“Marites! May ibabalita ako sa’yo! Napapansin mo ba si Sandra, ‘yung kapitbahay nating mayaman?!” nagmamadaling wika ni Fatima kay Marites nang habulin niya ito sa pagja-jogging.
“Wag mong sabihin sa akin na may lalaki talaga?” tugon naman kaagad ni Marites at huminto muna ang dalawa sa pagtakbo.
“Ilang beses ko na itong nakikita pero simula nung umalis ‘yung asawa niya ay napapadalas din ang pag-alis ni Sandra tuwing umaga, iba ang damit niya nung umalis at iba rin nung umuwi!” pabulong at pailing-iling na sinabi iyon ni Fatima sabay hampas sa kaniyang hita.
“Grabe! Hindi na siya nahiya e pinapalamon na nga lang siya nung lalaki! Siya pa ngayon ang may ganang maghanap ng iba!” komento naman ni Marites.
“Ayun na nga! Balita ko sa ibang mga kumare natin ito, na may ibang lalaki na raw ‘yan noon si Sandra pero pinatawad pa rin nung lalaki at itinira pa nga rito sa subdivision natin! Grabe! Ang mga babaeng katulad niyang mga walang class ay nakakadumi ng pangalan ng ating samahan. Parang hindi ko na siya kayang maging kaibigan!” sabi pang muli ni Fatima at tila nanginginig pa siya sa pandidiri sa babae.
Si Dro ang pinakamayaman sa lugar na tinitirhan nila ngayon. Naging mainit sa mata ng lahat nang mapangasawa nito si Sandra, ang babaeng walang tinapos at nakilala lamang ng lalaki sa isang car show ngunit binihisan at binigyan nga raw ng magandang buhay ng lalaki. Simula noon ay palagi nang nakatingin ang marami sa kanila at hindi mapagkakailang binabantayan din ang lahat ng galaw o balita sa kanilang buhay.
Biglang huminto ang dalawa sa kanilang pag-uusap nang mapansin na tumatakbo rin ang babaeng kanina lang ay pinag-uusapan nila.
“Sandra, balita namin ay nasa ibang bansa na naman si Dro, hindi ka ba nalulungkot at palagi kang mag-isa?” tanong ni Fatima nang pagitnaan nila ang babae at sinabayan ito sa pagtakbo.
“A, business trip lang sa Italy, ayos lang naman ako hindi naman malungkot kapag marami kang ginagawa o iniisip,” ngiting sagot ni Sandra sa dalawa at patuloy pa rin sila sa pagtakbo.
“Parang napapansin ko lang na palagi ka yatang umaalis kapag madaling araw? Alam ba ‘yan ni Dro?” pahayag naman ni Marites at ngumiti pa kay Sandra. Napansin nilang biglang bumagal ang takbo ng babae.
“A, oo naman, wala naman akong tinatago sa asawa ko,” dahan-dahan na sagot ni Sandra at saka ito nagpaalam para umuwi na. Nagkatinginan ang dalawa at parehas na nanlaki ang kanilang mga mata dahil alam nila sa isa’t isa na parehas sila ng iniisip.
Mabilis na umuwi ang magkaibigan at nag-ayos lamang ng kanilang sarili saka patuloy na minanmanan si Sandra. Totoo nga ang sabi ni Fatima, dahil uma-umaga itong umaalis at ibang-iba ang itsura sa tuwing bumabalik.
“Dali na, kausapin na natin si Dro! Ito na ang pagkakataon natin! Isa pa, ginagawa lang naman natin ito para rin sa kaniya kasi isipin mo, niloloko lang siya ng babaeng akala niya ay anghel!” pagpupumilit ni Marites kay Fatima nang makita nilang bumalik na si Dro mula sa ibang bansa. Mabilis nilang sinabayan ito sa pagtakbo at niyayang maupo kasama silang dalawa.
“Marites, Fatima, mukhang importante ang sasabihin niyo sa akin? Bakit parang napakaseryoso niyo naman, ang aga pa!” natatawang wika ni Dro na napilitang maupo sa lakas ng hatak sa kaniya ng dalawang babae.
“Dro, ayaw namin mangialam pero kailangan mong malaman ang totoo! Tungkol ito kay Sandra noong nasa Italy ka!” diretsong wika ni Fatima sa kaniya at nagtakip pa ito ng mukha.
“Anong mayroon sa misis ko?” halatang gulat na tanong ng lalaki. Walang kaabog-abog at sinabi nga nila ang lahat ng mga inipon nilang impormasyon mula sa babae.
Saglit na tumahimik si Dro at napapikit ito saka dahan-dahan na ngumiti.
“Salamat sa pag-aalala niyo para sa akin at sa pagsasama namin,” mahinang tugon ni Dro sa dalawa.
“Pero mali kayo ng inaakala,” mabilis na dagdag nito at napakunot naman kaagad ng noo ang dalawang babae.
“Sa totoo lang, hindi na namin ‘to dapat ipinaliliwanag sa lahat ng tao pero may mga katulad niyo na iba ang iniisip kaya naman ako na mismo ang maglilinaw sa inyo ng sitwasyon. Pork dealer si Sandra, ayon ang bagong negosyo niya halos ilang buwan na rin. Kaya madaling araw siyang umaalis dahil kailangang maaga siya sa mga palengke at kung saan pa na kailangan niyang suplayan. Hindi naman siguro siya dapat na umuwi na amoy baboy o amoy palengke kaya naman laging iba ang itsura niya pag umuuwi. Natatawa na lang ako kapag naiisip ko kung gaano kababa ang tingin niyo sa asawa ko, dahil sa totoo lang lahat ng paratang niyo sa kaniya na nakikinabang lang siya sa pera ko ay walang katotohanan. Dahil kahit misis ko na siya, pilit siyang nagbabanat ng buto hindi para sa akin kung ‘di para sa mga gusto niya at kasiyahan niya na alam kong hindi ko maaaring palitan ng pera,” bunyag ni Dro at namula kaagad ang mukha ni Fatima at Marites nang marinig ito.
“Kaya sana tigilan niyo na kaming mag-asawa, kasi yung misis ko siya pa mismo ang umiiwas sa inyo kahit wala naman siyang ginagawang masama. Tigilan niyo na kami, ayon lang ang tanging matutulong niyo sa amin, huwag niyo na kaming putaktihin ng kung ano-anong usap-usapan na ginagawa niyo. Salamat ulit, mauuna na ako,” paalam ni Dro sa dalawa at saka umalis.
Namumula at nanlalamig ang kanilang pawis kahit nga tirik na tirik ang araw. Lubos silang napahiya sa kanilang panghuhusga at sa kanilang kinakalat na balita dahil ngayon napatunayan nila na hindi lahat ng babaeng nanggaling sa mahirap na pamilya ay manggagamit ng pera at tao para umasenso dahil may natitirang katulad ni Sandra na nagpabago ng kanilang pananaw. Simula noon ay nilubayan na nila ang pagbabantay sa mag-asawa at hindi nagtagal ay lumago at sumikat ang negosyo ni Sandra. Mas lalo pa silang humanga dahil napakamapagkumbaba pa rin nito kahit nga kung tutuusin ay pwede na itong magyabang sa kanila.