Siniraan Niya ang Karinderya ng Kakompitensya; Magtagumpay Kaya Siyang Mapatalsik Ito?

Napasimangot si Katrina nang makita ang pagdagsa ng tao sa karinderya sa tapat. Halos hindi nawawalan ng tao roon, at abalang-abala ang bawat isa sa pag-aasikaso sa mga kustomer.

Samantalang sa karinderya niya, dalawa lang ang tao.

Mas lalo pang uminit ang ulo niya nang aksidente niyang marinig ang bulungan ng dalawang kustomer.

“Dapat pala doon tayo kumain sa kabila, pare. Ang panget ng lasa ng pagkain nila rito,” wika ng lalaki.

“Oo nga. Ang dami kasing tao. Sa susunod, agahan na lang natin, ayaw ko na rin bumalik dito,” sagot ng kaharap nitong lalaki.

Ilang sandali pa ay umalis na ang dalawa. Nang tingnan niya ang mesang iniwan ng dalawa ay halos hindi man lang nangalahati ang pagkaing in-order ng mga ito.

Wala nang katao-tao sa karinderya niya nang mga sandaling iyon.

“Bwisit talaga ‘yang karinderya ni Analyn! Simula nung nagbukas siya, inagaw niya na lahat ng kustomer ko!” inis na bulong niya habang masama ang tingin sa karinderya sa tapat.

Advertisement

Dahil sa inggit ay isang maitim na balak ang nabuo sa isipan ni Katrina.

Pasikreto niyang ni-report niya ang karinderya ni Analyn. Naisip niya kasi na sa dami ng kustomer nito, imposible na mapanatili pa nito ang kalinisan ng tindahan.

“Kumain ho kasi ako noong isang araw, tapos nagsuka ako nang walang tigil. Ang sabi sa ospital baka raw ho food poisoning,” paggawa niya pa ng kwento habang kausap sa telepono ang isang pulis.

Sigurado siya na kapag hindi ito sa handa sa inspeksyon ay hindi ito makakatakas sa mapanuring mata ng mga nag-iinspeksyon.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay abala na si Katrina sa pagluluto ng maraming putahe.

“Kapag nalaman ng mga tao na hindi malinis ang karinderya ni Analyn, lilipat sila sa karinderya ko,” sa isip-isip ng

Napangisi siya nang saktong tanghalian ay huminto sa tapat ng karinderya ni Analyn ang isang sasakyang pampulis. Lulan noon ang dalawang mamang pulis.

Pasimple siyang lumapit sa kabila at nag-obserba. Narinig niya pa ang pagtatanong ng isa sa mga pulis.

Advertisement

Hitik sa tao ang karinderya nang oras na iyon, at kita niya ang gulat sa mukha ng ilang kumakain nang makita ang mga pulis.

“Ito ho ba ang karinderya ni Ma’am Analyn Ruiz? May natanggap ho kasi kaming reklamo tungkol sa karinderya niya, food poisoning daw po,” sabi ng pulis.

Mula sa kung saan nakatayo si Katrina ay mas lalong lumawak ang kaniyang pagkakangisi. Hindi na siya makapaghintay na maipasara ang karimderya ng kakompitensya niya!

Ilang saglit pa ay humahangos na lumabas si Analyn mismo, upang salubungin ang pulis. Bakas din sa mukha ng babae ang gulat at pagtataka.

“Naku, hindi ko po alam na may ganoon palang pangyayari, dahil wala naman pong ganoong nakarating sa amin… pero kung nais n’yo pong bisitahin ang kusina ko, pwede naman po,” magalang na sabi nito sa mga pulis.

Sa gulat ni Katrina ay isa-isa na ring umalma ang mga kustomer sa karinderya.

“Sir, wala naman pong problema rito! Ilang buwan na kami kumakain dito, wala namang problema. Mura at malinis ang tinda nila rito. Mabait pa ang may-ari!” sabi ng isa.

Tila napahiya ang mga pulis at nag-alangan na ituloy ang pag-iinspeksyon.

Advertisement

“Naku, ayos lang ho! Wala naman ho kaming dapat itago. Alam ko naman po na responsibilidad niyo na mag-asikaso kung may reklamo,” ani Analyn na nagpatiuna na sa pagpunta sa kusina.

Sumunod naman ang mga pulis sa babae.

Tahimik na naghintay si Katrina. Makalipas ang humigit-kumulang isang oras ay lumabas din ang mga ito.

Nagulat si Katrina dahil panay-panay ang paghingi ng paumanhin ng dalawang pulis.

“Pasensya na po sa abala, Ma’am,” wika pa ng dalawa.

Asar na asar si Katrina. Hindi kasi siya makapaniwala na nalusutan ni Analyn ang biglaang inspeksyon. Noon niya naisip na marahil ay malinis talaga ang operasyon ng karinderya ng babae.

Paalis na ang mga pulis nang isa sa mga kustomer ang sumigaw.

“Sir, alam n’yo ho kung alin ang dapat n’yong puntahan? ‘Yung karinderya sa tapat! Doon ako kumakain dati, at ‘yun talaga ang hindi malinis, kitang-kita ko ho mismo. Baka ho pwede n’yong bisitahin n’yo ngayon, nandito na rin naman kayo,” anito.

Advertisement

Nanlaki ang mata ni Katrina sa narinig. Hindi maaari!

Ngunit nang marinig n’yang pumayag ang mga pulis ay agad-agad siyang tumakbo pabalik sa sarili niyang karinderya.

Tarantang niyang inutusan ang isa sa kaniyang tauhan na bugawin ang mga langaw na paikot-ikot sa mga ulam na kanilang itinitinda.

Mag-uutos pa sana siya na maglinis-linis sa kusina ngunit sumungaw na ang dalawang pulis sa pintuan.

“Ma’am, may nagrereklamo ho ukol sa kalinisan ng karinderya n’yo… kailangan lang ho namin na tingnan ang loob ng karinderya para makasigurado na sumusunod kayo sa batas tungkol sa kalinisan,” bungad nito.

Agad na tumapang ang mukha ni Katrina. Nais takasan ang biglaang inspeksyon. 

“Hindi, hindi ako papayag! May pruweba ba kayo?” mataray na sagot niya.

Hindi agad nakapagsalita ang dalawang pulis. Akala niya ay abswelto na siya, ngunit muling nagsalita ang isa sa mga pulis.

Advertisement

“Nasa kabilang karinderya lang ho ang nagreklamo. Sandali lang ho at tatawagin namin,” sagot nito.

Walang siyang nagawa nang iharap na sa kaniya ang nagrereklamo. Sa huli ay pinayagan niya na rin ang mga ito na pumasok sa parte ng karinderya kung saan nila hinahanda ang mga pagkaing itinitinda.

Pagbukas pa lang ng pinto ng kusina ay sinalubong na sila ng masangsang na amoy ng mga basurang nakatambak sa isang gilid. Pinamumugaran iyon ng mga langaw.

Sa lababo ay tambak ang maruruming plato na hindi pa nahuhugasan. Nang buksan ang ref kung saan nakatambak ang mga sangkap na halos nabubulok na ang iilan.

Naiiling na bumaling sa kaniya ang mga pulis. Bakas sa mukha ng dalawa ang pagkadismaya.

Si Katrina naman ay namumutla na sinubukang magpaliwanag.

“Sir, lilinisin po namin ‘yan lahat, hindi lang po talaga namin inasahan na bibisita po pala–”

“May inspeksyon man o wala, responsibilidad n’yo na panatilihing malinis ang lahat, lalo na’t pagkain ang tinda n’yo,” putol ng pulis sa anumang sasabihin niya.

Advertisement

“Isasara ang karinderya n’yo, ngayong araw rin,” pinal na sabi nito. 

Habang tinatanaw palayo ang dalawang pulis ay labis ang pagsisisi ni Katrina, lalo na nang makita niya ang mas lalo pang pagdagsa ng kustomer sa karinderya sa tapat nila.

Dahil sa inggit niya ay sinubukan niya itong siraan, ngunit bumalik din sa kaniya ang masamang bagay na ginawa niya.

Sa pagsasara ng karinderya ni Katrina ay dumami pa lalo ang kustomer ni Analyn dahil sa kawalan ng kakompitensya. Isang napakalaking aral ng pangyayaring iyon kay Katrina—ang sinumang hindi lumalaban nang patas ay hindi nananalo!