“Julie, nariyan ba ang nanay mo?” tanong ni Aling Laleng sa dalagitang nakaupo sa balkonahe.
Umangat ang tingin ni Julie. Nakita niya na may bitbit itong anak na tila matamlay. Hinarap niya ito ng may blangkong ekspresyon sa mukha. “Nasa loob ho. Baka ho naglilinis ng bahay,” sabi niya sa matabang na tono.
Mukhang hindi naman iyon napansin ng babae dahil dali-dali itong pumasok sa loob ng bahay nila.
“Malamang mangungutang na naman ‘yun kay mama,” nakasimangot na bulong ni Julie.
Lapitan ng mga nangangailangan. ‘Yan ang tawag ni Julie sa ina niyang si Thelma.
Halos araw-araw ay may lumalapit sa kaniyang upang manghiram ng pera. Para sa matrikula, panggatas, panggamot at marami pang iba. Narinig na niya lahat.
“Kay Mareng Thelma ka na manghiram. Hindi ‘yun nagpapatubo at puwede kang magbayad kung kailan mo gusto,” narinig ni Julie ang sabi ng isa sa mga kapitbahay nila nung isang beses siyang napadaan doon.
Iyon ang hindi gusto ni Julie. May mga umaabuso sa kabaitan ng kaniyang ina. Ayaw niya lang na may manloloko sa nanay niya para lang makapangutang kaya isang araw ay hindi niya napigilan ang kaniyang sarili na sabihan ang kaniyang nanay.
“Ma, baka naman nasosobrahan ka na sa tiwala sa mga taong lumalapit sa’yo at inaabuso ka na nila. Baka hindi naman marunong magbayad ‘yang mga pinapahiram mo,” sabi ni Julie sa ina.
“Anak, ano ka ba naman. Hindi naman tayo tumutulong para hingin ‘yung tulong na ‘yun pabalik, hindi ba? Masuwerte nga tayo dahil hindi tayo ang nangangailangan ng tulong,” nakangiting sagot ni Thelma.
“Isa pa, sinasabi sa Bibliya na tumulong tayo sa mga taong hindi kayang magbayad dahil ang langit ang magbibigay ng kabayaran para sa kanila,” pagpapatuloy ng ina.
May munting pagkapahiya na naramdaman si Julie nung mga sandaling iyon ngunit iwinaksi niya iyon. “Basta, ma, huwag mo sasabihing hindi kita pinaalalahanan.”
Lumipas ang mga araw at walang naging pagbabago. Ganun pa din ang nanay ni Julie. Mabait at matulungin. Ang mga tumatakbo sa nanay niya ay tila mas dumami pa.
Isang araw ay galing si Julie sa eskwelahan nang mapansin niya na may tatlong sasakyan ang nakaparada sa tapat ng kanilang bahay.
Tuwang-tuwa siya nang mapagtantong sasakyan iyon ng kaniyang ama at dalawang kuya kaya dali-dali siyang pumasok ng bahay.
“Kuya Jay!” pambungad na sigaw ni Julie nang makapasok ng bahay.
Ngunit sa kaniyang pagtataka ay wala ang masayahing mukha ng kaniyang panganay na kapatid. “Kuya, ayos ka lang ba?” Nag-aalalang tanong niya sa kapatid. Hindi ito sumagot at ginulo lang nito ang buhok ni Julie gaya ng madalas nitong gawin.
“Nasan sila mama, papa at Kuya Jay?” tanong ni Julie.
Dinala si Julie ng kaniyang kuya sa kanilang maluwang na sala. Doon ay nakita ng dalagita na nakaupo ang kaniyang mga magulang at isa pang kapatid. Agad siyang yumakap sa kapatid na minsan lang niya makita.
“Anak, may sasabihin kami sa’yo,” panimula ng ama ng dalagita.
“Ano po ‘yun?” kinakabahang tanong ni Julie. “May sakit sa puso ang mama mo. Kailangan siyang operahan sa lalong madaling panahon,” mabagal na sabi ng ama ng dalagita.
Tila may bombang sumabog sa harap ni Julie at sandali siyang nabingi. Nabalot ng pag-aalala ang kaniyang puso.
“Medyo malaki ang kailangan para sa operasyon. Kakailanganin pa nating mag-ipon para makapagpa-opera ang mama mo,” sabi pa ng ama.
Doon na tumulo ang luhang kanina pa pinipigilan ni Julie. Niyakap siya ng kaniyang ina.
“Bakit ka umiiyak? Hindi pa naman ako mamamat*y,” biro ni Thelma. “Ma!” Sabay-sabay na saway ng mag-anak sa hindi magandang biro ng babae.
Mabilis na kumalat ang balita sa kanilang lugar.
Inaasahan ni Julie na unti-unti nang mauubos ang mga pumupunta sa kanilang bahay dahil alam na ng mga ito na hindi na nila kaya pang tumulong sa iba ngayong may malaking problema silang kinakaharap. Ngunit sa kaniyang pagtataka ay mas madaming tao ngayon ang nagpupunta sa bahay nila.
“Thelma, inumin mo itong tsaa na ito. Maganda ito para sa kalusugan mo,” narinig ni Julie ang sinabi ni Aling Mercy sa ina.
“Nagdala ako ng avocado. Maganda daw ito para sa puso. May iba pang prutas diyan. Kainin mo ‘yan, ha,” sabi naman ni Aling Teresa.
“Naku, maraming, maraming salamat sa inyo. Nag-abala pa kayo,” nahihiyang pasasalamat ni Thelma sa mga kapitbahay.
“Kami nga ang nahihiya sa’yo, Thelma. Puro kami na lang ang nakakatanggap mula sa inyo. Ngayong ikaw ang nangangailangan gusto ko namang makatulong,” sabi ni Aling Monette.
Isang araw ay nakita pa ni Julie ang pagbisita ni Aling Martha, ang asawa ng kanilang kapitan.
“Thelma, magkakaroon kami ng maliit na concert for a cause sa barangay mamayang gabi. Lahat ng kikitain ay ibibigay namin para sa operasyon mo,” wika ni Aling Martha.
Hindi nakapagsalita ang ina ni Julie.
“Nagbebenta din ng t-shirt ang iilan sa mga kabataan sa lugar natin online. Ang alam ko ay marami rami na din ang nabebenta nila. Tiyak akong makakatulong ang halagang iyon sa operasyon mo,” nakangiting wika ng asawa ng kapitan.
“Maraming salamat sa inyo. Hindi ko naman inaasahan na gagawin niyo ang lahat ng ito para sa akin,” mangiyak-ngiyak na wika ni Aling Thelma.
Maging si Julie ay naging emosyonal nang mga sandaling iyon. “Ito ba ‘yung mga taong inakusahan ko na abusado?” Iyon ang naglalaro sa isip niya habang ang puso niya ay binabalot ng matinding pagsisisi.
Sa kabutihang palad, sa tulong ng kanilang mga kapitbahay at kabarangay ay nakalikom ng sapat na halaga ang pamilya nina Julie para sa operasyon ni Aling Thelma.
Sigurado si Julie na madami din ang nagdasal para sa tagumpay ng operasyon ng kaniyang ina kaya naman laking tuwa nila nang malamang tagumpay ang ginawang operasyon kay Aling Thelma.
“Maraming salamat” lang ang tangi nasasabi ng pamilya ni Julie sa bawat taong bumibisita kay Aling Thelma habang nagpapagaling ito sa ospital.
Ang pangyayaring iyon ay ang mas lalong naglapit sa ina ni Julie sa mga tao sa kanilang barangay. Ang kaibahan lang ngayon ay taos puso na ang pagsuporta ni Julie sa kaniyang ina.
“Tama si mama. Ang langit ay nagbibigay ng gantimpala.” Naisip ni Julie habang minamasdan ang kaniyang ina na masayang nakikipagkuwentuhan sa mga kapitbahay nila.