Kinatatakutan ang Silid-Aklatan Dahil sa Kwentong Kababalaghan; Ano ang Istorya sa Likod Nito?

“P’re, palit naman tayo ng shift. Ayaw ko talaga ng panggabi ako, tapos doon pa ako sa may silid-aklatan nakatoka,” problemadong saad ng kasamahan ni Gener na si Buboy.

Iyon ang naabutang tagpo ni Gener. Pilit na nakikipagpalit ng iskedyul si Buboy sa iba pa nilang security guard na kasamahan. Wala namang gustong pagbigyan ito. 

Dahil hindi niya maintindihan kung bakit tila nagdadahilan ang lahat, nagdesisyon siya na sumabat sa usapan ng mga ito.

“Ano’ng meron dito? Bakit parang determinado ka talaga na maghanap ng kapalit? May personal na problema ba?” sunod-sunod niyang tanong sa kasama. 

“Naku, Mang Gener, may kumakalat kasing balita rito sa eskwelahan. Hindi n’yo pa ho ba naririnig?” sabat ni June, isa rin sa mga kasamahan nila.

Napakunot-noo siya bago muling nag-usisa. Wala naman kasi siyang kaide-ideya anong balita ang pinag-uusapan ng mga ito.

“Balita? Anong klaseng balita ‘yan?” aniya.

“Hindi n’yo po alam? Ang sabi ho kasi ng mga estudyante, may multo raw sa silid-aklatan. Palagi raw nilang naririnig na may nagsasalita bandang likod pero wala naman daw tao, lalong-lalo na kapag gabi. Minsan nga ay may nakakita pa raw ng isang babaeng nakaputi at mahaba ang buhok. Pero agad ding nawala na parang bula pagkatapos ng ilang segundo,” nanlalaki ang matang pagkukuwento ni Buboy, bakas sa mukha nito ang matinding takot.

Advertisement

Sa narinig ay hindi maiwasang matawa ni Gener.

“Naku, mga bata kayo, ang hihilig n’yong takutin ang mga sarili n’yo. Hindi totoo ang multo. Gawa-gawa lang ‘yan ng imahinasyon n’yo!” kontra niya.

Eksaheradong umiling si Buboy.

“Mang Gener! Hindi naman po siguro mabubuo ang isang kwento nang ganoon lang. Malamang may pinagmulan talaga ‘to!” 

Tumango na lamang siya nang hindi na humaba ang diksusyon. Pero sa isip niya ay alam niya na hindi totoo ang sabi-sabi, lalo pa’t hindi naman siya mismo ang nakasaksi ng nakakatakot na pangyayari.

“Basta ako, naniniwala ako sa multo kaya ayaw ko talaga magbantay doon kung gabi! Baka magpakita sa akin bigla!” nahihintakutan na pahayag pa ni Buboy.

Sa huli ay bumuntong-hininga na lamang si Gener at nagparaya.

“O sige, payag na ako. Ako na lang ang papalit sa iyo,” pagpayag niya.

Advertisement

Napailing na lamang siya nang paulit-ulit itong magpasalamat.

Wala naman iyon sa kaniya. Hindi siya naniniwala sa multo dahil hindi pa naman siya nakakita ng ganoon ni minsan.

Ngunit nang gabing iyon, habang nagroronda siya sa labas ng silid-aklatan ay may narinig siyang kakatwang tunog mula sa loob, tila tunog ng kung anong bagay na nahulog.

Agad niyang binuksan ang pinto ngunit sinalubong siya ng dilim at katahimikan, senyales na walang tao.

Sinipat niya rin ang relo at nakitang ala-una na ng umaga. Noon siya nakasiguro na wala na ngang tao roon, dahil hanggang alas dose lang pinapayagan ang kahit na sino na manatili sa loob ng eskwelahan, maliban sa mga security guard na gaya niya.

Lalabas na sana siya at magpapatuloy na sa pagroronda nang makarinig siya ng mahinang boses. Sa hina ng boses ay hindi niya matukoy ang sinasabi ng boses. Noon ay sigurado na siya sa narinig niya. Sa kauna-unahang pagkakataon ay bahagyang nakaramdam ng kaba si Gener lalo na’t naalala niya ang mga ikinuwento ni Buboy kanina.

Totoo nga kaya na may multo sa lugar na ito?

“May tao ba riyan?” kabadong tanong niya. Ngunit walang sumagot.

Advertisement

Maya-maya pa ay nahagip niya ang paggalaw mula sa may kurtina. Dahil sa liwanag ng buwan ay kitang-kita niya ang isang babaeng nakaputi at nakatayo. Nataranta siya sa nakita at hindi sinasadyang naitutok sa pigura ang dala niyang flashlight.

Tila nagulat ang misteryosong babae at nagtakip ng mata na tila nasisilaw.

“Manong!” tawag nito.

Nang tawagin siya nito ay doon niya napagtanto na hindi ito isang multo kagaya ng iniisip ng lahat, kundi isang estudyante rin doon. Pamilyar ang mukha ng dalagita. Suot-suot pa nito ang puting-puti uniporme ng kanilang eskwelahan. “Lampas ala una na!” bulalas niya. Sapo niya pa ang kaniyang dibdib dahil sa labis na gulat. 

Kinusot nito ang mga mata bago ngumiti nang alanganin.

“Pasensya na po, nakatulog ako habang nag-aaral. Palagi talaga itong nangyayari sa akin. Sorry po, natakot po yata kayo,” paliwanag nito habang isa-isang iniimis ang mga gamit sa sahig.

Natawa si Gener.

“Natakot ako noong narinig kong may nagsasalita. Pero hindi lang ako ang natakot. Akala ng mga kaeskwela mo, multo ka! Bakit ka nga ba narito? Hindi ka ba hinahanap sa inyo?” takang usisa niya sa estudyante.

Advertisement

Nilingon siya nito.

“Minsan po kasi ay nagsasalita ako habang tulog. Siguro po dahil sa sobrang pagod. Galing po kasi ako sa trabaho. Imbes na umuwi ay pumupunta ako rito para makapag-aral nang maayos. Madalas po kasi kaming maputulan ng kuryente sa bahay at saka dito ko lang po nababasa nang libre ang mga librong kailangan ko. Mahal po kasi kung bibilhin ko pa,” paliwanag nito.

“Sana po ay ‘wag n’yo akong isumbong. Baka po kasi hindi na ako payagan dito sa silid-aklatan,” maya-maya ay pakiusap nito.

May naramdamang habag si Gener sa dalagita. Natahimik siya bago tumango.

“Ililihim ko ito pero may kondisyon ako, lalo pa’t lumabag ka sa patakaran ng eskwelahan. Ayokong nagpapalipas ka ng gabi rito. Bago mag-alas dose ay uuwi ka na. Hindi maganda na hindi ka nakakapagpahinga at nalilipasan ka ng gutom. Maliwanag ba?” banayad na pangaral niya.

Tumango naman ito at pinukol siya ng isang matamis na ngiti.

“Salamat po!” masiglang bulalas nito. 

“Alagaan mo ang sarili mo. Sigurado akong mahalaga sa magulang mo na nag-aaral ka nang mabuti ngunit mahalaga rin na ligtas ka sa lahat ng oras. ‘Wag mong abusuhin ang sarili mo, at baka magkasakit ka niyan,” bilin niya pa rito.

Advertisement

Doon natuldukan ang misteryo ng “multo” sa silid-aklatan. Napatunayan niya na ang lahat ng kwentong kababalaghan ay tunay ngang may pinagmulan. Subalit hindi laging multo ang sasagot sa misteryo.