Inday TrendingInday Trending
Huwag Daw Papasukin ang Dulong Silid-Aralan, Mas Malala pa sa Multo ang Masasaksihan Niya!

Huwag Daw Papasukin ang Dulong Silid-Aralan, Mas Malala pa sa Multo ang Masasaksihan Niya!

“Ara, basta lagi mong tatandaan ang kalinisan ng mag-aaral at ng eskwelahan ang lagi nating kailangan ayusin. Ayaw ko nang nagsi-selpon tuwing trabaho at ayaw na ayaw ko rin ang tumatambay lang sa isang puwesto. Malaki ang eskwelahan na ito kaya naman hindi ka mauubusan ng wawalisin o lilinisin,” wika ni Mang Simon ang pinakakatiwala sa mababang paaralan na papasukan ng babae.

“Opo, Mang Simon, masipag naman po ako,” mahinang sabi ni Ara sa matanda.

“Nga pala, nakikita mo ba ‘yung dulong silid-aralan? Huwag na huwag mong papasukin iyon lalo na sa gabi dahil maraming multo roon! Maniwala ka sa akin kung gusto mo pang magtagal sa eskwelahan na ito,” bilin muli ng matanda sa kaniya.

Tinanaw lamang ni Ara ang itinuro ng lalaki at tumango-tango lamang siya kay Mang Simon.

Bago lamang sa lugar si Ara at ang kaniyang pamilya, dahil mahina ang kuha sa mister niya sa pagko-construction ay naisipan niyang mamasukan bilang tagalinis sa mababang paaralan doon. Sakto na rin dahil dito niya pinapasok ang kaniyang anak.

“’Nay, alam niyo po ba ang usap-usapan? May multo raw sa gabi roon sa dulong silid-aralan? Tinatakot ako ng mga kaklase ko at sinabing kapag daw nakita mo iyon ay paniguradong aalis na tayo rito! ‘Nay! Huwag na huwag kang maglilinis doon ha, kahit anong utos sa iyo!” wika ni Mina ang pitong taong gulang na anak ng babae.

“Naku, niloloko ka lang ng mga kaklase mo! Alam mo ba nung nasa ganyang edad mo ako ay may ganyang kwento rin sa pinapasukan ko noon pero panakot lang iyon sa amin dahil hindi naman totoo ang multo, anak!” natatawang sagot ni Ara sa bata habang naghihintay ito na matapos siya sa paghuhugas ng mga basahan.

Ilang buwan pa ang nakalipas at naging maayos naman ang lahat hanggang sa dumating isang araw na magpapabago sa buhay ng babae.

“Ara, pasensya ka na pero pwede bang ikaw muna ang pumalit sa akin sa panggabing puwesto. Kakaunti lang naman ang gagawin sa gabi at mag-iikot ka lang dahil may guwardiya naman talaga, isa pa sa eskwelahan naman natutulog si Mang Simon kaya hindi ka matatakot,” wika ni Ramon ang kasamahan na tagalinis ng babae.

“Gustuhin ko mang tumanggi pero ako naman ang magiging masama sa’yo niyan, sige na, ako na ang bahala,” sagot ni Ara sa lalaki kahit nga ang totoo ay natatakot siya dahil sa kaniyang mga kwentong naririnig tungkol sa dulong silid-aralan.

Alas otso pa lang naman ng gabi at nang makarating siya roon ay paikot-ikot lamang siya kahit nga may kaba sa kaniyang dibdib dahil aminado siyang may takot siya kahit papano sa mga multo. Hanggang sa napansin niyang biglang may umilaw ang silid-aralan na nasa dulo.

“Putik naman! Bakit may ilaw doon?!” kabadong wika ni Ara sa sarili at napapadyak pa ito.

Mas lalo pa siyang napapikit nang may dumaan na anino sa ilaw na nasisinagan niya.

“Sh!t talaga!” sigaw ni Ara at mabilis na lumayo, takbo-lakad-takbo ang kaniyang ginawa sa mga oras na iyon. Ngunit bigla siyang napahinto nang may bumagsak na gamit at may narinig siyang napasigaw.

“Hindi multo ‘yun!” sabi niya sa sarili sabay hinto ng paglalakad at tinignan niyang muli ang kinatatakutang silid-aralan. Bumalik si Ara kahit na kinakabahan dahil habang siya ay papalapit may mga tunog siyang naririnig na nakakatakot.

“Ara, titingnan mo lang, malay mo tinatakot ka lang nila! Kaya mo ‘to, Ara!” wika niya sa sarili kahit nga sobrang bagal ng kaniyang paglalakad. Biglang nawala ang liwanag at ingay sa paligid, napalitan ito ng malamig na hangin na siyang lalo pang nakapagpatayo ng balahibo ni Ara.

“Ayaw ko na, may multo talaga! Putik na ‘yan!” sabi niyang muli sa sarili at bumalik na naman. Saglit siyang huminto at huminga nang malalim. Naglakad siyang paatras at napakahina habang nakapikit saka huminto sa dulo. Tambak ito ng mga upuan kaya naman hindi niya makita ang loob. Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto saka sumilip.

“Aaaa!” sigaw ni Ara nang may makita siyang anino ng lalaki sa pader nakaupo.

“Diyos ko po!” sigaw naman ni Mang Simon na gulat na gulat din sa sigaw ng babae.

“Mang Simon! Anong ginagawa mo rito!? P@p@t*y!n niyo naman ako sa niyerbos!” baling ni Ara sa matandang lalaki.

“Ako ang dapat magtanong nyan! Hindi ba’t sinabi ko sa’yo na huwag mong papasukin ang silid na ito dahil may multo!” baling din ni Mang Simon sa kaniya saka may itinago sa kaniyang likuran.

“Naku, pinagloloko niyo ako, Mang Simon, ano iyang tinatago niyo at bakit kayo nandito?” tanong ni Ara at mabilis na kinuha ang tinatago ng matanda. Hindi nakapagsalita ang babae nang makita kung ano ito. Hindi na rin nagsalita si Mang Simon at nagsimulang maglakad palabas ng silid-aralan.

“Mang Simon, saglit lang po,” pagpigil ni Ara sa matanda.

“Matanda na ako, alam ko,” nahihiyang tugon ni Mang Simon sa kaniya.

“Hindi ko naman po kayo hinuhusgahan, pasensya na po kung ganoon ang dating sa inyo ng reaksyon ko pero wala naman pong mali o nakakahiya sa ginagawa niyo. Wala pong mali kung gusto ninyong matuto,” wika ni Ara sa matanda at hinawakan ang balikat nito. Kaagad namang napaluha si Mang Simon at naupo saka sinabi ang lahat kay Ara.

Hindi marunong bumasa o sumulat si Mang Simon at simula noong nagtrabaho siya sa paaralang iyon ay palihim siyang nag-aaral sa gabi kaya naman napagkakalaman na may multo palagi roon. Hinayaan na lang din niya ang paniniwalang ito para walang makaalam sa kaniyang sikreto. Simula noon ay ginalang pa rin ni Ara ang desisyon ni Mang Simon na itago sa lahat ang kaniyang pag-aaral ngunit mas pinili na niyang magbantay tuwing pang gabi dahil natutulungan na rin niya ang lalaki. Siya ang nagsisilbing guro kay Mang Simon sa abot ng kaniyang makakaya. Hindi nagtagal ay natutong magbasa, sumulat, at magbilang si Mang Simon at nang makaipon na siya ng lakas ng loob ay nag-aral siyang muli sa paaralan. Masayang-masaya si Ara dahil hindi lamang multo ang nawala roon kung ‘di maging ang takot ni Mang Simon na harapin ang mundo kahit nga sa edad niyang iyon.

Advertisement