Inday TrendingInday Trending
Malubha na ang Lagay ng Ina ng Dalagang Ito, Kumapit na Kaya Siya sa Patalim Dahil Dito?

Malubha na ang Lagay ng Ina ng Dalagang Ito, Kumapit na Kaya Siya sa Patalim Dahil Dito?

“Ah, eh, ma’am, magkano po ba ang maaari kong kitain sa trabahong ito?” pang-uusisa ni Melody sa aleng kumuha ng mga litrato niya, isang gabi matapos niyang malamang tanggap na siya sa isang trabaho sa isang bar bilang mang-aawit.

“Depende sa sipag at tapang mo. Ang mga batikan kong alaga, kumikita ng halos sampung libong piso o higit pa kada gabi,” sagot ng naturang ale na labis na ikinalaki ng mata niya.

“Naku, talaga po? Sobrang galing po siguro nilang kumanta, ano?” tugon niya na na ikinatawa ng ale.

“Napakainosente mo pa talaga sa trabahong ito, ano? Sigurado ka ba talagang gusto mo ang trabahong ito?” tanong nito dahilan para bahagya siyang mapaisip.

“Opo naman, ma’am, kailangang-kailangan ko po ng pera para maoperahan ang nanay ko,” buong loob niyang wika, kitang-kita sa mata niya ang kagustuhang makuha ang trabaho.

“Pwes, kailangan mong lawakan ang pag-iisip mo. Kapag sinabi ng kustomer na magsayaw ka o maghub@d, gawin mo agad ‘yon para malaki ang kitain mo,” payo nito na labis niyang ikinagulat.

“Seryoso po ba kayo?” paninigurado niya.

“Oo, kaya kung hindi mo kaya ‘yon, ngayon pa lang, umalis ka na sa lugar na ito,” payo pa nito na talagang ikinabuntong-hininga niya.

Ang dalagang si Melody na lang ang tanging pag-asa ng nanay niyang ilang buwan nang nasa ospital dahil sa isang malubhang sakit. Dahil nga hindi naman sila mayaman at siya lang ang tanging bumubuhay sa kanilang buong pamilya, kailangan niyang magdoble kayod upang mapagpatuloy ang pagpapagamot ng kaniyang ina.

Isa siyang saleslady sa mall na kumikita ng halos apat na raang piso kada araw na hindi sapat para sa pagkain ng kanilang pamilya at panggamot ng kaniyang ina.

Kaya naman, sa kagustuhan niyang matugunan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya lalo na ng kaniyang ina na lumalaban sa buhay, nang may makita siyang post sa social media na may naghahanap ng isang mang-aawit, hindi siya nagdalawang-isip na mag-apply dito.

Sakto namang magaling siyang umawit kaya malakas ang loob niyang makukuha siya sa trabahong ito at tila umayon sa kaniya ang tadhana dahil pagkapunta niya sa lugar na iyon, agad na siyang tinanggap ng may-ari ng naturang bar. Ngunit nang malaman niya ang kalakaran sa bar na ito, agad siyang nagdesisyong umayaw sa trabahong ito.

Pangungumbinsi niya sa sarili, “Makahahanap pa naman siguro ako ng ibang marangal na trabaho,” saka siya tuluyang umalis sa gusaling iyon.

Kinabukasan, maaga siyang nakauwi galing trabaho dahilan para dalawin niya ang kaniyang ina sa ospital na pinamamalagian nito.

Naabutan niyang tulog ang kaniyang ina habang tahimik namang naiyak sa paanan nito ang kapatid niyang galing eskwela.

“Bakit umiiyak ka? May masama bang nangyari kay mama?” pag-aalala niya.

“Ate, kailangan na raw talagang operahan ni mama dahil unti-unti na siyang humihina,” iyak nito dahilan para agad siyang mamroblema.

Dumating na rin ang doktor na tumitingin sa kaniyang ina at sinisingil na sila nito. Sambit pa nito, “Hindi na namin maaari pang palakihin ang utang niyo sa ospital, pasensya na po, kailangan niyo nang magbayad,” at doon na nabuo ang loob niyang muling bumalik sa bar na iyon. “Wala na, ito na lang ang makapagsasalba sa nanay ko. Bahala na!” iyak niya habang naglalakad patungo sa bar na iyon.

Sinabi niya ang problema sa aleng nakakausap niya dahilan para agad siya nitong isalang sa entablado at pakantahin.

“Galingan mo, sakto, marami tayong kustomer ngayon,” wika nito habang siya’y inaayusan ng buhok.

Pagkaakyat niya sa entablado, agad na nagpalakpakan ang mga lalaking kustomer. May mga naghihiyawan pa sa ganda ng kaniyang boses.

Maya-maya pa, may lalaking sumigaw nang malakas, “Hubarin mo na ‘yan!” dahilan para agad siyang maiyak.

“Panginoon, patawarin Mo ako, kailangan ako ng nanay ko,” iyak niya habang unti-unting tinatanggal ang suot niyang pangtaas.

Ngunit laking gulat niya nang biglang dumilim ang buong paligid, at may isang lalaking bumuhat sa kaniya palabas! Lalo siyang nagulat nang makitang ito ang dati niyang nobyong hiniwalayan niya dalawang taon na ang nakalilipas upang siya’y malayang makapagtrabaho at makatulong sa kaniyang pamilya.

“Kung may problema ka, magsabi ka sa akin, hindi ‘yong ibababa mo ang dignidad mo para kumita ng pera!” sambit nito dahilan para siya’y tuluyang humagulgol.

Inamin niya sa binata ang sitwasyon ng kaniyang ina at dahil napamahal na ang binatang ito sa nanay niya noong sila’y magkasintahan pa, agad siya nitong tinulungan.

Binayaran nito ang bill sa ospital ng kaniyang ina at siya’y binigyan ng trabaho sa negosyo nito sa Maynila na labis niyang ikinapasalamat.

“Salamat, Panginoon, binigyan Mo ng kasagutan ang problema ko sa tamang oras,” iyak niya habang pinagmamasdan ang dati niyang nobyo na kausap ang kaniyang ina.

Ilang buwan pa ang lumipas, tuluyan nang naoperahan at nakalabas ng ospital ang kaniyang ina na labis niyang ikinatuwa. Hindi man niya alam kung paano makakabawi sa naturang binata, araw-araw niya namang tinatanaw ang utang na loob na mayroon siya rito.

At dahil nga kitang-kita niya ang pagmamahal na mayroon pa rin ito hindi lang sa kaniya kung hindi pati na rin sa kaniyang buong pamilya, ilang buwan lang ang lumipas, nang siya’y masinsinang kinausap nito tungkol sa naudlot nilang pagmamahalan dahil sa kahirapan, muli niya itong binigyan ng pagkakataon.

Ito na ang naging bago nilang umpisa na talaga nga namang nagpagaan sa buhay niya dahil hindi na siya ngayon nag-iisang haharap sa mga hamon ng buhay.

Advertisement