Kinatatakutan ang Matandang Wala sa Sarili Nitong Pag-iisip; May Nakakaiyak na Istorya Pala ang Kaawa-awang Matanda

Kinatatakutan ang Matandang Wala sa Sarili Nitong Pag-iisip; May Nakakaiyak na Istorya Pala ang Kaawa-awang Matanda

FamilyHeartbreakingInspiringStories

“Naku ‘yan na naman si Bernie. Gumilid ka, hijo, at baka kung anong gawin niya sa’yo.”

Agad na kumunot ang noo ni Chito sa sinabi ni Aling Rosa, ang may-ari ng bahay na nirerentahan niya. 

Kalilipat lamang niya sa lugar na iyon dahil malapit iyon sa ospital kung saan siya nadestino. Isa siyang nurse. 

“Bakit po?” tanong niya habang sinusundan ng tingin ang tinutukoy nito – isang marungis na matandang lalaking naglalakad sa kalye.

May dala-dala itong mga kalakal at kung ano-ano pang gamit. Kitang-kita niya kung paano magtakbuhan ang mga bata at kung paano umiwas dito ang mga naglalakad kasabay nito. 

“Sino po ‘yun?” kuryoso niyang tanong. Wala pa naman kasi siyang kakilala roon. 

“‘Bernie’ ang itinawag namin sa kaniya, pero hindi naman Bernie ang totoong pangalan niya. Wala naman kasing nakakaalam kung sino ba siya o saan siya galing pero matagal na ‘yan pagala-gala dito sa bayan. Alam mo na, wala sa tamang pag-iisip,” paliwanag ni Aling Rosa.

“‘Wag kang lalapit doon, baka kung anong gawin sa’yo,” babala pa ng babae. 

Tumango naman siya ngunit hindi niya pa rin mapigilang mag-usisa. 

“Bakit po? May nasaktan na ba siya rito?”

Umiling ang babae. 

“Wala pa naman. Pero mag-ingat ka pa rin. Si Bernie na rin ang naging panakot namin dito sa makukulit na bata kapag ayaw sumunod,” dagdag pa nito.

“May nagtangka na po bang hanapin ang pamilya niya man lang? Malay natin meron pala?” muling pag-uusisa niya. 

“Wala. Wala ngang nakakalapit. Karamihan kasi takot sa kung anong maaari niyang gawin kaya hinahayaan na lang namin. Minsan inaabutan namin siya ng pagkain, pero hanggang doon lang naman ang kaya naming gawin para sa kaniya.”

“Oh siya, papasok na ako at medyo gumagabi na,” paalam ng babae matapos ang ilang sandali pa nilang pagkukwentuhan. 

Buong magdamag niyang iniisip si Bernie lalo na’t hindi niya maiwasang maikumpara rito ang kaniyang Lolo na may sakit na Alzheimer’s. 

Limot na ng kaniyang Lolo ang pamilya nila at kaya palagi itong lumalabas ng bahay nang hindi nila napapansin. 

Isang beses pa nga ay tatlong araw itong nawala. Mabuti na lang at naibalik ito sa kanila. Hindi niya malilimutan kung paano nag-alala ang kanilang pamilya sa pagkawala nito, lalo na ang kaniyang Lola na araw-araw umiyak. 

Bilang isang nurse at bilang isang apo ay alam niya kung gaano kahirap ang sitwasyon ng kaniyang Lolo.

Kaya naman sa tuwing makikita niya si Bernie, imbes na umiwas ay buong pag-iingat niyang sinusubukan na lapitan ito para bigyan ng pagkain at kausapin. 

Gusto niya kasing malaman kung may natatandaan ba ito tungkol sa pamilya nito, o kung natatandaan man lang ba nito ang tunay nitong pangalan. 

Ngunit ilang linggo niya na itong sinusubukang kausapin ay bigo pa rin siya.

Madalas siya sabihan ni Aling Rosa na lumayo sa matandang si Bernie subalit napagtanto niya na hindi naman pala ito bayolente at wala siyang dapat ikatakot. 

Sa ilang linggo niyang pananatili sa bayang iyon ay napalapit na ang loob niya sa matanda, na kung tawagin niya ay “Tatay Bernie.”

Madalas niya itong sabayan sa pagkain lalo pa’t madalas ito sa tapat ng kaniyang nirerentahang apartment. Madalas niya rin ito bigyan ng bitamina para lumakas-lakas naman ang resistensya ng matanda. 

Isang araw, laking gulat niya nang biglang sumigaw ito. Takot na takot ito habang itinuturo ang isang babaeng may hawak na payong.

Tila bata na nagtago ito sa ilalim ng mesa. 

“Baril! Babarilin niya tayo! Magtago ka sa kampo!” 

Nang silipin niya ito ay nakaramdam siya ng awa. Halatang-halata kasi sa mukha nito ang takot. Nakatakip pa ang kamay ng matanda sa tainga nito na animo’y may naririnig na nakabibinging tunog.

“‘Tay Bernie, hindi po ‘yun baril. Wala pong baril! Payong po ang hawak ng babae,” marahang paliwanag niya. 

Nanginginig ang mga kamay nito kaya naman hinintay niya itong kumalma sa habang marahan niyang hinihimas ang likod nito. 

Halos isang oras rin itong nasa ganoong estado. Panay ang pagbanggit sa mga salitang “baril,” “bomba,” “kalaban,” at “sibilyan.”

Doon napagtagni-tagni ni Chito ang mga pangyayari. Marahil ay isang sundalo ang matanda na naipit sa giyera, dahilan upang ma-trauma ito. 

Kaya naman ninais niya na mahanap ang matanda upang makasiguro siya na maaalagaan ito. 

Kinunan niya ito ng litrato at ipinost niya ang mga iyon sa social media. 

Nagpatulong rin siya sa mga kakilala niyang pulis at sa mga kaibigan niyang nagtatrabaho sa telebisyon at radyo para lang matukoy ang pagkakakilanlan ni Tatay Bernie at mahanap ang pamilya nito. 

Ilang araw ang lumipas. Isang matandang babae ang umiiyak na tumawag sa kaniya. “Susana” raw ang pangalan nito. Ito raw ang asawa ni Fernando, ang matandang tinatawag niya na “Tatay Bernie.”

Nang araw na magkita si Tatay Bernie at ang babaeng nagpakilalang asawa nito ay isang kakaibang ekspresyon ang nakita niya sa mukha ng matandang lalaki. Rekognisyon. 

“Susana?”

Sa gulat niya ay nakilala nito ang asawa!

Patakbo itong lumapit sa asawa na matagal nitong hindi nakita. Ang ginang naman ay wala ring patid ang pagtulo ng luha. Kasama ng ginang ay ang pamilya ni Tatay Fernando na tatlong taon na palang hindi tumitigil sa paghahanap dito. 

“Susana, tumakbo ako kasi hinahabol ako ng lalaking may baril. Babarilin niya ako, masakit ‘yun!” parang bata nitong pagsusumbong sa ginang. 

Maging si Chito ay napaluha at naantig ang damdamin sa nasaksihang muling pagkikita ni Tatay Fernando at ng pamilya nito. 

Sa kwento ng pamilya nito ay nakumpirma na Chito na isang sundalo nga si Tatay Fernando na sumabak sa giyera. Hindi man ito masyadong nagtamo ng pisikal na pinsala ay naapektuhan ang pag-iisip nito. Isang araw ay tumakas ito sa ospital, at hindi na ito nakita pang muli ng mga kaanak.

Kaya naman labis-labis ang pasasalamat ng mga kaanak ni Tatay Fernando sa pagmamalasakit niya. 

Mabuti na lamang pala at hindi niya ito pinandirihan; bagkus ay inunawa niya ito at pinakitaan ng malasakit. Sa wakas ay makakauwi na si Tatay Fernando sa tunay nitong tahanan. 

More Stories