Wala pang isang buwan ang nakalipas nang lumipat si Jopet sa inuupahan niyang apartment ngayon. Nagtatrabaho kasi siya sa isang opisina sa Makati. Ang bahay naman ng magulang niya ay nasa probinsya pa kaya para makatipid sa pagod at pamasahe ay naghanap na lang siya ng maayos na malilipatan.
Kapag Sabado at Linggo ay wala siyang pasok. Ginugugol niya na lamang ang oras sa panonood ng TV at pakikipaglaro sa aso siyang si Kenji.
“Kenji! Kain na,” tawag niya sa aso isang hapon. Nakatayo siya sa gate ng apartment at isinisigaw ang pangalan nito. Mayamaya ay may narinig siyang pagkahol.
Nilingon niya ang paligid at patuloy na tinawag ang alaga. Natanaw niya ito sa lumang bahay sa tapat kung saan nakatira ang isang pamilya na may lolang masungit.
Tulad ng nangyayari araw-araw ay nakatanaw sa bintana ang lola at masama ang tingin sa kaniya. Alanganin niya namang nginitian ang matanda.
Buti na lamang ay lumapit na ang kaniyang alaga dahil naiilang na siyang makipagtitigan sa lola.
Bago sila makalayo ay may nasinghot si Jopet. “Dumumi ka?” kausap niya kay Kenji.
Nilingon niya ang pinanggalingan nito at kumpirmado! Dumayo pa ang kaniyang alaga nang tinawag ito ng kalikasan. Doon ito sa tapat ng gate ng kapitbahay nagkalat. Imbes na linisin iyon ay nagmadali siyang naglakad kasunod ang aso at pumasok sa loob ng bahay.
Aba, hangga’t walang sumasaway ay hindi niya patitigilin ang alaga. Ayos nga iyon, eh. Hindi na siya ang maglilinis ng kalat ni Kenji.
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay ganoon ang gawain ng aso niya. Hindi naman ito itinatali ni Jopet. Masaya pa nga siya kapag uuwi dahil wala na siyang gagawin. Wala naman ring imik ang lola sa bintana at palagi lang masama ang tingin sa kaniya.
Isang gabi ay mahimbing na natutulog si Jopet nang maramdaman niyang may kumakaluskos sa labas ng kaniyang pinto.
“Kenji?” tawag niya pero nakumpirma niyang hindi iyon ang aso dahil naghihilik pa nga ito sa kaniyang paanan.
Dahan-dahan siyang humakbang palapit sa pinto. Hindi niya muna binuksan iyon. Idinikit niya ang tenga at pinakinggan ang nasa labas.
Anak ng putakte, may umiiri!
“Sino ‘yan?” ‘di na makatiis na wika niya pero walang sumasagot. Tuloy lang sa pag-iri ang kung sino mang nasa labas.
‘Di na siya nakatiis. Unti-unti niyang pinihit ang seradura. Bitbit niya naman ang malaking payong at ito ang ihahampas niya kung sakaling magnanakaw ang naroon.
Pero hindi pa man din siya nakahahakbang ay natulala na ang binata sa nasaksihan. Nakanganga siya at hindi maigalaw ang mga paa.
Naroon kasi sa tapat ng pinto niya ang lolang palaging nasa bintana. Pero hindi ito nakatayo.
Nakaupo ito sa sahig at dumudumi!
Kitang-kita niya kung paano kumalat iyon sa kaniyang tapat.
Natakpan ni Jopet ang bibig at ilong dahil sa nakasusulasok na amoy. Kasunod noon ay ‘di niya maiwasang dumuwal.
“Oh, my God!” bulalas niya.
Hindi pa nakontento ang nakangising lola. Tumayo ito at nagsalita. “Baboy ka kasi. Wala kang malasakit sa kapitbahay mo. Kaya dapat sa’yo babuyin rin. Ano ang pakiramdam na sinasalaula ang tapat mo?”
Yumuko ang matanda at dinakot ang dumi. Tumawa muna ng malakas bago akmang ibabato iyon sa kaniya. “Ito ang sa’yo!”
“Huwag!” humihingal na napabangon si Jopet sa kama.
Walangh*ya!
Panaginip lang pala!
Pagtanaw niya sa labas ay mainit na dahil tirik na tirik na ang araw. Tagaktak ang kaniyang pawis. Nagmamadali siyang pumunta sa kusina at kumuha ng isang pitsel ng tubig. Tinungga niya iyon.
“Parang totoo,” wika niya habang nanghihinang napasandal sa upuan.
Nang mahimasmasan si Jopet ay napag-isip-isip niyang marahil ay konsensya niya ang dumalaw sa kaniya. Mali nga naman ang kaniyang ginagawa.
Para makabawi ay napagpasyahan niyang humingi ng tawad sa kapitbahay. Lalo na sa lolang laging nakakakita sa kaniya pero binabalewala niya.
“Tao po,” tawag niya sa gate ng mga ito. Wala ang lola sa bintana.
Nakailang sigaw pa siya bago may lumabas na babae. “Ikaw iyong nangungupahan diyan sa tapat, ‘di ba? Ano ang maitutulong ko?”
“Ah, hihingi lang ho sana ako ng dispensa sa dumi ng aso ko. Ilang araw na ho kasi siyang sa tapat ninyo nagkakalat gawa ng kapabayaan ko.” napapakamot sa ulong sabi niya.
Tumangu-tango ang babae. “Wala iyon. Naku, kung nabubuhay ang nanay ko ay malilintikan ka. Dahil malinis talaga sa bahay iyon, eh. Ayaw niya ng marumi. Pero kung sa akin lang ayos na ‘yon. Huwag na lang sanang…”
“Teka ho. Ano hong ‘kung nabubuhay’? Si ate naman palabiro. Hihingi pa nga sana ako ng dispensa doon sa matandang nasa bintana lagi. Mukhang galit sa akin, eh.”
Nawalan ng kulay ang mukha ng babae pagkarinig noon. Hinawakan ang braso niya at iginiya siya papasok sa loob.
“Siya ba?” wika ng babae. Itinuro ang isang lumang litratong naka-display sa gilid ng hagdan.
Natatawang tumango si Jopet. “Oho. Lagi akong sinasamaan ng tingin ni lola kasi nga huli niya sa akto ang aso ko.”
“Wala na ang nanay ko. Limang taon na,” saad ng babae.
Hindi nakaimik si Jopet. Imposible! Sigurado siyang ito ang nakikita niya sa bintana gabi-gabi!
Kinilabutan siya lalo nang ituro ng babae ang isang vase kung saan nakalagay raw ang abo nito. Wala na nga ang lola, 2014 pa.
Dali-dali siyang namaalam at pumasok sa kaniyang apartment. Doon ay taimtim siyang nanalangin. Humingi rin siya ng tawad sa lola at nangakong hindi na sasalaulain pa ang bahay nito.
‘Di nagtagal ay nakahanap na rin ng ibang apartment si Jopet pero baon niya ang aral na natutunan sa karanasang iyon, na kahit saan pa siya lumipat dapat ay marunong siyang rumespeto.