Ninais Niya na Magmukhang Kawawa ang Pinsan Niya sa Kanilang Prom; Namangha ang Lahat nang Dumating Ito

Sabik ang lahat. Ilang araw na lang kasi ay gaganapin na ang araw na pinakahihintay nilang lahat. Ang kanilang Prom Night. 

Lahat ay abala sa pag-uusap tungkol sa mga naggagandahang gown at mga sapatos. Ngunit sa isang sulok ay makikita ang isang babaeng nakatalungko, malungkot ang mata habang nakikinig sa mga kaklase niyang masayang naghuhuntahan. Si Ivy.

“Ivy, may gown ka na ba?”

Napalingon si Ivy nang marinig ang tanong ng kaklase niyang si Jelly.

Malungkot siyang umiling.

“Bakit naman wala pang gown? Hindi ba’t isang mananahi ang nanay mo?” muling tanong nito.

Bago pa siya makasagot ay may isa nang sumabat sa usapan nila. Ang kaklase at pinsan niyang si Pepper.

“Ha? Hindi ka ba pwedeng ipagtahi na lang ni Tita? ‘Di ba mananahi siya?” tanong nito.

Advertisement

Napakunot noo si Ivy. Hindi ba alam ng pinsan niya kung ano’ng mga tinatahi ng kaniyang ina?

“Hindi naman mananahi ng gown si Nanay, eh, mga basahan ang tinatahi niya,” kiming sagot niya rito.

Narinig niya ang bulungan ng ilan sa mga kaklase.

“Paano ‘yan, Ivy? Sasama ka pa ba? Sayang naman, kasi huling taon na natin sa hayskul,” tila nalulungkot na komento ni Jelly.

“Saka sayang, kasi nung nakaraang taon, wala ka rin. Hindi ka tuloy nagkaroon ng tiyansa na maging prom queen kahit na ang ganda-ganda mo,” dagdag pa nito.

Napalingon sila kay Pepper nang magsalita ito.

“‘Wag kang mag-alala, Ivy, papahiramin kita ng gown na masusuot,” nakangiting wika ni Pepper.

Umani ito ng maraming papuri mula sa mga kaklase.

Advertisement

“Wow, ang bait-bait naman ni Pepper!”

“Sana ako rin, pinsan si Pepper!”

“Ang ganda na, ang bait pa!”

Gulong-gulo man si Ivy sa inakto ni Pepper ay pilit siyang ngumiti ay nagpasalamat sa pinsan. Naguguluhan siya dahil kapag sila lang ni Pepper ang magkasama ay hindi naman maganda ang turing nito kaniya.

Gayunpaman ay masaya na rin si Ivy. Hindi na niya po-problemahin pa ang susuotin niyang gown. Ayaw niya na rin kasi bigyan pa ng alalahanin ang kaniyang ina.

“Dadalhin ko na lang sa bahay n’yo, mamayang gabi, Ivy,” nakangiting wika ni Pepper bago ito lumabas sa kanilang klasrum kasama ang mga kaibigan.

Nang gabing iyon ay tinupad naman ni Pepper ang pangako nito na pahihiramin siya nito ng damit.

Ngunit malayong-malayo sa inaasahan niya ang dinala nito.

Advertisement

Isa iyong bestida na lumang-luma na. Sa sobrang pagkaluma noon ay dilaw na ang kulay noon, na marahil ay dating kulay puti.

Mabuti na lamang at wala pang kahit na anong sira ang damit.

“Eto lang ang pwede kong ibigay, eh. Alam mo na, mahal mga damit ko, hindi pwedeng ipahiram. Pero ito, sa’yo na ‘to,” humahagikhik na sabi pa nito nang iabot sa kaniya ang damit. 

Napangiwi si Ivy, ngunit ngumiti siya sa pinsan at nagpasalamat. Isa kasi sa mga bagay na tinuro ng kaniyang ina ay ang magpasalamat sa lahat ng tulong na natatanggap, maliit man o malaki.

“Kung ayaw mo naman, pwede ka namang hindi na lang pumunta. Ikaw bahala. Pero kung pupunta ka, goodluck! Puti rin ang gown ko, sana matalbugan mo ako,” sabi pa nito bago nagpaalam.

Nang lingunin niya ang kaniyang ina ay ngumiti ito at kinuha sa kaniya ang damit.

“Aba, himala at nag-iba ata ang ihip ng hangin. Bumait yata ang pinsan mo?” takang komento nito.

Napahagikhik na lamang siya sa komento ng kaniyang ina. Alam din kasi nito na may kagaspangan ang ugali ni Pepper. Palibhasa ay laki sa layaw.

Advertisement

“”Wag kang mag-alala, anak, akong bahala rito. Luma na ito ngunit maganda ang tela. Sisiguraduhin ko na ikaw ang magiging pinakamaganda sa araw ng prom,” nakangiting pangako nito.

Tumango siya sa ina. “Salamat po, Nanay.”

Samantala, habang naglalakad pauwi si Pepper mula sa bahay ng kaniyang pinsan ay hindi niya maiwasang matawa.

Nagprisinta lang naman siya kanina dahil gusto niyang magpakitang gilas sa kaniyang mga kaklase. Mabuti na lamang at nakalkal niya ang damit na pinahiram niya sa pinsan. Halos patapon na iyon.

“Tingnan na lang natin kung hindi siya magmukhang t*nga,” nakangising bulong niya.

Sumapit ang araw ng prom. Dahil gabi iyon, hapon pa lang ay nagtungo na siya sa salon para sa kaniyang beauty rest.

Nais siguraduhin ni Pepper na siya ang tatanghalin na “Prom Queen”, ang titulo na siya rin ang nakakuha noong nakaraang taon.

Nang matapos ayusin ang kaniyang makeup at buhok ay isang ngiting tagumpay ang pumaskil sa labi ni Pepper. Mas lalo lang siyang gumanda!

Advertisement

“Ang ganda mo, hija,” puri pa sa kaniya ng babae, kaya naman lalong lumapad ang kaniyang pagkakangiti.

Halos nakakasiguro na siya na siya ang ituturing na Prom Queen mamayang gabi. Hindi ang pinsan niya, dahil ano ba naman ang suot nito kumpara sa mamahalin niyang suot at ayos?

“Magmumukha siyang pulubi kung itatabi sa akin,” humahagikhik na bulong niya.

Nang gabing iyon, sakay ng makintab nilang kotse ay tumungo si Pepper sa lugar kung saan gaganapin ang kanilang prom.

Gaya ng inaasahan ni Pepper ay sinalubong siya ng humahangang tingin ng lahat. Napangiti siya nang marinig ang bulungan. Magandang-maganda siya sa puti niyang gown.

“Grabe, ang ganda ni Pepper!”

“Sana maisayaw ko mamaya si Pepper.”

“Malamang, si Pepper na naman ang tanghaling Prom Queen.”

Advertisement

Nang makaupo siya ay agad siyang pinutakti ng mga kaklase. Nilingon niya ang paligid upang hanapin ang pinsan na si Ivy. Nang hindi niya ito makita ay palihim siyang nangiti. 

“Siguro hindi na pupunta,” sa loob-loob niya.

Subalit maya-maya ay lumakas ang bulungan dahil sa pagdating ng isa pang babae na puti rin ang suot.

Umani ito ng puna dahil bagay na bagay rito ang suot nitong gown na gaya ng sa kaniya ay puti rin ang kulay.

Tumaas ang kilay ni Pepper. Sino ang misteryosang babae?

Nanlaki ang ata niya nang makitang papalapit ito sa mesa nila. Habang papalapit kasi ang misteryosong babae ay unti-unti niya ring nakikilala ito. 

“Ivy?” gulat na sambit niya.

Ngumiti ito bago marahang hinaplos ang damit na suot-suot.

Advertisement

“Salamat dito ha, nakapunta ako sa prom,” anito.

Bago pa man siya makapagsalita ay dinumog na ito ng mga kaklase nila.

“Grabe, ang ganda-ganda mo, ikaw ang pinakamaganda rito!”

“Ang ganda ng gown mo, siguro ang mahal niyan!” tila naiinggit pa na bulalas ng iilan.

“Hindi, bigay lang ‘to ni Pepper. Tinahi lang ni Nanay ang disenyo para mas gumanda pa lalo,” nahihiyang paliwanag nito.

Pinigilan ni Pepper na mapairap. “Ang ganda, bagay sa’yo,” labas sa ilong na papuri niya.

Nang sumapit ang parte ng programa na iaanunsyo ang Prom Queen ay labis ang kaba ni Pepper. Kung noon una ay sigurado siya na siya ang mananalo, ngayon ay hindi niya na alam. Hindi niya naman kasi maikakaila na magandang-maganda rin talaga si Ivy nang gabing iyon.

Ngunit tuluyan na siyang nadismaya nang marinig ang pangalan ng nanalo.

Advertisement

“Ang ating Prom Queen sa taong ito ay walang iba kundi si… Ivy Jimenez!”

Umugong ang masigabong palakpakan. Lahat ay may malawak na ngiti maliban kay Pepper. Hindi siya makapaniwala. Paanong nadaig siya ng kaniyang pinsan, gayong halos basahan na ang suot nito?

Ngunit nalaman niya rin ang sagot sa kaniyang tanong nang lumapit sa kaniya si Ivy at ipatong sa ulo niya ang korona.

“Para saan ‘to?” naguguluhang tanong niya.

“Sa’yo na ‘to. Hindi naman mahalaga ito sa’kin. Alam ko na mahilig ka sa mga ganito. Isa pa, kung hindi dahil sa’yo, hindi naman ako makakapunta. Kaya heto, bilang pasasalamat ko, ibibigay ko sa’yo ang korona,” paliwanag ni Ivy.

Noon tuluyang napagtanto ni Pepper ang katotohanan. Parati na lamang niyang hinahangad na maungusan si Ivy, gayong para rito ay wala naman talagang kompetisyon.

Simula noon ay nag-iba na ang tingin niya sa pinsan. Hindi na ito isang kaaway at kakompitensya. Bagkus ay isa na itong mabait na kaibigan na kasa-kasama niya sa pagharap sa buhay.