansin niya na lang na nag-aabot ito ng pagkain sa ibang estudyante na labis niyang ikinaiinis dahil walang nakikinig sa kaniya.

Advertisement

Ito ang tanging dahilan para naisin na niyang makapagtapos na ito upang malaya at tahimik na siyang makapagturo. Lalo pa ngayong pinagtatawanan nito ang kaniyang itsura, agad siyang nagdesisyong isama na ang pangalan nito sa mga magtatapos kahit alam niyang wala itong natutunan. 

Nang araw na iyon, bago siya lumisan sa klase ng naturang binata, muli niya itong pinaalalahanang tawagan ang mga magulang. Tumango-tango lang ito at agad na lumihis ng tingin na lalo niyang ikinainis.

Kaya lang, naubos na ang mga estudyante sa paaralang pinagtatrababuhan niya, hindi pa rin siya pinupuntahan ng binatang iyon at dahil nga gusto na niyang pagtapusin ito ng pag-aaral, siya’y nagdesisyong puntahan ito sa bahay para makausap ang mga magulang nito.

Wala na siyang sinayang na oras at agad nang nagtungo sa address nito na nakita niya sa mga dokumento nito sa paaralan.

Ngunit, pagdating niya sa bahay ng binata, dalawang lalagyan ng abo at litrato ng magkasintahan ang sumalubong sa kaniya. Nakalagay ang mga ito sa lamesa kasama ang mga medalyang nakapangalan sa naturang binata.

“Ah, eh, pasensya na po, ma’am, ha? Hindi ko po sila matawagan, eh, sabay po kasi silang sumakabilang buhay. Tatlong taon na ang nakalilipas dahil sa isang aksidente,” kwento nito kaya siya’y nakaramdam ng awa.

“Pa-pasensya na, hijo, hindi ko alam. Sa iyo ang mga medalyang ito? May angkin ka palang talino, eh, bakit hindi mo magawang makapagtapos?” pang-uusisa niya rito.

“Kagaya po ng sabi ng iba, pag-aaral po talaga sa hayskul ang pinakamasayang panahon sa buhay ng isang tao. Tuwing pumapasok po ako, nakakalimutan kong mag-isa na lang ako sa buhay. Sinasadya ko po talagang hindi makapasa para hindi ako makaalis sa lugar na siyang napagkukuhanan ko ng kasiyahan. Pasensya na po, ma’am, sa pagiging pasaway ko,” sambit pa nito na talagang nagpalambot sa puso niya. 

Advertisement

Doon niya nabuo ang ideya kung bakit ganito ang binatang ito sa klase niya. Sa sobrang lungkot ng buhay nito, sa piling ng mga kaklase ito humuhugot ng lakas upang maging masaya sa buhay.

At dahil nga alam niyang hindi pwedeng habang-buhay na maging estudyante sa hayskul ang binata, nagdesisyon siyang kupkupin ito at ituring sariling anak.

“Wala pa rin naman akong pamilya, hijo, payag ka bang ako ang tumayong magulang mo?” sabi niya na talaga nga namang ikinaiyak ng binata sa tuwa.

Simula noon, nanumbalik ang tunay na kasiyahan sa puso ng binata. Muli rin itong nag-aral nang mabuti na labis niyang ikinatuwa. Ilang buwan pa ang lumipas, sa wakas ay kasama na ang pangalan nito sa mga makakapagtapos sa hayskul. 

“Hindi ko na po kailangan manatili rito dahil mayroon na pong taong nagpapasaya at nag-aalaga sa akin, at ikaw po iyon, Ma’am Claire!” sabi pa nito sa kaniya bago tuluyang kuhanin ang diploma sa entablado na talagang ikinaiyak niya.