Ipinanganak na Mukhang Unggoy ang Anak ng Mag-asawang Doktor; Ginawan Nila ng Paraan Upang Mabago Ito

Kilala si Myra bilang isa sa pinakamagagaling na maninistis sa pinakamalaking ospital sa kanilang lungsod. Dito na siya nagtagal simula pa lamang nang siya ay makapagtapos sa kaniyang kurso at digri na medisina. Dito rin sa ospital na ito ay nakilala niya si Macoy na kinalaunan ay kaniyang pinakasalan. Parehong doktor ang dalawa ngunit sa magkaibang departamento. Ngayon ay mahigit dalawang taon na silang kasal at siya ay pitong buwan nang nagdadalang tao.

“At dahil nangyari na iyan sa iyo, alam mo na siguro kung ano ang dapat mong gawin, hindi ba, hon?” marahang wika ni Macoy kay Myra matapos nilang lumabas sa silid kung saan nanggaling ang babae dahil siya ay nawalan ng malay habang nakaduty sa ospital.

“Hindi. Kaya ko pa. Kaya ko ‘to!” biglang sambit ni Myra na halata ang pagkainis dahil sa sinabi ng kaniyang asawa.

Nagsimulang magtalo ang mag-asawa dahil kahit na malaki na ang tiyan ni Myra, ayaw pa nitong tumigil sa kaniyang trabaho. Mariin niyang itinatanggi na maselan ang kaniyang pagbubuntis. Ang kaniyang katuwiran ay malakas ang kaniyang resistensiya at saka lamang siya titigil kapag dumating na mismo ang buwan kung kailan siya nakatakdang manganak.

Simula ng kanilang pagtatalo, nais man na masunod ni Macoy ay wala siyang magawa kundi ang sumunod sa nais ni Myra. Nagpatuloy ang kanilang malamig na away sa ospital man o sa kanilang bahay. Halos hindi na rin sila nagkakatagpo sa bahay dahil magkaiba ang kanilang toka sa ospital.

Isang hapon, nagulantang si Macoy nang muli siyang ipatawag sa ospital dahil sa pangalawang pagkakataon, nawalan raw ng malay si Myra. Nang makarating siya doon, sinabi ng doktor na ligtas naman daw ang bata ngunit kinakailangan na raw ni Myra na magpahinga mula sa kaniyang trabaho.

“Ayos ka lang ba? Kumusta ang pakiramdam mo? May masakit ba sa iyo?” sunod-sunod na katanungan ni Macoy nang makita na nagkakaroon na ng malay ang asawa.

Tumingin nang malalim si Myra sa kaniyang asawang puno ng pag-aalala at nakatitig sa kaniya. Huminga siya nang malalim at humingi ng tawad dito. Muling nagkaayos ang dalawa at umuwi sa kanilang bahay nang matiwasay.

Advertisement

Dalawang buwan ang lumipas at dumating na ang araw ng panganganak ni Myra. Sabik ang mag-asawa sa kanilang magiging anak. At ilang oras lamang, sa wakas ay nasilayan na nila ang itsura ng kanilang anak. Mabalahibo ito at hindi kaaya-aya ang pisikal na anyo nito. Kahit na ito ay babae, hindi makita sa mukha nito ang pagiging isang babae o kahit na pagiging tao.

“Ano ba naman ‘yan! Iyong anak nila doktora, Myra mukhang unggoy! Diyos ko po!” usap-usapan ng mga kapwa doktor at ibang mga nars sa ospital na kanilang pinagtatrabahuan.

Sa una ay maraming mga pagtatalo ang naganap sa pagitan ng mag-asawa. Sisihan at turuan kung sino ang may kasalanan kung bakit nagkaganoon ang bata. Subalit kanilang napagdesisyunan, dahil sila ay parehong doktor, na isailalim sa operasyon ang kanilang anak upang mawala ang sobrang kapal na balahibo nito.

Nang tumuntong sa isang taong gulang ang kanilang anak, nahihiya silang ilabas ito sa publiko. Kung kaya naman kahit na litrato nito ay hindi nila ipinahihintulutang ilabas sa social media. Hindi rin nila ito isinasama sa tuwing mayroon silang selebrasyon kasama ang kanilang pamilya. Para sa kanila ay iniiwas lamang nila sa kutya ang anak ngunit alam nila na sa kanilang loob ay ikinahihiya nila ito na ilabas sa madla.

Nag-umpisa na ang mga pagtatanong-tanong ng mag-asawa sa mga kakilala nilang doktor kung paano mabibigyan ng solusyon ang makapal na balahibo ng anak. Hanggang sa nakilala nila ang isa sa pinakamahuhusay na nagreretoke.

“Masyado pang bata ang anak ninyo para sumailalim sa mga tests at mga medisina. Handa ba kayo kung ano ang magiging resulta?” tanong ng doktor sa mag-asawa.

Sasagot na sana si Macoy dahil kahit siya ay nag-aalinlangan na ipa-opera ang anak. Hindi kasi niya makakayanan na habambuhay sisihin ang sarili kung sakaling may mangyaring komplikasyon sa kalagitnaan ng operasyon ng kanilang anak.

“Oo! Handa kami. Alam na namin ang mga maaaring mangyari dahil doktor din kaming mag-asawa,” malakas na banggit naman ni Myra. Walang nagawa si Macoy kundi ang sumunod sa kaniyang asawa na desperada na maayos ang itsura ng anak.

Advertisement

Ilang araw ang lumipas at nagsimula na ang mga pagsusuri sa kanilang anak. May mga gamot na rin na iniinom ito at mga itinuturok para sa kaniyang balat. Nagtagal ito ng isang buwan at nakita ng mag-asawang maayos ang resulta nito. Natuwa sila at ipinagpapasalamat na nakikita nilang umaayos na ang itsura ng bata.

Dumating ang araw ng operasyon ng kanilang anak. Magkahawak ang kamay ng mag-asawa na naghihintay sa labas ng silid kung saan inooperahan ang bata. Ilang sandali lamang, may mga nars at ibang doktor pa ang sumunod sa loob at mukhang nagmamadali ang mga ito. Dito na nagsimulang kabahan sina Myra at Macoy.

Matapos ang mahigit limang oras, lumabas ng silid ang doktor ng kanilang anak. Bagsak ang mga mata nito na inihatid ang masamang balita sa mag-asawa. Hindi raw kinaya ng bata ang gamot na kanilang itinurok dahil may komplikasyon pala ito sa puso na hindi nila nalalaman. Halos bumagsak ang mundo ng mag-asawa matapos malaman ang balitang iyon.

Sa kanilang bahay, nakatulala lamang si Myra habang nagtitiklop ng mga damit ng kanilang anak. Natagpuan siya ni Macoy na lumuluha habang siya ay nakaupo sa kanilang sofa. Nilapitan niya ito at dahang-dahan na niyakap ang asawa.

“Kasalanan ko, Mac… Kasalanan ko!” wika ni Myra na may pagsisisi.

“Sshhh… Tahan na. Pareho nating ginusto iyon,” pag-aalo ni Macoy sa kaniyang asawa na lumuluha.

Puno ng pagsisisi ang mag-asawa at naturuan ng leksiyon na sana ay tinanggap na lamang nila kung ano ang itsura ng kanilang anak, dahil hindi lahat ay nasosolusyonan ng medisina at operasyon.