Ilang taon na ang lumipas mula nang mag-abroad si Lani. Iniwan niya ang kaisa-isang anak na dalagita sa pangangalaga ng kapatid niyang si Joy. Tutal ay wala namang anak ang babae at ang asawa nitong si Romy.
Ang mister kasi ni Lani ay sumakabilang bahay na dalawang taong gulang pa lamang si Erika, ang kaniyang unica hija. Kaya nga kahit na labag sa kaniyang loob ay pinilit niyang maging OFW. Habang lumalaki kasi ang kaniyang anak ay lumalaki rin ang gastos sa pag-aaral nito.
“Kumusta ka diyan, anak? Sumasali ka pa ba sa mga singing contest?” masayang tanong ni Lani isang beses nang magkausap sila ni Erika sa telepono. “Okay naman po ako, mama. Ano po…” saad ng anak. Tumahimik sandali sa kabilang linya.
“Marami ho kasing ginagawa sa school kaya hindi na ako nakakasali sa mga contest. Ma, ‘yung ano ho pala, padala ninyo. Kulang pa po kasi,” wika ni Erika.
Kumunot ang noo ni Lani. “Nak, 25000 ang pinadala ko sa Tita Joy mo. Ang pitong libo roon ay para sa project mo kamo. Kulang pa? Parang ang laki naman yata, anak, ng gastos. High school ka pa lang,” alanganing puna ni Lani.
Walang narinig si Lani sa kabilang linya kung ‘di mga pagbuntong-hininga.
Mayamaya pa ay muling nagsalita si Erika.”Hindi ko nga rin ho alam, ma. Nag-solo po kasi ako sa project. Iyong iba po ay may ka-group.”
“Siya, siya, gagawan ko ng paraan, ha. Ipapadala ko na lang sa Tita Joy mo,” saad ni Lani.
Matapos ang ilang sandali ay natapos rin ang tawag. Nakangiting namahinga si Lani. Masaya siya na nakausap ang anak bago siya matulog.
Samantala, ibinalik naman ni Erika ang telepono sa kaniyang Tita Joy na kanina pa nakataas ang kilay habang nakamasid sa kaniya. Kinurot pa ng ginang ang tagiliran ng dalagita.
“Magkano ang sinabi mong kulang?”
“Ay, sorry po, tita. Hindi ko po nasabi,” sagot ni Erika.
“G*ga ka talaga! Mamaya magpadala ng 500 ‘yang bobang nanay mo. Ano ang gagawin ko sa 500, ha? Kulang pa sa pang salon ko ‘yan!” gigil na wika ni Joy tapos ay hinila ang buhok ng pamangkin.
“Nakakahalata na po kasi si mama. Tita, sa public lang po ako nag-aaral tapos ang mamahal ng project ko po. Ayoko na po kasing lokohin siya,” pangangatwiran ng dalagita.
“Wala akong pakialam sa usapan ninyong mag-ina. Ang gusto ko lang ay magpadala siya ng pera dahil kulang na kulang ang bente mil na ibinibigay niya tuwing kinsenas!” reklamo ni Joy.
Ang totoo kasi niyan ay wala naman talagang project ang dalagita. Ni hindi na nga ito pumapasok sa eskwela dahil pinahinto na ng malupit na tiyahin. Ayon kay Tita Joy, bawas pa raw sa pera niya ang babaunin ng dalagita. Malaking gastos na nga ang palamunin ang pamangkin. Kahit pa sa nanay naman ng dalagita nanggaling ang pera.
Maluho kasi ang babae at ang mister nito. Pilit na inaabot ang mga bagay na hindi naman nila kaya, ang ending ay nababaon tuloy sa utang.
Isang umaga ay nagulat na lamang si Erika dahil pinagsisipa ni Tita Joy ang folding bed na kaniyang hinihigaan. Pupungas-pungas siyang nagkusot ng mata. Sinampal siya ng pagkalakas-lakas ng babae.
“Tita, bakit po?” tanong ng dalagita.
“Bumangon ka na diyan! Batugan ka! Dahil hindi ka nanghingi ng sapat na halaga sa nanay mo ay magdusa ka ngayon. Sinisingil ako ni Mrs. Cuesta sa utang kong 50k. Mamasukan kang kasambahay sa bahay niya para kahit na papaano ay makabawas ka sa gastusin ko!” wika ni Joy sabay kaladkad sa dalagita sa banyo.
Pinagbubuhusan si Erika ng tiyahin ng malamig na tubig. Tapusin niya raw ang paliligo dahil hinihintay na siya ng kaniyang ‘amo’.
Panay ang banta ng tiyahin na ayusin niya ang trabaho dahil ayaw nitong pumalpak sa paningin ni Mrs. Cuesta. Ilang minuto pa ang nakalipas at papasok na sila sa subdivision kung saan ito nakatira.
Pagbaba pa lamang ng service ay ngiting-ngiti na si Joy. Parang maamong tupa.
Medyo nagtaka pa nga si Erika kasi ang daming sasakyan sa tapat ng malaking bahay. May mga nagbubuhat rin palabas ng gamit.
“Ay, saan dadalhin ‘yan, hijo?” tanong ni Joy sa binatang may bitbit ng TV. “Lilipat na ho yata si Mrs. Cuesta,” simpleng sagot nito.
Napalingon si Joy nang lumabas na nga ang ginang mula sa loob. “Mrs. Cuesta! My dear Mrs. Cuesta! Ito na ang pamangkin na sinasabi ko sa iyo. Willing siyang manilbihan sa inyo basta ikakaltas niyo iyon sa utang ko,” pakiusap ng babae.
Tumango naman ang may edad ng babae. “Pasensya ka na, ha. Hindi ko naman ito kadalasang ginagawa. Ayaw ko rin sanang gipitin ka sa utang kaya lang ay kailangang-kailangan ko rin ng pera ngayon. Ikaw naman, ineng. Sana pulido ang pagkalinis, ha. May titingin kasi sa bahay,” sabi nito kay Erika.
Nagulat si Joy. “Ay, ibinebenta niyo, ho? Kaya pala naglilipat kayo ng gamit.”
“Oo, eh. Mamaya pa darating iyong buyer. Ang rinig ko pa ay ika-cash raw ang bayad dahil nakaipon na. Kaya linisang mabuti. Kahit na mga kisame ay paputiin, ha,” saad ni Mrs. Cuesta. Um-oo naman si Erika.
Para makasigurong hindi papalpak ang pamangkin ay binantayan ito ni Joy maghapon. Grabe siya kung magmando. Nariyang paltukan niya ang dalagita sa harap ng maraming tao. Wala siyang pakialam kung napapahiya ito.
“Kumuha ka ng basahan at punasan mo pa ito!” utos niya.
Tumalima naman ang dalagita. Pagbalik nito ay may bitbit ng isang palanggana na puno ng tubig, may lamang basahan.
Pero dahil siguro pagod na sa maghapong paglilinis ay mabilis na dumulas iyon sa kamay ni Erika at tumapon sa sahig. Galit na galit si Joy. Sinabunutan niya ang pamangkin at ngingudngod sa sahig.
“Tat*nga-t*nga kasi! T*nga, t*nga! Nanggigigil ako sa’yo! Manang-mana ka sa nanay mong tulig!” galit na sigaw ni Joy.
“Joy, tama na ‘yan. Narito na ang buyer,” wika ni Mrs. Cuesta.
“Pasensya na ho kayo. Ito kasing pamangkin ko…” Hindi na natapos pa ni Joy ang sasabihin dahil paglingon niya ay hindi niya inaasahan ang makikitang ‘buyer’ na kasama ni Mrs. Cuesta.
Si Lani.
Tulala ang babae pero ilang sandali lang ay napalitan ng nag-aapoy na galit ang mata nito.
“Lani!” wika ni Joy. Mabilis na nag-iisip kung paano lulusot.
Walang imik na hinila ni Lani palapit ang anak at niyakap.
“Sabi ko na nga ba. May nararamdaman akong mali sa anak ko. Pero inalis ko iyon sa utak ko dahil may tiwala ako sa’yo bilang kapatid ko. Akalain mo binalak ko pa sanang sorpresahin kayo ng asawa mo na isasama ko kayo sa pagtira dito sa bibilhin kong bahay. Pero mabuti ang Diyos dahil huling-huli ko ang ugali mo!” dumagundong ang boses ni Lani sa buong kabahayan.
Gulat na gulat maging si Mrs. Cuesta. ‘Di niya alam na magkapatid ang dalawa.
“Lani, hindi sa ganoon. Makulit kasi ang anak mo at pasaway. Nagbo-boyfriend na nga ‘yan. Laging lumalayas…” pangangatwiran ni Joy.
“Umalis ka na, Joy,” utos ni Lani.
“Lani, naman…” tangkang pakiusap ng tiyahin ni Erika.
“Alis!” utos muli ng babae. Napahiyang tumakbo palayo si Joy.
Lumuluha namang niyakap ni Lani ang anak. ‘Di alam ng mga ito na sapat na ang ipon niya para manatili muli dito sa Pinas. Bibiglain niya pa nga sana sa bibilhin niyang bahay. Siya naman pala ang mabibigla.
“Nak, sorry,” paulit-ulit na sabi ni Lani kay Erika habang hinahalikan ito sa noo.
Samantala, kinabukasan ay may mga taong nagpunta sa bahay ni Joy. Napag-utusan ang mga ito na kunin ang gamit ni Erika. Akala niya nga ay kukunin na rin ang mga appliances nila dahil kapatid niya naman ang bumili ng halos lahat ng iyon.
“Hindi na raw ho. Limos na raw ho sa inyo ang mga ‘yan,” sabi ng isang binatilyo bago ito tuluyang lumabas.
Napatanaw na lang si Joy sa labas ng bintana. Masakit ang ulo dahil sinisingil na siya ng mga pinagkakautangan. Malaki ang pagsisisi. Kung naging mabuting tiyahin lang sana siya ay mabuti rin ang buhay niya ngayon.
Naiwan tuloy siyang nakanganga.